Part 36

2.8K 100 6
                                    


"GUSTO ko nang mamatay!" sigaw ni Marian habang nakataas ang mga kamay at nakatayo siya sa barandilya ng tulay na patalikod sa ilog na sa palagay niya ay nasa fifty feet mula sa tulay. Malapad ang barandilya at halos kaysa ang buong paa niya. Kataka-takang hindi siya nawawalan ng balance kahit nakainom siya.

"Miss, 'wag kang tatalon," hiyaw ng isang matabang babae. "Bumaba ka riyan!"

May mangilan-ngilang tao na ang nakikiusyoso sa kanya.

"Ayoko nga!" sabi niya sa babaeng mataba. "Bakit ka ba nakikialam? Pinapakialaman ko ba 'yang bilbil mo? Hindi naman, 'di ba?

"Miss, maghunos-dili ka!" sabi ng lalaking panot. "Ang ganda mo pa naman. Sasayangin mo nang ganyan ang buhay mo."

"Iyon na nga, eh. Ganda lang ang gusto n'yo sa aking mga lalaki," pagrereklamo niya habang unti-unting nag-iinit ang mga mata. "Hindi n'yo nakikita kung gaano ako ka-sweet, thoughtful, faithful, understanding, loving and caring... hindi n'yo naa-appreciate 'yong inner beauty ko."

"Ia-appreciate ko ang inner beauty mo basta bumaba ka lang riyan," sabi ng panot.

"Hindi ko type ang bumbunan mo!" singhal niya rito habang nagsisimula nang lumuha.

Biglang may dumating na dalawang pulis at tinanong sa mga tao kung anong nangyayari.

"Miss, ano bang problema mo?" tanong sa kanya ng pulis na malaki ang tiyan. "Iniwan ka ba ng boyfriend mo? Kalimutan mo na siya. Makakahanap ka pa ng ibang lalaki."

"Hindi! Lahat ng lalaking nagdaan sa buhay ko, hindi nila ako minahal nang totoo. Kaya kahit makahanap ulit ako ng bagong lalaki, gano'n pa rin ang gagawin niya sa akin. Iiwan niya rin ako dahil hindi ako kasing talino niya o kaya isasama niya ako sa limang babaeng pinagsasabay-sabay niya o kaya gagawin niya lang akong kabit o kaya katawan ko lang ang pakay niya sa akin. O kaya..." Naisip niya si Miguel. "O kaya... naaawa lang siya sa 'kin..." Umatungal siya.

Nitong mga nagdaang araw ay palagi siyang nilalapitan ni Miguel. Tinatanong kung kumusta na siya. Tinatanong kung kumain na siya. Minsan pa nga siyang dinalhan ng pagkain nito nang sabihin niyang hindi pa siya kumakain. Palagi itong sumisilip sa bintana at nginingitian siya. Noong pumunta siya sa palengke ay sinundan na naman siya nito. Noong pumunta siya sa mall ay sinundan din siya nito. Noong pumunta siya sa sementeryo ay sinundan din siya nito. Noong pilit siyang isinama ni Gigi sa gaybar para libangin, akala niya ay susunod si Miguel. Buti na lang at hindi.

Sinusundan siya ni Miguel na parang isang stalker katulad ng ginagawa niya noon dito. Alam niyang sinusundan siya nito para bantayan siya dahil ilang beses nitong ipinahiwatig na diskumpiyado pa rin ito kay Val at sinabihan siya na mag-ingat daw siya dahil baka balikan siya ni Val. Paranoid si Miguel. Pero hindi iyon dahil mahalaga siya para rito. Naaawa lang ito sa kanya. Nagi-guilty rin siguro ito dahil baka naisip nito na ang pambabasted nito sa kanya ang dahilan kung bakit in-entertain niya si Val at dahil sa ginawa niya ay muntik na siyang mapahamak.

Mahal pa rin niya si Miguel. Kaya nahihirapan siya sa tuwing lumalapit ito sa kanya. Sa tuwing ipinapakita nito na concerned ito sa kanya ay natutuwa siya pero nalulungkot din siya dahil alam niya kung bakit nito ginagawa iyon. Gusto niyang umasang made-develop ito sa kanya at ang awa ay magiging pagmamahal pero ayaw na niyang magmukhang tanga. Pagod na siyang magmahal at masaktan at umasa na may isang lalaking totoong magmamahal sa kanya at makakasama niya sa habangbuhay.

"Hindi totoo 'yan, miss," sabi ng pulis na maitim. "Darating din ang lalaking tunay na magmamahal sa 'yo. Bata ka pa. Hindi mo alam kung ano ang naghihintay sa future mo. Malay mo, makatagpo ka ng higit pa sa mga lalaking minahal mo at nanakit sa 'yo noon. Malay mo, nakatakda ka palang maging masaya sa susunod na lalaking makikilala mo."

