Chapter 1 | Ang Panaginip ni Andrea

1.5K 77 19
                                    

Elemento Club: Ang mga Sagradong Nilalang

Chapter 1 | Ang Panaginip ni Andrea |  

Hindi makatulog si Andrea Guevara. Malalim na ang gabi. Ayaw niyang tingnan ang oras dahil alam niyang mapipilitan siyang patulugin ang sarili. Ngunit wala naman talaga siyang magagawa, kailangan na niyang matulog dahil maaga pa ang pasok niya sa Owkwad Academy bukas.

Napabuntong hininga na lang si Andrea at diniinan ang pagpikit sa mga mata. Medyo nakakasilaw ang liwanag mula sa fluorescent light ng kanyang kwarto. Bukas ang lahat ng ilaw at kahit hindi kumportable sa sobrang liwanag, ayaw niyang patayin ang mga ito. 

Hindi siya takot sa dilim at lalong hindi naman siya takot na matulog, ang totoo, sobrang antok na antok na nga siya. Ngunit alam niya sa kanyang pagtulog ay mananaginip siya. Dito siya natatakot, sa kanyang mapapaginipan!  

Mga insekto.  

Binabangungot si Andrea ng mga insekto! Ang mga ito ang malimit niyang mapanaginipan! Siya mismo, hindi makapaniwala na takot siya sa mga munting nilalang na ito. 

Kanina nga, pagkatapos nilang kumain ng hapunan ay napagtripan na naman siya ng kanyang kapatid na si Clyde at naghagis ng isang itim na gagamba sa kanyang harapan. Labis siyang natakot at nataranta sa pagkapa sa buong katawan dahil baka kung saan ito gumapang. Kahit katuwaan lang dahil laruang plastik na gagamba lang pala ang inihagis ni Clyde, kinatakot talaga ito ni Andrea at hindi napigilan umiyak. Nagsisi naman agad si Clyde at nag-sorry. Pero huli na at napingot agad siya sa teynga ng kanilang Papa Rogelio. Para hindi na lumaki ang isang simpleng pagbibiro, pinilit ni Andrea na tumawa at sinabing pinapatawad na niya ang kapatid. Nangako naman ang kakambal ni Clyde na si Bonnie na babantayan ito at sisiguraduhing hindi na mauulit.

Ayaw magalit ni Andrea sa nakakabatang kapatid pero salamat sa kanya, siguradong tungkol na naman sa itim na gagamba ang kanyang mapapanaginipan. Okay lang sana kung tungkol sa maliliit na gagamba, pero hindi! Tungkol lang naman ito sa isang tambuhalang gagamba na may labing-anim na mapupulang mga bilog na mata! Sa panaginip niya, lagi na lang siyang hinahabol ng tambuhalang gagamba na ito upang patayin. Sa tuwing ganito ang kanyang panaginip, gumigising siya na pagod na pagod at pawis na pawis na animo'y tumakbo nga siya papalayo sa halimaw na ito! Isang teribleng panaginip at pinapasalamat niya sa Diyos ay kanyang kinagigisingan pa.  

"Mama Maria, gabayan nyo po ako. Please po, protect me. Turn me away sa masamang panaginip!" paghingi ni Andrea ng tulong sa kanyang namayapang ina. Tandang-tanda niya na kapag hindi siya nakatulog ay tinatabihan at hinehele siya ng ina. Nami-miss niya ang mga ganitong tagpo. 

Mahigpit na niyakap ni Andrea ang yakap-yakap na unan at mas hinigpitan ang pagkabalot ng kanyang kumot sa sarili. Pilit niyang iniisip na niyayakap siya ng pinakamamahal na ina.
"I love you, mama." dagdag niya. 

Medyo kumalma ang isip ni Andrea at naging mapayapa ang kalooban dahil alam niyang nasa langit ang kanyang ina na lagi at walang sawang nagbabantay sa kanya. Ang presensya nito ay habang buhay na nasa kanyang isip at puso. 

At sa wakas ay nakatulog na nga si Andrea. 

Nang minulat ni Andrea ang kanyang mga mata, napagtanto niya na nasa loob naman siya ng kweba na may walang hanggang lagusan. Madilim dito, mahina ang daloy ng hangin at sadyang nakakapanlumo ang amoy ng nabubulok na mga patay na hayop. Alam niyang ang mga patay na hayop ay mga biktima ng tambuhalang itim na gagamba. 

"Naku naman!" reklamo ni Andrea. Sa pambihirang pagkakataon, alam niyang nananaginip siya. 

Mabilis naman siyang nagsisi dahil isa-isang nagliwanag ang mga mapupulang mga mata ng tambuhalang itim na gagamba na nasa harapan lang pala niya! Pero kapansin-pansin na kulang ng kalahati ang mga mata nito. Ang dating labing-anim ay eksaktong walo na lamang. Ngunit hindi ito mahalaga at walang kwenta para sa kanya.  Ang mas mahalaga ay tumakbo na siya papalayo sa halimaw! 

Elemento ClubTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon