Chapter 20

739 75 29
                                    

Tinatamad akong kumain. Busog ako kahit halos walong oras na ang nakalilipas matapos akong kumain. Wala akong gana.

Miski ang pag-inom ng tubig ay hindi ko magawa. Wala akong nararamdamang gutom o pagka-uhaw. Mugto ang mata ko lalo na si Kim simula ng mawala si Smite sa amin.

Wala kaming ideya kung anong nangyari sa kanya, tanging ang marka lang ang nagsisilbing ebidensya ng kanyang pagkamatay.

Nakatitig ako sa kisame ng kwarto ko. Nakabukas ang bintana habang pumapasok ang malamig na hangin. Makulimlim ang kalangitan at nagbabadyang umulan ngayong hapon.

Napapikit ako ng bahagya. Ano'ng mga nangyayari sa amin? Bakit sunod sunod ang mga hindi maipaliwanag na pangyayari? Kung totoo man ang mga nabasa ko tungkol sa pagbisita nila, hindi ko alam ang gagawin ko.

Napamulat ako nang may kumatok sa pinto ng kwarto ko.

"Keith, kung nagugutom ka may hinain ako sa mesa, kumain ka." Mula sa labas ng kwarto narinig ko ang boses ni Baba. Ang boses na 'yon ay may pag-aalala at kaunting karalgal tsaka ito umubo ng paos.

Hindi na ako sumagot at narinig ko ang paglalakad niya pababa ng hagdan. Alam kong simula pa kanina ay hindi na ako nakita ni Baba na bumaba para kumain. Kahit papano'y concern pa rin siya sa amin. 

Si Kim kaya? 

Kamusta na kaya siya?

Tumayo ako para tignan kung nasaan si Kim at para na rin makamusta ko siya. Lumabas ako ng kwarto habang patuloy ang pagsinghot-singhot ko dahil sa kakaiyak ko kanina. Singkit ang mga mata ko dahil namamaga ito.

Bago pa man ako bumaba ay pumunta muna ako sa kwarto ni Baba kung saan naroroon si Kim. Dahan dahan kong binuksan ang pintuan upang silipin siya.

Nakaupo siya sa kama habang nakatitig mula sa labas ng bintana. Hinahangin ang buhok niya pero hindi siya natitinag sa pagkakaupo. Hindi ko alam kung bakit pero tila bigla akong kinabahan noong makita ko siya sa ganoong posisyon.

"K-kim..." mahina kong tawag sa kanya. Hindi niya ako nilingon. Nanatili siyang ganoon.

"K-kim, kumain ka na?" Dahan dahan akong lumalakad papalapit sa kanya. Napatigil ako nang kamutin niya ang likod ng kanyang tainga. Narinig ko ang ilang pagsinghot niya, dulot siguro ng pag-iyak niya simula pa kagabi.

Patuloy ang pagkamot niya sa likod ng kanyang tainga na sanhi ng pagdugo nito. Mas lalong umigting ang pagkabog ng dibdib ko nang makita ang dugo na tumutulo mula sa likod ng kanyang tainga. Tumutulo ang dugo sa ilalim ng kanyang tainga kung saan sinasabit ang mga hikaw. Lumakas ang hingal ko sa nakikita ko.

"Kim..." mabilis akong lumapit sa kanya para pigilan siya sa patuloy na pagkamot. Kinakabahan ako sa ginawa niya.

"Kuya..." Niyakap niya ako. Nagsimula na ang kanyang paghikbi.

"Wala na si Smite..." humagulgol siya ng iyak sa dibdib ko. Oo, alam kong masakit na mawala sa amin si Smite. Pero wala naman kaming magagawa, hindi naman naming kayang ibalik ang buhay niya. Nakakalungkot man sa amin pero nangyari na ang nangyari, kahit na wala kaming ideya kung ano ang ikinamatay niya. Tanging ang marka lang ang pinanghahawakan kong ebidensya.

Hinimas ko ang ulo niya. Gusto ko siyang patahanin pero miski ako naiiyak din. Nahahawa ako sa kanya, alam ko ang nararamdaman niya. Kapwa kami nalulungkot sa nangyari kay Smite. Napapikit nalang ako habang yakap yakap siya.

**

Maaga akong nagising. Kahit na mugto pa rin ang mga mata ko ay kailangan kong bumangon para pumasok. Masakit pa rin sa amin ang pagkawala ni Smite pero hindi kami hihinto.. Nangyari na ang nangyari. Balik lang sa dati, ang kaso lang, kulang na kami ngayon.

Strange VisitorsWhere stories live. Discover now