Chapter 25 | Sinag at Silao

984 64 7
                                    

Steve's POV

"T-Teka!" napasigaw ako at bigla kong tinangka na hilain pataas mula sa lupa si Nanang na unti-unting hinihila ng mga itim na kamay papunta sa walang hanggang kailaliman ng impiyerno. Hindi sa nais ko siyang iligtas, kundi dahil sa may nais akong tanungin bago siya lamunin ng kadiliman!

"Teka lang Nanang, SINO ANG AKING MGA MAGULANG?!" tanong ko.

Ngunit hindi sumagot ang mangkukulam bagkus ay mayabang pang napangiti at umiling. "HAHAHA! HINDING-HINDI MO MALALAMAN!"

Napasimangot ako at buong lakas na sinipa ang pangit na bungong mukha ni Nanang.

"ANAK NG- UBOD KA NG SAMA! NARARAPAT KANG MAPUNTA SA IMPIYERNO! WALANG HANGGANG PARUSA ANG PARA SA IYO!"

Di rin nagtagal ay tuluyan nang nilamon ng kadiliman si Nanang at nawala ng parang bula.

At sa wakas ay malaya na ako sa malasumpang presensya ng malupit na mangkukulam! Hinding-hindi na rin ako magagambala nina Lungkot Galit at Pighati! Dapat lubos ang saya ko pero may kulang pa...

Hindi ko pa rin kilala ang aking mga magulang!

Nais ko silang makilala. Nais ko silang makausap at malaman ng harap-harapan kung bakit nila ako pinabayaan. Nais kong itanong kung totoo bang malas ako para sa kanila.  At kung totoo mang ayaw nila sa akin, kahit papano alam ko at magkakaroon na ako ng closure. Mawawala na ang kung anong kulang sa aking puso't isipan. Magagalit kaya ako? O magtatampo? Bahala na! Basta gusto kong malaman!

Bumalik sa dati at nawala ang purong kadiliman sa paligid. Muli nang nagliwanag ang mga dyamanteng nakabaon sa lupa upang magsilbing gabay sa lagusan.

Pawis na pawis ako at animo'y tumakbo sa isang marathon dahil sa pagod at panghihina ng kaunti ng aking mga tuhod. Saglit akong napaupo sa isang malaking bato sa di kalayuan.

May napansin akong itim na usok na papalayo at papunta paloob sa mahabang lagusan. Malakas ang kutob ko na ito ang diwa ni Anino, ang dyos ng Poot at Kadiliman.

Napatayo ako. Nais kong sugurin ang dyos na ito. Siya ang panginoon at sinasamba ni Nanang. Siya ang puno't dulo ng lahat! Sa malamang kilala niya ang aking mga magulang!

"Hay NAKU! Anak ng tokwa!" galit kong sambit dahil hindi ko naubutan ang itim na usok.

Animo'y nang-aasar pa ito dahil sa paglayo nito ay nag-echo ang nakakapangilabot na pagtawa nito at sa aking pagkadismaya, nag-iwan pa ng regalo!

Sa harapan ko ay may tatlong nabuong mga Himaw! Ang mga halimaw na may tambuhala at matatabang katawan na gawa sa putik at isang malaking bunganga para sa ulo. Sila ay may nakaw na kapangyarihang elemento galing sa engkanto o diwatang  kanilang nabiktima. Pero ang mga Himaw na nasa harapan ko ay iba ang pinagmumulan ng kapangyarihan: itim ang apoy na lumalabas sa kanilang mga bunganga; itim na usok ang sumisingaw sa kanilang putik na katawan; at ang dapat na galamay na mga braso ay mga tambuhalang kadena- kapangyarihang galing kay Anino.

Naunang sumugod ang isa at magkasabay na hinampas ang mga kadena niyong braso. Tumalon ako at naiwasan ang atake pero sumalubong naman ang buga ng itim na apoy ng pangalawang Himaw.

"AAAAHHHH!" bumuga ako ng apoy at sinabayan ang atake nito. Ngayon, nagtagisan kami kung sino ang mas makakatagal sa pagbuga ng apoy.

Hindi naman nagpahili ang pangatlo at bumuga naman ng itim na usok. Nahirapan ako sa paghinga at napapikit dahil mahapdi sa mata ang usok nito.

Dali-dali akong tumalon patalikod at umiwas sa patuloy pa ring pagbuga ng pangalawag Himaw ng itim na apoy. Tumakbo ako palayo sa namumuong usok  na nakapalibot sa akin at pinatamaan ng mga bolang apoy ang Himaw na nagbubuga ng usok. Natigilan ito at napasara ang bunganga upang makaiwas sa atake ko. Alam ko na susugod ang unang Himaw gamit muli ang mga kadena nito kaya naman ginamit ko ang pagkakataon na may kaunting usok pa ring naipon sa harapan upang magkamali at imbes na ako, ang Himaw na bumubuga ng usok ang nahampas ng mga kadena nito. Walang kamalay-malay ang isa na ang natamaan niya at ang nahati sa dalawa ay isa sa kanyang kasamahan.

Elemento ClubTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon