Part 22

3K 118 2
                                    


"HOY, MATANDANG mangkukulam! Lumabas ka riyan!" gegewang-gewang na singhal ni Marian sa harap ng nakasaradong pinto ng Mary Paulene Funeral Parlor habang hawak ang isang bote ng Red Horse. Mayroon pang one-fourth na laman iyon.

Iniwan niyang knockout sina Ma-ne at Gigi sa opisina niya. Ito ang mga naging kainuman niya kanina. Madaling malasing ang mga ito. Habang nakahilata si Gigi sa sahig at naghihilik na akala mo ay barakong lalaki at si Ma-ne naman ay lupaypay at nakabukaka sa couch, siya naman ay nagpatuloy sa pagtungga ng Red Horse hanggang sa kusa siyang tumayo at pagewang-gewang na tinungo ang katapat na punerarya.

Hindi naman talaga siya lasenggera. Umiinom lamang siya sa tuwing masama ang loob niya. Matapos ang pagkapahiyang dinanas niya sa burol ni Momsie Betchay ay bumili kaagad siya ng isang case ng Red Horse at pinilit sina Ma-ne at Gigi na samahan siyang uminom.

Masamang-masama ang loob niya. Hindi siya makapaniwalang all these years ay pinaniwala niya ang kanyang sarili na perfect siya. Alam niya na hindi pang-honor student ang utak niya pero kahit ganoon ay wais at madiskarte naman siya kaya naniniwala siyang matalino din naman siya. Ibang klaseng talino nga lang ang gusto ni Roel. Iyong talinong wala siya. Ang akala niya ay hindi na mahalaga kahit matalino ito at mababaw lang siya. Wala naman kasi itong binabanggit tungkol doon noong magkasama pa sila. O marahil ay hindi lang nito nahalata na nakukulangan pala ito sa kanya.

Love is not enough sometimes, ayon kay Roel. Totoo ba iyon? Ang alam lang kasi niya ay "love is like a rosary that is full of mysteries" at "love is blind." Hindi niya in-expect na may ganoon palang definition sa pag-ibig. Para kasi sa kanya, sapat na ang pag-ibig para tumagal na magkasama ang dalawang tao habangbuhay. Iyon ang misteryo ng pag-ibig. Wala itong nakikitang mali o kulang.

Ngayon tuloy ay naisip niya na baka siya ulit ang may kasalanan o kakulangan kung bakit hindi siya sineryoso ni Leo at ginawa lang siyang mala-number 2 ni Randy. Hindi niya masasabi na kapareho ni Roel ang rason ng dalawa dahil hindi naman kasing talino ni Roel ang mga ito. So, wala sigurong kiber ang mga ito kahit mas interesado siya sa Vhong-Deniece-Jedric mauling scandal kaysa sa national issue ni Janet Napoles.

Mataas ang self-confidence niya pero sa isang iglap ay gumuho ang kompiyansa niya sa sarili. Hindi na lang sana niya nalaman kung bakit siya nagawang ipagpalit ni Roel. Hindi sana siya lumalaklak ng Red Horse ngayon. At kasalanan itong lahat ni Aling Poleng. Kaya naroon siya ngayon sa harap ng funeral parlor nito para giyerahin ito. Wala na siyang pakialam kahit gurang na ito at hindi dapat pumapatol ang bata sa mga matatanda. Makakatikim na talaga ito sa kanya at wala siyang pakialam kahit mahuli pa siya ng barangay tanod dahil nanggugulo siya nang dis-oras ng gabi.

"Aling Poleng!" hiyaw niya habang namumungay ang mga mata sa nakapinid na pinto ng punerarya. Alam niyang may tao pa roon dahil hindi pa naka-lock ang steel rollup door. Naka-open pa iyon sa length ng glass door. Kaya kahit nakapatay ang ilaw sa loob ay alam niyang may tao pa roon.

"Lumabas ka diyan! Harapin mo ako! Ito na ang tamang oras para puksain ang isang kampon ng kadilimang tulad mo! Sa ngalan ng buwan, parurusahan kita!" Pinilit niyang pumuwesto ala-Sailor Moon kaya lang ay bangenge siya kaya hindi niya na-perfect ang posisyon. Muntik pa niyang ikatumba iyon. Kinalampag na lang niya ang pinto para mabulabog ang matanda. "Lumabas ka sabi riyan! Harapin mo ako! 'Wag kang duwag! Hindi ako aalis dito hangga't hindi ka--" Natigil siya nang biglang bumukas ang pinto at may bumungad na matangkad na pigura.

"Marian, ano bang ginagawa mo?" mahinang asik ng isang lalaking tinig.

Sa namumungay na mga mata ay pilit niyang inaninag ito sa dilim. "Miguel?" Unti-unting luminaw sa paningin niya ang mukha nito. Bakit ganoon? Kahit medyo lasing siya ay napakaguwapo pa rin nito sa paningin niya? "Bakit nandiyan ka pa?"

I Love You To Death [COMPLETED]Where stories live. Discover now