Part 26

2.8K 113 2
                                    


HINDI naman kamag-anak ni Marian ang namatay pero parang mas malungkot pa siya kaysa sa katabi niyang namatayan ng asawa. Siya ang nag-ayos ng burol ng yumao na ginanap sa Peaceful Memorial Chapel. Hinagod niya ang likod ni Mrs. Llarinas na hawak ang Samsung Galaxy Note 3 nito at nagbabasa ng news feed sa Facebook. Ang sabi nito ay tinitingnan daw nito ang mga message of condolences ng mga kaibigan at kakilala ng asawa pero nakita niya itong nag-like sa shared link ng isang leaked sex video scandal at i-sh-in-are pa iyon sa wall nito.

Napagpasyahan na niyang magpaalam dahil tapos na ang trabaho niya para sa araw na iyon. Isa pa ay baka nakakaistorbo siya sa pagfe-Facebook ng ginang. At saka baka mapagkamalan ng mga tao na siya ang misis na namatayan dahil mas mukha pa siyang nabiyuda sa hitsura niya kaysa sa totoong misis ng nakahiga sa ataul.

Malungkot talaga siya at hindi niya kayang itago iyon. Kapag in love siya ay napakaganda ng mundo at lahat ng nakikita niya ay maganda. Ultimo ang lumilipad na ipis ay butterfly ang tingin niya. Pero kapag brokenhearted siya, ang butterfly ay nagmumukhang baby na paniki sa paningin niya.

Halos isang linggo na simula nang durugin ni Miguel ang puso niya. Hindi pa siya nakaka-recover. Kahit na anong gawing pagpapasaya nina Ma-ne at Gigi sa kanya ay walang epekto sa kanya. Kulang na lang ay tumulay na sa alambre si Ma-ne at bumuga na ng apoy si Gigi para aliwin siya. Dati-rati ay humahagalpak siya sa katatawa sa tuwing nanonood ng Gandang Gabi Vice. Pero noong Linggo, habang sina Ma-ne at Gigi ay halos maihi na katatawa at gumugulong na sa sahig ang mga ito, siya naman ay parang nanonood ng drama. Napaiyak siya sa joke ni Vice Ganda.

Ni hindi niya magawang ngumiti kahit pilit. Ayaw niyang makarinig ng love songs, lalo na ang "Pusong Bato." Madaling mag-init ang ulo niya kapag nakakarinig ng tungkol sa pag-ibig. Noong makasalubong niya ang patpating lalaking nagyaya sa kanya ng date sa gym noon ay inihagis niya ito sa imburnal nang sabihan siya nito ng "'Lab you." Pasalamat ito at hindi bukas ang manhole. Kung hindi ay baka talagang naihulog niya ito sa loob niyon.

Palagi nang nakasara ang bintana sa opisina niya. Minsan kasi ay nakita niya si Miguel na nakadungaw doon. Nakita niya ang guilt sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya. Pinagsarhan niya ito ng bintana sabay sandal doon at in-slide niya ang kanyang likod pababa habang lumuluha hanggang sa mapaupo sa sahig na parang isang madamdaming eksena sa isang teleserye.

Hindi biro ang pinagdaraanan niya at gusto na niyang matigil ang paghihirap niya. Kung sana ay alam niya kung paano ang lumimot nang mabilis sa pagkabigo sa pag-ibig. Kung sana lang ay kaya niyang ibaling sa iba ang nadarama para kay Miguel. Kung sana ay may isang lalaking darating sa buhay niya para pawiin ang labis na lungkot na nadarama niya...

Nasapo niya ang balikat nang mabangga siya sa isang malaking braso. Sisinghalan sana niya ang taong iyon kahit siya naman talaga ang hindi tumitingin sa nilalakaran dahil busy siya sa pag-e-emote pero nang tumingala siya ay natigilan siya sa nakita. Isang guwapong mukha ang bumulaga sa kanya. Nakakunot ang noo nito na para bang pilit nitong iniisip kung sino siya.

"Marian Salcedo?"

Natigilan ulit siya. "Bakit mo ako kilala?"

Ngumisi ito at pinasadahan ng tingin ang kabuuan niya.

Teka, bakit parang pamilyar sa kanya ang ngising iyon? Kilala niya ba ito?

"It's been so long pero nakilala pa rin kita."

"Sino ka ba?" kunut-noong tanong niya.

"Kunsabagay, ang laki na kasi ng iginuwapo ko kaya hindi mo na ako nakilala. Ako 'yong binato mo ng eraser noong elementary. Remember?"

Nagliwanag ang mukha niya. "Val?"

"Yes, that's me."

"Valentino Calbayog!"

"Shhh! 'Wag mo nang ipagsigawan ang buong pangalan ko, please."

Nagtaas siya ng kilay. "Marunong ka nang mag-please ngayon, ha."

"Hindi na ako ganoon kapasaway."

"Talaga lang?"

Tumango ito. "Galit ka pa rin siguro sa akin hanggang ngayon."

"Hindi na. Matagal na 'yon. Hindi na tayo mga bata."

"Right. Hindi na tayo mga bata," sabi nito habang titig na titig sa kanya. "Gumanda ka."

"Maganda naman talaga ako dati pa." Humagikgik siya.

"Hindi mo ba pupunahin ang physical improvements ko?"

In fairness, gumuwapo nga ito at maganda ang tindig ng loko. Hindi niya akalaing guguwapo ito nang ganoon sa paglaki nito. Pero mukhang mayabang pa rin ito hanggang ngayon. "Oo na. Gumuwapo ka na."

Ngumisi ito, halatang siyang-siya. "Saan ka galing? May patay ka bang dinalaw?"

"Nag-ayos ako ng burol. 'Di may funeral business kami? Ako na ang pumalit sa pamamahala doon nang mamatay ang Papa ko."

"Oo nga pala. May punerarya nga pala kayo."

"Ikaw? Saan ka papunta? May dadalawin ka?"

"'Yong uncle ko sa mother side. Fernando Llarinas."

"O! Sakto pa. Siya ang inayusan ko ng burol ngayon."

"Wow! Destiny, ah. Single ka ba?"

Natigilan siya. Interesado ba sa kanya si Val kaya siya tinatanong nito ng ganoon? Bigla siyang na-concious sa titig nito. "Oo. Bakit?"

Halatang nasiyahan ito. "Good. Single din ako." Kung makatitig ito ay parang interesado nga ito sa kanya.

Teka, kanina lang ay hiniling niya na sana ay may isang lalaking papawi ng lungkot niya. Si Val ba iyon? Not bad. Mukhang nagbago na naman ito. Mukhang bumait na. At saka puwede namang mag-ibigan ang dating magkaaway. Parang romance pocketbook lang ang peg. "So?"

"So... are you free tonight?"

"Niyayaya mo ba akong mag-date?" pagkompirma niya. Nadala na kasi siya sa pagiging assumera niya kay Miguel.

Tumango ito. "Kung papayag ka."

Hmmm...

I Love You To Death [COMPLETED]Where stories live. Discover now