Part 19

3K 128 11
                                    


DINALA si Marian ni Miguel sa isang tagong lugar sa isang eskinita. Luminga-linga pa ito sa paligid na para bang tinitiyak na walang ibang taong makakarinig sa pag-uusapan nila bago siya tiningnan nito. Taas-noong sinalubong niya ang tingin nito. Halata sa mukha nito ang pagkamangha at kaunting panic.

"Paano mo nalaman ang sekreto ko?" tila nag-aakusang tanong nito.

Kumunot ang noo niya. "Sinabi mo kaya sa akin kahapon."

"Huh?" Halatang nagtaka ito.

"'Wag kang mag-alala. Safe sa akin ang sekreto mo, basta lang susunod ka sa gusto kong mangyari."

Iyon ang brilliant idea na pumasok sa isip niya kagabi habang naglalaro siya ng Flappy Bird sa iPhone niya. Blackmail. Anong konek sa Flappy Bird? Wala. Basta lang bigla lang niyang naisip iyon. Blackmail ang solusyon sa problema niya. Binigyan siya ni Miguel mismo ng impormasyong magagamit niya sa pamba-blackmail dito. Natural na ayaw nitong malaman ng mga tao na isa itong closet queen. Kaya iyon ang ipananakot niya para mapasunod ito. Iyon ang gagamitin niya para lumipat ito sa Rest In Peace.

"Hindi ko maintindihan," sabi nito na mukhang litong-lito. "Paano nangyaring sinabi ko sa 'yo ang sekreto ko? Hindi pa ako nababaliw para gawin iyon."

Ngumisi siya. "Makakalimutin ka pala. Hello? Sinabi mo kaya sa akin kahapon na bading ka," bulong niya rito.

Halatang natigilan ito.

Umiling-iling siya. Hindi niya naikubli ang panghihinayang. "Sayang ka talaga, teh. Siguradong magsu-suicide ang mga babaeng humahabol sa 'yo kapag nalaman nila na isa ka palang beki. Hay... ang dami na talagang mga guwapong paminta ngayon."

Tumaas ang isang sulok ng mga labi nito. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla ay parang may relief na nakalarawan sa mga mata nito.

"Kailangan mong sundin ang gusto kong mangyari kung ayaw mong malaman ng iba ang sekreto mo."

"Ano bang gusto mong mangyari?"

Luminga-linga siya sa paligid bago sumagot. "Gusto kong iwan mo si Aling Poleng at lumipat ka sa punerarya ko."

Nagbuga ito ng hangin. "Sinasabi ko na nga ba at hindi ka pa rin talaga naggi-give up na sulutin ako sa Mary Paulene. Bakit kailangan mong gawin ito? Bakit hindi ka lumaban nang patas?"

"Hindi mo naiintindihan, eh. Hindi lang negosyo ang pinaglalabanan namin ni Aling Poleng. Personal ang away namin at lahat ng iyon, siya ang nagsimula. Twenty-five years nang nakatayo ang Rest In Peace nang palitan niya ang beauty parlor niya sa tapat ng punerarya namin at gawin niyang punerarya. Kinalaban niya kami nang walang pasintabi. Siniraan niya kami sa customers para sa kanya sila magpunta. Nagbanta siyang pababagsakin kami. Sa tingin mo, hahayaan ko siyang pabagsakin kami?" Tumalikod siya rito at huminga nang malalim. "Ipinangako ko sa libingan ng Papa ko na hindi ko hahayaang magtagumpay si Aling Poleng sa maitim niyang balak laban sa amin. Kaya gagawin ko ang lahat para maprotektahan ang Rest In Peace." Nag-init ang mga mata niya nang maalala niya ang panaginip niya kagabi.

Nakita niya ang papa niya. Nasa malayo ito at sa hindi niya malamang dahilan ay hindi niya maigalaw ang mga paa para makalapit dito. Itinaas nito ang nakakuyom na palad sa kanya na para bang sinasabing "fight!" Umiiyak siya sa panaginip niya dahil gustung-gusto niyang yakapin ito. Pagkatapos ay bigla na lang umulan ng snow at parang kinain ito ng niyebe dahil bigla itong nawala. Ang sumunod na eksena ay siyang-siya siyang kumakain ng halo-halo gamit ang snow.

Paggising niya ay muli niyang naramdaman ang sakit na nadama niya noong biglaan silang iniwan ng papa niya. Kaya tuloy ngayon ay hindi niya napigilan ang maging emosyonal sa mga oras na iyon habang isinasalaysay niya kay Miguel ang history ng bangayan nila ni Aling Poleng.

I Love You To Death [COMPLETED]Where stories live. Discover now