"Bakit, mamang pulis?" tanong niya rito. "Ikaw ba, nakita mo na ang babaeng tunay na magmamahal sa 'yo? Masaya ka ba ngayon sa kanya?"

Mukhang natigilan ang pulis at bigla ay parang nagpipigil na ito na mapaiyak. "Iniwan na niya ako noong isang buwan, eh. Sumama siya sa ibang lalaki." Muntik nang humagulgol ito kung hindi lang ito sinaway ng kasama nitong pulis na malaki ang tiyan.

Bumalik siya sa pagngawa. Alam niya kung ano ang pakiramdam ng ipagpalit sa iba.

"'Wag ka nang umiyak, anak," sabi ng isang matandang babaeng kulang-kulang na ang mga ngipin, halos puti na ang lahat ng buhok at kulubot na ang balat. "'Wag lang mawalan ng pag-asa! Lahat ng tao, may kanya-kanyang nakalaan para sa kanila. Kung hindi ka man pinalad ngayon, hintayin mo ang lalaking para sa 'yo. Darating din siya. Maghintay ka lang at 'wag kang susuko."

"Talaga ho, Lola?" humihikbing sabi niya. "Sa tingin n'yo, may lalaking nakalaan para sa akin?"

"Oo, maniwala ka sa akin. Basta't maghintay ka lang, anak. Tulad ko, hanggang ngayon, naghihintay pa rin ako sa lalaking nakalaan para sa akin. Hindi ako sumusuko."

Lalo siyang napaatungal sa sinabi ng matanda na dalaga pa pala. Hindi niya kayang maghintay nang ganyan katagal. Ang lakas ng fighting spirit ng lola mo! Parang gusto na niyang tumalon agad-agad sa sinabi nito.

"Lola," tawag ng isa pang pulis sa matanda. "Mawalang-galang na sa inyo, ano ho? Umuwi na po kayo at baka rayumahin kayo sa katatayo rito o kaya manood na lang kayo ng sine. Libre ho ang entrance n'yo sa sine ngayong araw na ito. Basta ipakita n'yo lang ang Senior ID n'yo."

"Miss," tawag sa kanya ng isang babaeng payat na naka-business attire. "Professional matchmaker ako! Tutulungan kitang makahanap ng lalaking compatible sa 'yo. Kung makakahanap ka ng lalaking eighty percent to ninty-nine percent na compatible sa 'yo, imposibleng hindi kayo magkatuluyan."

"Compatible?" humihikbing gagad niya.

"Oo. Kung compatible kayo, hindi ka na niya iiwan dahil hindi ka ganoon katalino dahil pipili ako ng lalaking kasing level o nalalapit sa IQ mo. Isa pa, kasama sa trabaho naming mga matchmaker ang i-check nang maigi ang background ng lalaking ima-match sa 'yo. Kaya imposibleng makalusot sa 'yo ang may ibang girlfriend o may-asawa. Tinitingnan din namin ang history ng past relationships niya para makita namin kung matino siyang lalaki at hindi siya manyak."

Parang interesting ang sinabi ng matchmaker. "Totoo ba 'yan? Talagang tutulungan mo akong mahanap ang lalaking compatible sa akin at sisiguraduhin mong maganda ang background at pagkatao niya?"

"Oo. Bibigyan kita ng five percent discount sa professional fee ko kung kukuhain mo ang serbisyo ko ngayon." Dumukot ito ng business cards mula sa bag nito at ipinamudmod sa mga taong naroon. Nakita pa niyang lumapit dito ang dalagang lola at humingi ng calling card sa matchmaker.

Five percent lang?! Bumalik siya sa pagngawa. Ang akala pa naman niya ay concerned citizen ang bruhang babaeng ito at gusto talaga siyang tulungan. Iyon pala ay gusto pala siyang pagkakuwartahan. Magpapakamatay na nga siya pero nakuha pa nitong magnegosyo sa sitwasyon niyang iyon.

"Ayoko na..." lumuluhang sabi niya sa mga usisero at usisera na harapan niya. Dumadami na ang mga ito. "Umalis na kayo. Pabayaan n'yo na lang akong mamatay. Tatalon na ako."

Sabay-sabay na nag-"'Wag!" ang mga tao. Hindi niya pinansin ang mga ito. Idinipa niya ang mga kamay at inihanda na ang pagpapatihulog nang pahiga pero natigilan siya nang marinig niya ang isang pamilyar na tinig na tumawag sa pangalan niya.

I Love You To Death [COMPLETED]Where stories live. Discover now