Part 21

2.9K 126 7
                                    


MAINGAT na humakbang si Marian palapit sa entrada ng isang silid sa memorial chapel kung saan nakaburol si Momsie Betchay. Para siyang ninja na takot makalikha ng ingay. Hindi siya puwedeng basta-basta na lang pumasok doon. Paano kung nandoon si Roel? Baka isipin pa nitong may feelings pa siya rito kaya gusto niyang makiramay sa pagkamatay ng nanay nito. Baka hindi niya mapigilang sampalin ito nang kaliwa't kanan with uppercut kapag ipinahiwatig nito iyon. Ayaw niyang lumikha ng gulo sa lamay.

Baka naroon din si Aling Poleng. Baka isipin pa nitong gusto niyang manggulo sa lamay na ito ang nag-ayos. Baka paalisin siya nito dahil iisipin nitong baluarte nito ang lamay na iyon at wala siyang karapatang tumapak doon. Siyempre ay ayaw niya ang ipinapahiya siya kaya malamang na magsagutan na naman sila at lilikha iyon ng gulo sa lamay.

Kailangan muna niyang malaman kung naroon ang dalawang taong ayaw niyang makita bago siya pumasok sa silid. Sumilip siya sa entrada ng kuwarto at sa tingin niya ay nasa sampung katao ang naroon. Dumako ang paningin niya sa unahang row ng mga upuan. Wala si Roel sa mga nakaupo roon. Ang tanging pamilyar na likod lang sa kanya ay ang sa tatay nito. Wala rin si Rita. Inilibot niya ang tingin sa silid at naghanap ng may buhok na mala-barbwire pero wala siyang nakita. Wala rin si Aling Poleng.

Kumunot ang noo niya nang parang may naramdaman siyang presensiya sa likuran niya. Nang lingunin niya ito ay nanlaki ang mga mata niya nang makita si Miguel na nakatayo roon. May munting pagtataka sa mga mata nito. Kaagad siyang nag-iwas ng tingin. Biglang nag-init ang mga pisngi niya at bumilis ang pintig ng puso niya. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya rito. Kung makakapag-tweet lang siya nang sandaling iyon, ang ilalagay niya ay #awkward.

"Nag-i-spy ka na naman ba?" kaswal na tanong nito na para bang walang nangyari noong isang araw.

Inalis niya ang suot niyang shades. "Hindi, no! Kilala ko 'yong namatay. Malapit siya sa akin. Gusto ko sanang dumalaw kaso sa Mary Paulene ang funeral service na ito. Ang awkward lang kung pupunta ako sa burol na inayos ng mahigpit kong kakompitensya sa negosyo at kaaway."

"O baka naman dahil ex mo 'yong anak ng namatay."

Napamulagat siya. "Paano mo nalaman 'yan?" Naging slits ang mga mata niya. "Aha! Nag-research ka ng tungkol sa akin, no?" Ngumisi siya. "Interesado ka na sa akin?"

"Narinig ko lang sa pag-uusap nina Ma'am Paulene at Miss Rita. Ex mo raw 'yong kapatid niyang si Roel."

Medyo napahiya siya pero nakalimutan agad niya iyon nang ma-realize ang sinabi nito. Diyata at pinagtsitsismisan siya ng dalawa. Hindi niya ka-close si Rita. Feeling niya noon ay naiinggit ito sa kanya dahil mas maganda siya rito. Nagpa-nose job pa nga ito dahil nainggit sa ilong niyang natural na matangos. "Anong mga pinag-usapan nila tungkol sa akin? I'm sure puro hindi magaganda ang pinagtsismisan nila tungkol sa akin."

Hindi sumagot ito.

"I'm sure sinabi ni Rita na ako ang may pagkukulang kaya nakuhang mambabae ni Roel. Hindi totoo 'yon. Naging mabuti akong girlfriend kay Roel noon."

Naalala niya ang tagpo kung saan nahuli niya si Roel na nakikipaghalikan sa ibang babae sa plaza. Umupo pa siya sa tabi ni Roel at tumikhim nang malakas para mapansin siya ng mga ito. Pero mukhang busing-busy ang mga ito. Kaya ang ginawa na lang niya ay bumili siya ng bottled water sa kalapit na tindahan at binuhusan ng tubig si Roel at ang babae nito na parang dalawang askal na magkadikit ang mga crotch at nagme-mating sa gitna ng daan para maghiwalay ang mga ito. Tumalab naman ang ginawa niya. Sinampal at tinuhod niya si Roel noon at sinabunutan ang babaeng kahalikan nito. Hinuli pa siya ng barangay tanod at napunta silang tatlo sa barangay.

I Love You To Death [COMPLETED]Where stories live. Discover now