Chapter 8

1K 155 101
                                    

Malamig ang panahon ngayong araw. Pumatak na ang alas dyes ng umaga subalit wala pang sikat ng araw ang lumalabas. Makulimlim ang kalangitan, ano mang oras ay maaari nang bumagsak ang malakas na ulan.

Maagang gumising kanina si Kayle para makaalis na agad sila ni Baba at para hindi na rin sila abutan pa ng malakas na ulan. Pinaalalahanan ako ni Baba na alagaan kong mabuti si Kim. Huwag na raw kaming manonood ng kung ano ano sa TV marahil ay nakakaapekto ito kay Kim t'wing siya'y matutulog sa gabi.

Wala namang kakaibang nangyari kagabi. Natulog si Kim sa kwarto ni Baba at wala namang na-obserbahang kakaiba kay Kim bukod sa paglabas labas nito ng kwarto para pumunta ng banyo o kaya'y uminom ng tubig.

Marahil ay masasabi kong kakaiba ang umagang 'yon. Mula sa maisan, kay Kim at sa mga kakaibang tahol ni Smite. Lalo na ang sugat nito sa likod ng tainga na lalong nakapagpapakaba at nakapagpapakilabot sa akin ng husto.

Uminom ako ng kape mula sa kusina at dinala ko iyon sa labas para hanapin si Kim. Dahan dahan kong binuksan ang pinto na dahilan para tumunog ang mga shells na nakakabit sa kisame ng front porch at mula sa gilid niyon ay naroroon nakaupo si Kim sa may malaking swing. Nakatingin siya sa malayo habang yakap niya ang teddy bear.

Lumapit ako sa kanya. Umupo ako ng marahan subalit nakalikha pa rin ako ng mahinang ugoy sa duyan na dahilan para mapansin niya ako.

"Kamusta ka naman sa kwarto ni Baba kagabi? Nakatulog ka naman ba ng maayos?" Tumikhim ako ng sariwa at malamig na hangin.

Tumango siya bilang tugon tsaka muli niyang inilipat ang tingin sa maisan.

"Hindi ka lumabas kagabi?" Umiling siya at ngumuso ng bahagya.

Muli niyang ibinalik sa akin ang tingin niya. "Kuya, maayos na ba ang lagay ni Smite?" Bakas sa tono nang pananalita niya ang pag-aalala para kay Smite.

Ngumiti lamang ako sa kanya at tumango ng tipid. "Gagaling na ang sugat ni Smite, diba nakita mo naman kahapon na ginamot ko na siya?" Umukit sa mukha niya ang pilit na ngiti at tumingin ito kay Smite na natutulog mula sa harap.

"Malapit na 'yung cartoon na pinapanood natin, gusto mo buksan ko na 'yung TV?" Inanyayahan ko siyang pumasok na kaming dalawa sa loob para manood pero tanging iling lang ang tugon niya sa alok ko.

"Ayaw mo manood?" Humigop ako ng kape.

Umiling ito ng bahagya. "Kuya, naniniwala ka ba sa mga sinasabi ko sa'yo?" Napatigagal ako sa tanong niyang 'yon. Para bang nagulat ako ng kaunti sa sinabi niya.

Inilapag ko ang basong hawak ko tsaka ako tumingin sa kanya. Nakatingin siya sa akin ng diretso. Mata sa mata.

"Naniniwala ako sa'yo baby. Paano mo namang nasabing hindi kita pinaniniwalaan?"

"Ewan. Kasi si ate Kayle at si Baba mukhang hindi naniniwala sa mga sinasabi ko. Kuya, lahat ng mga kinukwento ko sa inyo ay totoo. Lahat 'yon nakita ko." Nagsimula na namang magtayuan ang mga balahibo ko.

"Hindi ko alam kung bakit ayaw nila akong paniwalaan, pero ang lahat ng 'yon ay totoo. Tuwing gabi, nakatingin siya sa akin at gusto niya akong pumunta sa maisan. Pumipikit nalang ako para hindi ko na siya makita. Ayokong sumama sa kanya." Pinaliwanag niya ang mga nakita niya tuwing sasapit ang gabi. Bumilis ng bahagya ang pagtibok ng puso ko dahil sa naghahalong kaba at takot sa mga kwento niya.

Sinubukan kong ituloy ang pagtatanong kahit na ayaw nang maalis ang pagkakatayo ng mga balahibo ko.

"Sino ba ang nakatingin sa'yo? Anong hitsura niya?"

"Hindi ko alam kung sino siya. Basta maitim lang siya at parang anino, palagi niya akong tinitignan at binabantayan. Palagi siyang nakasilip doon sa maisan." Itinuro niya ang maisan na katapat ng swing. Mas tumindig ang mga balahibo ko. Iba ang dating ng mga kwento niya. Oo, alam kong bata siya, pero sa edad ni Kim, kikilabutan ka talaga habang nagsasalita siya ng mga ganoong bagay.

"Nakakausap mo siya?"

