Part 9

3K 109 3
                                    


"PAANO na 'yan, Mars? Hindi na talaga natin makukuha si Miguel?"

Mula sa iniispeksiyong couple's coffin kung saan kasya ang dalawang tao ay iniangat ni Marian ang tingin kay Ma-ne. Nasa loob sila ng showroom kung saan nakahilera ang mga ataul na may iba't-ibang kulay at disenyo.

Bumuntonghininga siya sa nakitang disappointment sa mukha ni Ma-ne. Hindi niya sure kung nag-aalala ito para sa punerarya niya o na-disappoint ito dahil hindi nito masisilayang shirtless si Miguel habang humahalukay ang huli ng mga lamang-loob ng mga bangkay sa morgue nila. "Tinanggihan niya nga ang alok kong malaking suweldo, 'di ba? Sinabi ko na rin sa kanya ang baho ni Aling Poleng. Kahit siguro tutukan ko ng baril sa sentido 'yon, hindi siya papayag. Nakita ko 'yong determinasyon sa mukha niya. Talagang loyal siya sa bruha."

"Pero in fairness, may paninindigan siya," ani Ma-ne. "Pero paano na tayo kung magpapatuloy 'yong paggamit ni Aling Poleng sa hotness ni Miguel para maka-attract ng customers? Nabalitaan ko na kahapon, lima ang funeral service ng Mary Paulene ngayon. Ang sa atin, dalawa lang."

Nalungkot siya sa narinig. Hinaplos niya ang dalawang heart-shaped pillows sa loob ng couple's coffin. "Wala na tayong magagawa para makuha siya, Ma-ne. Kaya ang dapat na lang nating gawin, eh, ang mag-hire ng mas magagaling na ahente at mag-offer ng free e-burol service."

Lumabi si Ma-ne.

"Mayroon pang isang paraan para makuha natin si Fafa Miguel."

Napatingin sila ni Ma-ne kay Gigi na nakaupo sa silya na nasa isang sulok habang nagpipipindot sa cellphone nito. Mukhang nakikipag-chat na naman ito sa Kakao Talk sa online dyowa nito.

"Anong sinasabi mo, baks?" tanong niya.

Tumayo ito at lumapit sa kanila matapos isuksok ang cellphone sa bulsa sa puwitan nito. Nagsimula itong umikot sa palibot niya habang pinapasadahan ng tingin ang kabuuan niya. "Nice, shapely legs," turo nito sa mga binti niyang naka-expose sa suot niyang maong shorts. "Rounded hips. Narrow waistline. Almost flat stomach," turo nito sa tiyan niya.

Napa-stomach in tuloy siya. "Marami lang akong nakain sa lunch kanina."

Nagpatuloy si Gigi sa pagmamasid sa katawan niya. "Nice boobies," tukoy nito sa thirty-five inches niyang bustline.

Napaliyad siya bigla.

Umangat ang tingin nito sa mukha niya. "Beautiful face."

Nag-"beautiful eyes" at nag-pout siya. Nang alisin ni Gigi ang ponytail niya sa likod ay lumugay ang buhok niya at iwinagwag niya iyon na parang modelo ng shampoo. In-imagine niya na may hanging umiihip sa mukha niya at inililipad ang kanyang buhok.

"Nice, fair skin..." pagtatapos ni Gigi. Huminto ito sa harapan niya at ngumiti ito.

Ngumiti rin siya. "I know, right? Hindi mo na kailangang ipangalandakan na perfect ako." Humagikgik siya.

"Ano ngayon?" tanong ni Ma-ne kay Gigi. "'Wag mong sabihing papasalihin mo si Mars sa Binibini Pilipinas. Lagpas na sa age limit ito. Isa pa, kulang siya sa height. Five six ang minimum height sa pageant na 'yon. Five-four and a half lang siya. At baka magkalat ito sa Q and A. Talbugan pa si Janina San Miguel."

Hinampas niya sa balikat si Ma-ne. Um-aray ito.

"Bakit mo ba ako pinapaulanan ng papuri?" tanong niya kay Gigi. Napanganga siya nang maisip kung anong kailangan nito. "Babale ka, no?" Pinandilatan niya ito.

"Hindi ako babale!" paglilinaw ni Gigi. "Ang sinasabi ko... bakit hindi mo gamitin ang alindog mo para maagaw si Miguel sa bruha?"

Nagkatinginan sila ni Ma-ne.

Naningkit ang mga mata niya nang balingan si Gigi. "Walanghiya kang bakla ka! Gusto mong ibigay ko ang katawan ko kay Miguel kapalit ng paglipat niya rito? Hindi ako puta!"

Napanganga si Gigi. "Agad-agad, teh? Puta agad? Ang ibig kong sabihin, gamitin mo ang ganda mo. Akitin mo siya pero hindi mo kailangang humantong sa pagbibigay ng katawan. Paibigin mo siya. Make him fall for you. Kapag na-in love na siya sa 'yo, I'm sure, lilipat siya rito nang walang pag-aalinlangan."

Muli ay nagkatinginan sila ni Ma-ne.

I Love You To Death [COMPLETED]Where stories live. Discover now