Chapter 29 | Sa Lungga ni Ha-Des

1.1K 61 22
                                    

Lahat kami ay napatingala at napanganga sa pagdating ni Ha-Des. Sadyang malaki ito at kung sino mang may phobia sa gagamba ay mahihimatay sa kahindik-hidik na itsura nito. Ang kanyang natitirang walong mga mata ay hindi sabay-sabay kung pumikit at animo'y mga pulang bumbilya na patay-sindi, parang party lights - party lights ng kamatayan!

Ang masaklap, hindi pa lubusang nakalabas ang buong katawan ng tambuhalang gagamba, nakadungaw lang ang uluhang bahagi nito at dalawang pares ng mga paa mula sa butas na pinaggalingan nito. Hindi ko masabi kung gaano talaga itong kalaki! Mabilis ang tibok ng puso ko at nagsisimula na akong magdalawang isip kung kaya nga ba naming talunin si Ha-Des, ang isa sa mga Sagradong Nilalang!

"Hahaha! Aking panginoon!" pagbunyi ni Rome, ang taksil na student council vice president. May akto pa itong lumuhod at animo'y dyos na sinasamba ang tambuhalang nilalang ng dilim. "He'to na ang Sagrado! Inaalay ko sa inyo!" Nilapag niya ang balot na balot sa sapot na katawan ni Andrea na para bang isang bagay lamang ito sa harapan ni Ha-Des.

"Walang hiya ka!" galit na galit kong sigaw. Hindi ako makakapayag na parang bagay lang ang turing nito kay Andrea. Nararamdaman ko ang pagkulo ng dugo sa loob ko. Pinatamaan ko ng bolang apoy ang nakatalikod na si Rome.

"ARGGHH!" napasigaw si Rome habang pilit pinapatay ang apoy na sumunog sa suot niyang coat na puno ng palamuting bulaklak." Grabe ka! Mahal at branded ang coat na ito!" hayag niya.

Lalo akong nais dahil mas may halaga pa sa kanya ang suot na damit kaysa kay Andrea na isang tao. Pinaulanan ko siya ng mga bolang apoy.

Ang akala ni Rome ay siya lang ang pinapatamaan ko, pinapatamaan ko rin si Ha-Des upang makuha ang atensyon nito at malayo sa walang kalaban-laban na si Andrea. Ngunit sa aking pagkadismaya, walang epekto ang mga atake ko dito at para bang kiliti lamang ang mga apoy na tumatama sa maitim at makapal na balat nito. Bumuga ito ng sapot at hinila papalapit sa bunganga nito si Andrea.

"ANNNDDRREEEAA!" napasigaw ako at dali-daling sumugod sa takot na baka kainin ng buhay ni Ha-Des si Andrea. Nagwala ako sa galit dahil pinaulanan ako ng sapot ni Rome para mapigilan makalapit. "AAAHHHH! PAKAWALAN MO AKO, BWISITT KA, ROME!"

KABOOOMM!

Nagpasabog si Silao sa harapan ni Ha-Des. Nagawa nitong makuha ang atensyon ng nilalang na agad namang iginalaw ang isa sa mga nagtatalasang mga paa upang gumanti. Pero nakailag naman ito.

Nagsi-atake na rin sina Amiro, Prince, Sunny at ang mga taong-anyo ni Bela. Lahat pawang naalarma at takot na baka kainin nga ni Ha-Des si Andrea. Pero lubhang matibay at wala man lang epekto ang bawat elementong tumama dito. Kitang-kita sa mukha ng lahat ang pagkaasar dahil wala man lang silang magawa.

Isa pang hila ng sapot at tuluyan nang dumikit ang katawan ni Andrea sa bunganga ni Ha-Des na puno ng nagtatalasang mga pangil. Hindi ko alam kung pinaglalaruan lang kami ng Sagradong nilalang pero tinangay lang niya si Andrea at unti-unti nang gumalaw paatras, papasok sa butas na pinagmulan. Sa kanyang pagpasok ay nagbuga siya ng makapal na sapot upang takpan ang butas.

"Daldalhin niya si Andrea sa kanyang lungga!" hayag ni Sunny na puno nagpag-aaalala at gaya niya, naisip ko na rin na doon marahil kakainin nito si Andrea.

Nanlumo ako sa aking naisip na sadyang lalong nagpainit ng aking dugo. Nararamdaman ko ang pagkulo nito dahil sa kagustuhang mailigtas si Andrea. Mainit ang pakiramdam ko at sa aking pagsigaw ay kumawala ang matinding apoy na bumalot sa aking buong katawan!

"HUH?!!" nagulat si Rome dahil nasunog sa apoy ang kanyang mga sapot na nakabalot sa akin. Di na siya nakapalag nang sinalubong ko siya ng nagbabagang suntok sa mukha.

Natumba si Rome pero agad na nakatayo salamat sa walong paa ng gagamba na tumubo sa kanyang likod. At gamit din ito, maliksi siyang humarang sa butas na pinasukan ni Ha-Des. Hinarangan niya si Silao na handa nang sumunod sa butas.

Elemento ClubTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon