Chapter 22 | Ang Kondisyon ni Bo-Reas

1K 66 17
                                    

Saglit na tumigil ang mundo ni Sunny Montes nang makita ang pinsan. Hindi niya inaasahan na makikita niya ito sa Kristal na Palasyo.

"DIANARA!" gulat na gulat na tawag ni Sunny. "Anong ginagawa mo dito?!"

"S-Sunny, si-" hindi natapos ni Dianara ang sasabihin nang biglang humarang si Magilas.

"MAGILAS! BAKIT NANDITO SI DIANARA?!" siya ang kinwesyon ni Sunny.

Tumawa si Magilas sabay hila kay Dianara paharap sa lahat na animo'y bagay lamang. Magaan lang sa kanya ang bigat nito. 

Dito na napansin ni Sunny na iba ang kasuotan ni Dianara. Kahawig ito kay Magilas na halos sa maselan na parte lamang ang natatakloban pero di gaya ng taong-lobo na sanay mamuhay sa yelo at may balahibo sa buong katawan, namumutla na si Dianara dahil sa lamig kahit may makapal na balabal na ito na gawa sa purong balahibo ng hayop. Kapansin-pansin din ang mga makikinang na alahas na suot nito.

"Siya lang naman ang napili ko bilang aking kabiyak! Matagal-tagal na akong nagmamasid sa kanya. Siya ang para sa akin at ngayon na ako na ang hari ng Kristal na Palasyo, siya ang aking reyna!" Pinatong ni Magilas ang koronang kinuha niya kay Reyna Regina sa ulo ni Dianara at mahigpit na niyakap ito. "Akin siya! Hindi mo siya makukuha sa akin!"

Nanlumo si Sunny. "Isa kang halimaw! Hindi ko hahayaan na mapahamak ang pinsan ko! Dinamay mo pa siya dito!"

Gamit ang hangin ay tumalon ng pagkataas si Sunny at sumugod upang makuha si Dianara. Nabalot siya ng hangin at naging ipo-ipo na paikot-ikot. Ang lahat ng mga tambuhalang taong-yelo ni Magilas ay nagsama-sama upang makabuo ng makapal na yelong pader. Nagawa nilang patalsikin si Sunny.

"PAKAWALAN MO ANG PINSAN KO!" giit ni Sunny. Gamit ang kanyang sagradong armas ay pinatamaan niya ng mga hangin na pana ang pader na yelo pero tanging mga galos lamang ang nagagawa nito.

"Sunny!" tawag ni Silao. Akay-akay niya si Prince Salvanera na wala nang malay.

Natigilan si Sunny. Labis siyang nag-aalala sa kanyang pinsan pero di rin naman niya pwedeng kalimutan ang kalagayan ni Prince na para bang lalong lumala. Noon pa namang maputla sa kaputian si Price pero ngayon halos nagiging kulay asul na ito dahil kumakalat na ang yelo sa katawan nito.

"Bakit ang lamig-lamig pa rin niya?" naguguluhang sambit ni Silao na nasa  kanyang anyo na bilang dyos ng Pagliyab at Pagsabog. Nababalot siya ng init na pilit niyang pinapasa kay Prince ngunit walang nangyayari. Ang lamig ni Prince ay nagmumula sa loob ng katawan.

"PATAYIN SILA!" utos ni Magilas.

"H-Huwag!" Sa wakas ay nagkalakas-loob si Dianara na magsalita. Natatakot siya kay Magilas. Natunghayan niya kung gaano ito ka-brutal at ka-bangis kung magalit at makipaglaban pero ngayon pang magkaayos na sila ni Sunny, hindi niya ito hahayaang mapahamak.

Napalingon si Magilas kay Dianara, nanlilisik ang mga mata.

Takot na takot si Dianara pero desidido ang kanyang loob. Taas noo at nakipagsabayan siya ng titig. "Nasa iyo na ang korona at ang buong palasyo, ano pa ba ang gusto?! Napakalakas mo at wala silang laban sa iyo! Hayaan mo na sila!"

Saglit na lumingon si Dianara sa kinaroroonan ni Sunny. Nagtagpo ang tingin ng magpinsan.

"Pinapangako, Dianara, iligtas kita!" sambit ni Sunny at dali-daling tinulungan si Silao na pag-akay kay Prince.

"HABULIN SILA AT PATAYIN!" muling utos ni Magilas sa kanyang mga taong-yelo.

"HINDDEE!" sigaw ni Dianara.

Nagpakawala ng malakas na pagsabog si Silao. Nabulabog ang mga alagad ni Magilas. Ito ang pagkakataon nina Sunny na tuluyang makatakas.

Nagawang sampalin ni Dianara si Magilas pero agad na nagsisi at napaatras sa tindi ng galit ni Magilas. Nakalabas ang kanyang mga pangil.

Elemento ClubTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon