Chapter18: TUBIG AT LUPA

1.6K 81 16
                                    

"Bela?" napatingala si Amiro Singh, parang narinig niya ang boses ni Bela Dela Rosa.

Hindi.

Guni-guni lamang niya iyon. Impossible na puntahan siya ni Bela.

Tandang-tanda ni Amiro ang galit na galit at puno ng pandidiring mukha ni Bela sa kanya na laging bumabalik sa tuwing iisipin niya ang maganda at nakangiting mukha nito.

Sa malamang ngayon ay sinusumpa na ako ni Bela at pinagdarasal na hindi na kailan man kami magkita... malungkot na naisip ni Amiro. Well... Hindi na... Huli na...

Nasa sarili siyang kwarto pero malayong-malayo ito sa dating ayos na puno ng basketball posters at trophies, ngayon lahat ng sulok ay puno ng malagkit, malansa at tumitibok-tibok pang laman na animo'y nasa buhay na tiyan siya ng isang malaking isda.

Hindi siya makagalaw dahil sa pagkakadikit niya sa pader. Nakabuka ang mga kamay at paa na nababalutan ng mas marami pang mga kakaibang sariwang laman na para bang may mga maliit na ngipin na unti-unting nguminguya sa kanyang balat at laman. Tinitiis lang ni Amiro pero terible ang sakit na parang bang buhay siyang kinakain!

Ha! Ito ang literal na pinang-uulam. Kanin na lang kulang. pinilit ni Amiro na matawa sa kalunos-lunos niyang kalagayan pero hindi niya magawa.

Ito ang kanyang parusa. Magsisi man siya, wala na. Huli na.

Batid ni Amiro na pilit babaguhin ng itim na diwatang tubig ang kanyang anyo. Gagawin siyang kawangis ng napakapangit nitong itsura: isang nilalang na may mga galamay ng pugita! Kinakain ng mga buhay na laman ang mga parte ng kanyang katawan upang palitan ito ayon sa kagustuhan ng diwata. Gagawin siya nitong panghabang-buhay na alipin - isang pangit na alipin!

Ganito na lamang ba siya? Hahayaan ang ganitong kapalaran?

Tinangka na ni Amiro na gamitin ang kanyang elementong tubig pero sa kung anong kadahilanan ay hindi niya ito matawag. Para bang may na-disappoint siya kaya di niya magamit ang elemento.

Gumawa ka ng paraan.

Hindi kita pinili ng walang dahilan. may boses na biglang nagsalita sa kanyang isipan.

"Huh? Sino ka?" gulat na tanong ni Amiro.

Ikaw na aking tagapangalagang diwa,

Bakit ka nasa ganitong kalagayan?

Bakit mo hinayaan?

Pinilit nilibot ni Amiro ang paningin pero wala siyang makitang sino man.

Ang itim na diwatang tubig? Hindi.

Alam ni Amiro ang boses ng diwata na matiniis at nakakarindi. Hindi ito tulad sa kanyang naririnig na boses na animo'y umaagos na alon, pabalik-balik ang tunog na papalayo at papalapit, lalayo at lalapit. Malalim pero marahan at hindi masakit sa pandinig kagaya sa mahinang ungol ng mga balyena.

"Sino ka?" muling tanong ni Amiro pero hindi na nagsalita pa ang boses.

Alam ni Amiro sa sarili na nakita at nakilala na niya ito ngunit hindi niya matandaan.

Tagapangalagang diwa.

Ito ang tawag ng boses sa kanya. Hindi niya masabi kung ano ang ibig sabihin nito pero alam niyang ito ang dahilan kaya siya nakakagamit ng elemento ng tubig.

Tama.

Tumatak at naging malinaw kay Amiro ang nais ng boses sa kanya. Hindi dapat ito ang kanyang kahihinatnan! Kailangan niyang lumaban. Kailangan niyang mabuhay para sa kanyang ama't ina... para sa kanyang nakakabatang kapatid... at para kay Bela!

Elemento ClubTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon