Nasilip niya ang paghihinala sa mga mata nito. Wala ba talaga itong katiwa-tiwala sa kanya? Kunsabagay ay may dahilan naman para magduda ito na baka gawa-gawa lang niya ang kuwentong iyon para may maidahilan dito. Totoong nag-e-exist si Val. Pero hindi niya ito naging best friend. Ang totoo ay ito ang kaisa-isang lalaking umaway sa kanya.

Habang ang halos lahat ng kaklase niyang lalaki ay may crush sa kanya, si Val naman ay walang ginawa kundi ang asarin at pag-trip-an siya. Napakawalanghiya nito at tulad ni "Palito" sa gym ay ang sarap din nitong itapon sa imburnal. Hindi lang siguro sa imburnal, mas bagay ito sa poso negro.

Nagsimula kasi ang away nila ni Val noong nagre-report siya sa harap ng klase at nakita niyang hindi ito nakikinig at nagbabasa lang ito ng komiks na manga. Pinuna niya ito pero parang wala itong pakialam sa kanya at nakuha pang maglabas ng dila at belatan siya. Binato niya ito ng blackboard eraser sa ulo sa sobrang inis niya. Doon sumiklab ang away nila. Bukod kay Aling Poleng ay ito ang kinaiinisan niyang bakulaw sa buong buhay niya.

Kaya naman niya naisip ang pangalan ni Val nang gawin niya nang on-the-spot ang kuwento tungkol sa guy best friend niyang hindi totoong nag-e-exist ay dahil "best friend ni Marian" ang tawag dito ng mga kaibigan niya noon. Siyempre ay kabaligtaran iyon at sarcastic ang mga ito.

"Wala kang malisya sa akin, 'di ba?" pagkompirma pa niya. "Kasi habang 'yong mga lalaking nasa likod ko, eh, naglalaway na sa akin, heto ka at iniisnab ako. Ibig sabihin, walang epekto ang sex appeal ko sa 'yo. Kaya sa tingin ko, puwede tayong maging friends."

Magkakaepekto rin ako sa 'yo habang magkasama tayo, bulong niya sa isip. Kailangan mo lang na mapakatitigan ang cuteness ko at masubukan ang mag-enjoy sa company ko. Mai-in love ka sa akin nang bonggang-bongga hanggang sa ikaw na ang maging stalker ko!

"Sa tingin mo, gusto kong makipagkaibigan sa 'to?" kaswal na tanong nito.

Bago pa siya makasagot ay biglang tumakbo ito. Napilitan tuloy siyang sabayan ito sa pagtakbo. Mas mabilis kaysa kanina ang jogging na ginagawa nito. Sa katunayan ay parang hindi na iyon jogging lang. Parang takbo na talaga iyon. Parang gusto siyang takbuhan nito.

"Dahil ba babae ako kaya nag-aalangan kang maging kaibigan ako?" tanong niya habang sinasabayan ito sa pagtakbo. "Wala ka sigurong kaibigang babae, no? Well, dapat mong subukang magkaroon kahit one time lang. Masaya rin ang may kaibigang babae. May mga bagay na hindi alam ng kaibigan mong lalaki na alam ng kaibigan mong babae. May mga tulong na maibibigay ang kaibigan mong babae na hindi kayang ibigay ng kaibigan mong lalaki."

"Tulad ng?"

Ano nga ba? Isip-isip. Dali! "Advice tungkol sa girls," sagot niya.

"Kailangan ko pa ba niyon?" parang walang interes na sabi nito.

Napanganga siya. Wow, ang yabang ng loko! Pero talaga namang may maipagyayabang ito. Talaga namang hindi na nito kailangan ng advice para makakuha ng mga babae dahil maraming nagkakandarapa rito na handang magpatayan para rito, tulad ng mga babaeng nilampasan niya kanina.

"Kailangan mo pa rin niyon. Hindi naman por que maraming nagkakagusto sa 'yo, lahat na magkakagusto sa 'yo. Meron ding mga babaeng hindi ka magugustuhan base sa personality mo. Ang ibig kong sabihin, marami rin kasing mga babae ang hindi nagbabase sa looks. Mas gusto nila 'yong mga lalaking outgoing, fun at friendly. Malay mo, ma-in love ka sa isang girl na hindi ka type. Kaya kailangan mo ng advice ng isang babae para makatulong sa 'yo na makuha ang girl na 'yon." Hinihingal na siya.

"Sa tingin mo, hindi ako fun?" bahagyang magkasalubong ang mga kilay na tanong nito.

"Ewan ko. Hindi pa naman kita nakakasama para malaman kung fun ka nga o hindi. Kaya dapat na h-um-angout tayo para malaman ko kung masaya ka ngang kasama."

"Wala akong kailangang patunayan sa 'yo. Bahala ka kung iniisip mo na hindi ako fun. Okay lang sa 'kin."

Natuon ang tingin niya sa pawis nitong gumigitaw sa noo nito at tumutulo sa leeg nito. Ang seksing tingnan ng loko. Iyong tipong sexy wet look. Napailing-iling siya. Kiber niya sa sexiness nito. Nafu-frustrate na siya rito. Mukhang wala yata talaga itong balak na palusutin ni isa sa mga alibi niya para makasama itong kumain.

Sayang ang ipinambili niya ng Wonder Bra para rito. At ngayon ay parang gusto pa nitong paputukin ang baga niya sa bilis ng jogging na ginagawa nito na napipilitan siyang sabayan. Nagsisimula na talaga siyang maimbyerna rito. Talaga bang wala siyang kadating-dating dito kahit katiting? Kunsabagay ay parang wala rin itong pakialam sa mga babaeng humaharot dito.

"Bakit parang wala kang interes sa girls?" curious na tanong niya.

Hindi siya tiningnan nito at parang wala itong narinig.

"Wala ka bang type sa mga babaeng nagpapa-cute sa 'yo?"

Daig pa nito ang naka-earphone. Mukhang talagang wala itong balak na sagutin siya.

Naningkit ang mga mata niya. Sa naisip niyang susunod na itanong, ewan lang niya kung hindi ito mag-react. "Bakla ka ba?"

Wagi siya dahil biglang huminto ito sa pagtakbo at hinarap siya. Magkasalubong ang mga kilay nito. Mukhang napikon ito. Nang ibaba nito ang mukha palapit sa mukha niya ay naalarma siya. Hahalikan ba siya nito para patunayang hindi bakla ito? Teka, bakit parang kusang nanunulis ang nguso niya?

"Kung aaminin kong bakla ako, lulubayan mo na ba ako?" seryosong tanong nito.

Napasinghap siya kasabay ng panlalaki ng mga mata. Bakla ito?! Hindi siya nakapagsalita sa pagka-shock. Nakatitig lang siya rito habang nakanganga. Bakit, oh, bakit naging bakla ang isang lalaking tulad nito na sasabog ang thermometer sa hotness overload na taglay? Kaya pala wala itong pinapatulan sa mga babaeng nagpapa-cute dito. Kaya pala parang gusto lang siyang pagtawanan nito noong nakita siya nitong sumusubo ng hotdog dahil siguro ay mas magaling itong sumubo ng hotdog kaysa sa kanya. Kaya pala kahit anong pangse-seduce niya rito ay parang wala siyang epekto rito. Kahit pala maghubad siya sa harapan nito ay mandidiri lang ito sa kanya. Kaya pala minsan ay sinosopla siya nito. Imbyerna pala ito sa kanya dahil naiinggit ito sa matris niya.

Isa palang paminta si Miguel! Nagpapanggap lang itong straight para magamit ni Aling Poleng ang hotness ng lalaki sa business ng matanda. Hindi siya makapaniwala sa natuklasan. Pumalya ang gaydar ni Gigi dahil magaling magpanggap si Miguel. Deep inside ay nakaramdam siya ng matinding panghihinayang. Sayang ito. Sayang ang lahi nito.

Wala na si Miguel sa harapan niya nang matauhan siya at sa wakas ay magawa niyang igalaw ang katawan. Nakita niya itong tumatakbo palayo sa kanya. Walang bisa ang beauty niya rito dahil isa itong badap. Pero kung bibigyan niya ito ng guwapong fafa ay baka makuha niya ang loob nito.

Tama! Bibigyan niya ito ng dyowa! Iyon ang paraan para makuha niya ito mula kay Aling Poleng. Sukdulang magbayad siya ng gigolo para akitin nito si Miguel ay gagawin niya.

Hinabol niya si Miguel pero napakalayo na nito. Binilisan niya ang pagtakbo para maabutan ito at kahit hingal na hingal na siya ay hindi siya tumigil. Kailangang malaman niya kung ano ang type nito sa lalaki para makapagpahanap siya kay Gigi ng lalaki agad-agad.

Tinawag niya si Miguel nang ilang beses pero hindi lumilingon ito. Nang malapit na siya rito ay bigla siyang nahilo at gumewang-gewang kasabay ng paghahabol ng hininga. Bigla na lang siyang bumagsak sa lupa at nawalan ng ulirat.

I Love You To Death [COMPLETED]Où les histoires vivent. Découvrez maintenant