Chapter 2

1.9K 237 402
                                    

Nakasisilaw na liwanag ang gumising sa akin. Hindi ko pa man naimumulat ang kaliwang mata ko ay napatingin ako sa wall clock ng kwarto. Alas otso na ng umaga at dali dali akong tumayo para mag-stretch ng kaunti. Napansin kong bukas na ang bintana ng kwarto ko, kung hindi ako nagkakamali, naisarado ko iyon kagabi. Lumingon ako para tignan ang pintuan ng kwarto ngunit nakasarado iyon at naka-lock. Hindi naman maaaring buksan ni Baba ang bintana dahil naka-lock ang pintuan ng kwarto ko. Saan siya dadaan upang buksan ang bintana?

Lumapit ako sa bintana at itinuon ang dalawa kong palad sa window stool. Napakaganda ng sikat ng araw na halos bigyan ng liwanag ang mga pananim ni Baba. Napakasariwa ng hangin na dumadampi sa aking mukha at balat. Napasinghap ako sa preskong hangin na 'yon. Hindi ko mapigilang kiligin sa natatanaw ng aking mga mata. Simula sa pananim niyang mga palay hanggang sa napakalawak niyang maisan. Na-miss ko ang ganitong umaga na hindi ko nakita sa Brandenton kahit na isang araw man lang.

Ibang iba talaga ang buhay sa Grellyn kung ikukumpara sa Brandenton. Napakapayapa sa Grellyn na kahit ang mga mayayaman sa Brandenton ay hahanap-hanapin at susubukang tirhan. Napatingin ako mula sa baba ng bintana at napangiti ako nang makita si Kim na nakikipaglaro kay Smite. Natakbo siya at nakikipaghabulan sa aso.

Hawak hawak ni Kim ang teddybear na ibinigay ko sa kanya noong umalis ako ng Grellyn para mag-aral sa Brandenton. Ang sabi ko sa kanya, habang wala ako, ang teddybear muna na ibinigay ko ang magbabantay sa kanya. Naalala ko ang pag-iyak niya noong umalis ako ng Grellyn papuntang Brandenton. Parang ayaw na ayaw niya akong paalisin. Nasanay na kasi siyang ako ang kasama rito sa bahay dahil noong high school pa ako at dito sa Grellyn nag-aaral, palagi siyang naghihintay sa pagdating ko though half day class lang naman ako noon. Mas nakakapaglaro kami ni Kim marahil si Kayle ay whole day dahil elementary pa lamang siya noong mga panahon na 'yon.

Si Baba kasi ay palaging nasa palengke para magbenta ng mga inani niyang mga gulay. Mayroon siyang mga suking tindero roon kaya hindi na siya gaanong nahihirapang magbenta. Minsan nga naikukwento sa akin ni Baba na pinag-aagawan na siya ng mga tindero sa palengke. Malakas ang kita ni Baba sa pagtitinda ng gulay sa palengke at ang kita niya ay pinangsusuporta niya para sa pag-aaral namin.

Hindi maalis ang ngiti ko habang pinagmamasdan si Kim na tumatakbo sa open space sa tapat ng bahay namin. Tawa siya nang tawa habang hinahabol siya ni Smite. Nakakahawa ang kasiyahang ipinapakita niya sa akin.

Tumigil siya at napatingin sa akin. "Kuya! Good morning!" Mas lumapad ang ngiti sa aking labi nang batiin niya ako ngayong umaga. Binati ko rin naman siya agad at isinarado ang bintana para lumabas.

Bumaba ako papunta ng kusina kung saan naroroon si Kayle na kumakain.

"Kuya, nag-bake ako ng cupcakes. Mayroong gatas sa ref, aalis na ako, baka ma-late na naman ako sa first subject ko. Palagi pa namang galit si Mrs. Erma kapag nale-late ako sa klase niya." Tumayo si Kayle habang nakabihis na ng uniform. Kumuha siya ng isang cupcake at humalik sa pisngi ko tsaka umalis at naglakad palabas.

"Mag-iingat ka!" Dire-diretso siya palabas ng bahay.

Bago ako umupo ay kumuha ako ng gatas at isinalin ko sa baso. Ang gatas na ito ay mula sa mga kalabaw na alaga ni Baba, mayroong equipment si Baba para salain at linisin ang gatas na nanggagaling sa mga kalabaw. Kaya natitiyak niyang ligtas naming inumin ang mga gatas na nagmula sa kalabaw.

Kumagat ako ng cupcake. Nakatitig lang ako sa pintuan ng kusina palabas. Naroroon ang garahe at natatanaw ko ang silo. Nakita ko si Baba at si Kayle na sumakay na sa truck. Marami naring dalang gulay ang truck marahil ay pag-iisahin nalang ni Baba na ihatid si Kayle sa school at dalhin ang mga gulay sa palengke ng Normount Fields.

Tumayo ako at binuksan ang pintuan sa kusina. "Baba! Kayle! Mag-iingat kayo!" Kumaway ako sa kanila at ganoon din sila sa akin.

"Keith, ikaw muna ang bahala kay Kim. Aalis na kami." Narinig ko na ang pag-start ng truck tsaka ito umatras at kumuha ng anggulo para makaabante sa daraanan nila palabas ng bukid.

Strange VisitorsWhere stories live. Discover now