Part 32

2.8K 114 8
                                    



NAKITA ni Marian ang paghanga sa mga mata ni Val nang lumabas siya sa pinto ng punerarya. May movie date sila nito kaya sinundo siya nito roon. Pagkatapos nilang manood ay magdi-dinner daw sila. Nagsuot siya ng black dress na hanggang tuhod, naglagay ng kaunting make-up at kinulot niya ng hair straightener ang buhok niya. Nagpaganda talaga siya para rito. Gusto niyang malaman nito na worth it ang paghihintay nito sa kanya.

Pero hindi na niya napansin ang mga papuring binitiwan ni Miguel nang magtama ang paningin nila ni Miguel na nasa tapat ng Mary Paulene habang kausap si Aling Poleng. Daldal nang daldal si Aling Poleng pero mukhang hindi ito pinakikinggan ni Miguel dahil busy ang binata sa pagpapalipat-lipat ng tingin sa kanya at kay Val. Mukhang napuna na ni Aling Poleng na sa kanya nakatingin si Miguel. Halatang naimbyerna ito. Saka lang ibinalik ni Miguel ang tingin sa matanda nang marahil ay tawagin ng huli ang pansin ng lalaki.

"Sino siya, Marian?"

Saka lang niya narinig ang sinasabi ni Val. "Huh? 'Yong matandang nagmumurang kamias na 'yon? Si Aling Poleng 'yan. Siya 'yong kinukuwento ko sa 'yo."

"Hindi siya. 'Yong lalaki."

Niyon lang niya napansin ang kunot sa noo nito. Kay Miguel nakatingin ito.

"Ah... si Miguel." Kunwari ay wala siyang interes. "Embalsamador ni Aling Poleng."

"Embalsamador? Seriously?"

"Bakit?"

"Hindi siya mukhang embalsamador, eh."

Gusto sana niyang mapabulalas ng "Super agree!" pero pinigilan niya ang sarili. Ayaw niyang malaman ni Val na minsan na siyang na-in love sa embalsamador na iyon.

"In fact, may kamukha siya, eh."

"Sino?" curious na tanong niya. Napaisip tuloy siya kung may kamukhang artista si Miguel.

"Si—" Nahinto sa pagsasalita si Val nang biglang may malakas na tinig na umeksena mula sa bintana ng opisina niya sa itaas.

"Hi, Val!" bati ni Ma-ne. "Ingatan mo si Marian, ha."

"Oo naman!" nakangiting sagot ni Val.

"Enjoy your date!" sabi naman ni Gigi. "Bigyan lang kita ng tip. Hindi matatakutin sa mumu si Marian kaya kung balak mo siyang papanoorin ng horror movie para mapayakap siya sa 'yo, kalimutan mo na. Instead, papanoorin mo siya ng drama, 'yong love story na drama. Para kapag umiyak siya, aluin mo siya at iiyak siya sa dibdib mo. And then, puwede mo na siyang yakapin."

Ngumisi si Val. Mukhang nasiyahan sa tip. "Thank you sa tip!"

"Saan kayo manonood?" muling hirit ni Gigi. Ang lakas ng boses nito, abot hanggang Divisoria.

"Sa Trinoma," tugon ni Val.

"Starting Over Again na lang ang panoorin n'yo! Grabe, cryola ako dun. I'm sure, luluha ng graba si Marian doon," pag-suggest ni Ma-ne. Ang lakas din ng boses nito. Feeling siguro ng mga ito ay nasa rooftop ang mga ito at malayo ang distansiya nila.

"Okay," sabi ni Val sa dalawa. "Thanks!"

Inalalayan na siya ni Val papasok sa pinto ng kotse nito. Bago pa siya pumasok doon ay tinapunan pa muna niya ng tingin si Miguel. Nahuli niyang nakatingin ito sa kanya. Bakit ganoon ang hitsura nito? Parang nagseselos. Pero imposible ang iniisip niya. Baka hindi ito nagseselos kay Val dahil sa kanya. Baka naiinggit ito kay Val dahil sa kotse ng huli.

Ilang saglit pa ay nakasakay na sila ni Val sa kotse nito papunta sa Trinoma. Sinunod nga ng mokong ang advice nina Ma-ne at Gigi. Starting Over Again ang pinanood nila ni Val. Napahagulgol siya sa mga nakakaiyak na eksena. Lalo na doon sa "I deserve an explanation. I deserve an acceptable reason" na pasabog na linya ni Marco na character ni Piolo Pascual sa pelikula. Tagos hanggang atay niya ang linyang iyon.

Ang totoo, naapektuhan naman talaga siya sa istorya. Pero mas naiyak siya dahil habang nagbabatuhan ng linya sina Toni Gonzaga at Piolo Pascual ay iniisip niyang silang dalawa ni Miguel ang mga iyon. Pero ang mukha niya ang nakadikit sa mukha ni Piolo dahil siya ang bumabato ng linyang iyon na may dagdag adlib na niya with intense emotion.

I deserve an explanation! I deserve an acceptable reason! Bakit hindi mo ako minahal, Miguel? Sabihin mo sa akin kung bakit dahil hindi mo sinabi sa akin ang dahilan kung bakit hindi mo ako minahal. Basta mo na lang akong binasted. Dahil ba hinahabol-habol kita? Dahil ba hindi ako marunong sumubo ng hotdog? Dahil ba walang lalaking nagmahal nang totoo at nagseryoso sa akin at sa tingin mo, nang dahil doon ay hindi ako karapat-dapat na mahalin? Sabihin mo!

Wala na siyang pakialam kahit panay na ang sipa sa likod ng upuan niya ng taong nakaupo sa likod dahil sa ingay niya. Wala siyang pakialam kahit habang nakasubsob siya sa dibdib ni Val ay panay ang haplos nito sa likod, balikat at braso niya na mukhang nananantsing na. Ang sakit ng nararamdaman niya.

"How do I unlove you, Miguel?"

"Miguel?"

Bigla siyang napatigil sa pag-iyak sa narinig na pangalang binanggit ni Val. Tiningala niya ito at nakita niya ang kunot sa noo nito. "Huh?"

"Sabi mo, 'how do I unlove you, Miguel.'"

Napamaang siya. Sinabi niya ba iyon? Hindi niya namalayang lumabas na pala sa bibig niya ang huling parte ng linyang binitiwan niya sa isip.

"M-Marco pala. Marco," palusot niya.

Nagkaroon ng pagdududa sa mga mata ni Val. Naiugnay ba nito sa pangalan ng embalsamador na tinanong nito sa kanya kanina ang pangalang nabanggit niya?

"Nagkamali lang. Ano ba? Pareho kasing 'M.' Nakakalito," patuloy niya sa paglusot.

Nang bumalik ang ngiti nito ay naging kampante na siya. Niyon lang niya namalayan na nasa balakang na pala niya ang kamay nito. Inalis niya iyon at dumiretso na siya ng upo para kumawala na sa yakap nito. 

I Love You To Death [COMPLETED]Where stories live. Discover now