Umiling ito. "Hindi. Hindi naman siya nagsasalita. Pero kuya, nakakatakot ang hitsura niya."

Hindi ako makahinga habang naririnig ko ang mga sagot niya sa tanong ko.

"Bakit ka raw niya pinapapunta sa maisan?"

Nagkibit balikat lang siya. "Hindi ko alam."

"Nakikita mo pa rin ba 'yung liwanag tuwing gabi?" Gusto kong malaman kung ano ang naging karanasan niya tuwing makikita niya ang liwanag dahil alam ko na sa lahat ng mga sinasabi niya, iyon ang totoo, dahil ako mismo ay nasaksihan ang bagay na 'yon.

"Oo, kuya. Pagtapos ng liwanag na 'yon, lalakas ang hangin tapos mawawala ang liwanag."

"Ikaw, maayos ka lang ba? Hindi ka ba niya ginagalaw?"

"Hindi. Pero kapag nakikita ko siya, natatakot ako ng sobra. Hindi ko alam kung bakit lagi nalang niya akong pinagmamasdan. Kaya nga gusto kong tumabi kay Baba, para maprotektahan niya ako laban sa kanya." Napapikit ako habang sinasariwa ang mga binigay niya sa aking impormasyon. Hindi pa rin mawala sa akin ang takot, kaba at pangamba.

Ayokong buong araw ay mananatili sa akin ang kakaibang kilabot na nararamdaman ko. Sinubukan kong ibahin ang usapan. Kinausap ko siya sa ibang bagay. Naglaro kami ni Kim ng habul-habulan kasama si Smite. Naglaro kami ng lutu-lutuan para lang maiba ang mood niya ngayong araw.

Hanggang sa dapuan siya ng antok no'ng hapong 'yon. Saktong dating ni Baba habang dala dala niya ang ilang pasalubong na tinapay at sari-saring kendi para kay Kim na galing sa palengke.

Nakaupo ako sa couch habang nanonood ng TV. Ayon sa balita ay may Tropical Depression sa Grellyn Province kaya makararanas ang lugar na ito ng kalat kalat na pag-ulan. Kaya pala kanina pa makulimlim at nagbabadya ang malakas na ulan.

Dumaan si Baba sa harap ko habang tinatanggal niya ang jacket na suot niya at umupo sa aking tabi.

"Kinausap ako ng Tita Jen mo, ang sabi niya, kung pwede ay doon muna sa kanila tumira si Kayle. Mas malapit ang eskwelahan ni Kayle sa bahay ng Tita Jen mo kumpara sa atin. Para hindi na raw ako mahirapang maghatid hatid sa kanya araw araw." Sa totoo lang, malayo talaga ang eskwelahan ni Kayle noong pumunta kami ro'n para samahan siyang mag-enroll. Mas malayo pa sa Westfall College na nasa Ashery. Bagamat sakop pa rin naman ng Normount Fields ang eskwelahan na pinapasukan ni Kayle pero malayo ito kung ang pupuntahan mo ay Ashery.

Nanatili akong nakatitig sa kanya. "Kalahating taon lang naman doon si Kayle, tsaka gusto rin naman ng Tita Jen mo ng may makakasama sa bahay nila." Pagpapaliwanag pa ni Baba. Si Tita Jen ay isang byuda mula sa asawa niyang Hapon na namatay matapos sila ikasal tatlong taon na ang nakakalipas. Kapatid ni Papa si Tita Jen at hindi ito nabiyayaang bigyan ng kahit na isang anak kaya siguro'y nangungulila ito sa pag-iisa.

"Anong desisyon niyo? Pumayag na ba si Kayle?"

"Para sa akin mas makabubuting doon muna si Kayle, mas malapit at hindi siya mahihirapan sa byahe araw araw. Tsaka aalagaan naman siya ng Tita Jen mo roon."

"Pero kung ano ang magiging desisyon ni Kayle mamaya kapag kinausap ko siya, iyon ang susundin natin. Naaawa lang ako sa Tita Jen mo, halos tatlong taon na rin siyang walang kasama sa bahay." Nangungulila si Tita Jen, naaawa si Baba sa kanya marahil ay ito ang bunso niyang anak. Minsan na kaming bumisita sa kanila at makikita mo ang tuwa at galak noong nakita niya kami.

Napangiti nalang ako sa kanya. Maalaga at responsable naman si Tita Jen kaya alam naming nasa mabuting kamay si Kayle kapag pumayag siyang doon muna tumira kasama nito.

"Kamusta naman si Kim?" Pag-iiba niya ng tanong.

"Maayos naman. Kaso lang Baba, may naikwento siya sa akin kanina, may nakatingin daw sa kanya at niyayaya siyang pumunta ng maisan. Miski ako kinilabutan noong sinabi niya 'yon sa akin."

Napatingin si Baba sa TV at napaisip ng malalim tungkol sa sinabi ko.

***

Strange VisitorsWhere stories live. Discover now