Chapter5: APOT AT KIDLAT

2.1K 104 6
                                    


Nandyan sila.

Nararamdaman ni Steve Ynares ang kanilang presensya. Siya ay ginising nila. Hindi siya sigurado kung gabi pa rin o madaling araw na. Maliwanag sa labas ng kanyang bintana, marahil sa ilaw ng poste ng kuryente na tapat lang ng kwarto.

Ang buong akala niya ay wala na ang mga ito. Akala niya hindi na siya kailan man guguluhin ng mga ito, pero nandito pa rin sila!

May mabilis na anino ang biglang napadaan sa bintana.

Bumigat at sumama ang kanyang pakiramdam. Nanlamig siya kahit saradong-sarado ang buong kwarto. Bumilis din ang tibok ng kanyang puso at nahirapan siyang huminga.

Anak ng... Nagsisimula na naman sila!

"Halika, maglaro tayo..."

Wala silang boses pero naririnig sila ni Steve sa kanyang isipan.

"Halika, maglaro tayo..."

Kumakatok na sila sa bintana.

TOK! TOK! TOK!

"Lubayan nyo na ako! Hindi ko kayo kailangan!" sambit ni Steve, hindi man lang nagtangkang silipin ang bintana.

Mabilis niyang hinila at tinakpan ang sarili ng kumot at pinikit ng mahigpit ang mga mata.

Asar! Para akong bata! Sa edad kong ito bakit pa ako sobrang kinakabahan at natatakot? Mga anak talaga ng...!

TOK! TOK! TOK!

"Umalis na kayo-"

Tumawa sila.

Tinakpan ni Steve ang kanyang mga teynga pero walang kwenta! Naririnig pa rin niya ang kanilang mapang-asar na mga tawa - paulit-ulit na umiikot sa kanyang isip! Nakakabingi! Nakakabaliw!

TOK! TOK! TOK!

Bumukas bigla ang bintana at naramdaman na niya ang paghila ng mga kamay sa kanyang kumot!

"Halika, maglaro tayo..."

"Ayaw ko! Umalis na kayo!" giit ni Steve.

Pero patuloy pa rin ang paghila ng mga ito sa kumot niya!

"Tama na! PAKIUSAP!" desperado na si Steve. Ayaw na niyang muling makita ang mga ito. Ayaw niyang bumalik sa dati. Ayaw na niya ng...

Lungkot...

Buong buhay ko hindi ako naging masaya. Hindi ko kilala ang aking tunay na mga magulang at hindi kailan man ako nakaramdam ng pagkalinga sa nagpalaki sa sa akin. May umampon man at nakaranas ng kaunting atensyon pero sandali lang at agad kinuha sa akin! Pakiramdam ko, ako ay nag-iisa lamang sa mundo. Walang may gusto sa sa akin, walang nagmamahal!

Galit...

Masama ang aking loob. Naiinis ako! Nagagalit! Bakit ko ba naranasan ang malupit na buhay? Ano ang aking kasalanan? Wala! At wala akong pakialam sa iisipin ng iba. Buhay ko ito at walang sino man ang makakapigil sa akin sa kahit ano mang nais kong gawin!

Pighati...

Walang kwenta ang akibg buhay. Lagi na lang pagdurusa ang aking nararanasan. Wala na akong pag-asa. Bakit ko ba kailangan magkaroon ng napakamiserableng buhay?

Kailangan ko ng kasama! Kailangan ko ng makaramay!

Natigilan si Steve. Huminga ng malalim.

Oo. Nandito naman sila. Sila lang ang nakakaintindi sa akin!

Elemento ClubTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon