17: Hindi na Kailanman

44 5 2
                                    

UKI

Alam ni Kuki na hindi magiging madali ang magiging desisyon niya mamayang madaling araw. Ilang araw—hindi, ilang linggo—na niyang pinag-isipan ang gagawin niyang ito, at sa tuwing tinatanong niya ang sarili kung pinal na ba ang desisyon niya, ay palagi siyang nahuhulog sa pagdadalawang-isip. Tiningnan niya nang matagal ang repleksyon sa salamin: isang lalaking may humpak na pisngi, lubog na leeg, at mga matutulis na butong nakausli sa balikat at tagiliran.

Sino ka?, gusto niyang tanungin ang repleksyon. Mabilis ang pagpayat niya, marahil dahil sa naghalo-halong epekto ng stress sa dance practice, vocalization, fan meetings, concerts, shows, at nitong nakaraan lang, ang sunod-sunod na concert sa Union Tour. Nagsimula sa Rainbow Arena, magtatapos sa Governor's Court sa Zone 5. Pero nasa pangalawang leg pa lang sila ng Union Tour, at alam ni Kuki na hindi na siya makakaabot sa last leg ng kanilang concert. Alam niyang inaani na niya ang epekto ng spores na nagsisilbi niyang kakampi sa makulay at artipisyal na mundong ito.

Hinimas niya ang kaniyang ulo at nahulog sa lababo ang mga kulay rosas na hibla ng buhok, tila papel na nanguluntoy sa pagdapo sa tubig. Maging ang buhok ko, nalalagas na. Matagal nang nalalagas ang kaniyang buhok, at alam ito ng Management, kaya sa kanilang mga photoshoots ay madalas siyang pinagsusuot ng sombrero, o hoodie, o beanie, o fedora, o 'yung fashionable na sombrerong may ribbon at rosas na tinawag ng mga B34STBOYS fanatic na "Kuki hat" dahil siya ang tinaguriang Flower Prince. Pero mahirap itong itago sa concert, at hindi lingid sa kaalaman ni Kuki na pinag-uusapan sa mga cyberspace forums ang pagnipis ng kaniyang buhok. "Save Kuki's scalp," ang pamagat ng isang forum. "Protect Kuki's health," sabi ng isa.

Tatlong mabilis na katok sa pinto ang narinig niya, sinundan ng dalawang mabagal na katok. Alam niyang kay QB ang katok na ito. Hindi siya umimik. Kinandado niya ang pinto.

"Kuki. Ilang oras ka nang nakakulong diyan," sabi ng walang ekspresyong boses ni QB, tila nagmumula sa malayong panaginip.

Nanatiling nakatingin si Kuki sa kaniyang repleksyon nang ilang segundo, kaniyang mga mata'y tuyo at pula. Paano nila nalaman?, tanong niya sa sarili. Gayong palagi naman siyang tumatakas sa realidad sa lugar na iyon—sa tagong personal space niya na kung tawagi'y restroom—kung saan walang nakakakita sa kaniya. Paano nila nalamang bumalik ako sa paggamit ng spores? Napayuko siya, ngumiti, at tumawa. Alam niya pala ang sagot. Marahil masyado nang kapansin-pansin ang kaniyang kakaibang kilos di lang sa Management maging sa BAT4LL3ON na kanilang fanbase—ang kaniyang madalas na pagkatulala sa kawalan, ang mapula niyang mata, ang pagngiti niya sa mga pinakatahimik na sitwasyon, at nito lang sa Rainbow Arena, ang headline-generating niyang pagkadapa sa stage habang ipiniperform ang dance break ng kanta nilang Gold Pyramid. Tumawa siya nang tumawa.

"Kuki."

Tumingin siya sa huling pagkakataon sa salamin ng restroom. Sigurado na ba ako sa gagawin ko mamaya? Alam niyang hindi magiging madali ang pagtakas niya, ngunit kailangan niya itong gawin. Bukas kasi'y ipadadala na siya ng Management sa Dangerous Drugs Rehabilitation Center, tulad ng pagdala nito sa kaniya noong isang taon noong nalamang gumagamit siya ng spores. Ang karanasan niya sa rehab center ang isa sa mga bagay na gusto niyang limutin nang tuluyan, tulad ng isang kahindik-hindik na bangungot. Hindi ko hahayaang dalhin nila ulit ako sa presong iyon. Preso ang turing niya sa dormitoryo ng B34STBOYS, pero mas preso ang rehab center. Bukod doon, ay alam niyang ang proseso sa mga drug addict na dumaan sa rehabilitation ngunit nagpatuloy sa paggamit ay mas matindi. Alam niyang hindi lang light strobes ang ginagamit ng rehab center para sa treatment. Nariyan din ang napakaraming mind-altering process at psychological torture. Hindi niya hahayaang mangyari sa kaniya iyon.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Apr 20, 2018 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

OtherfolkWhere stories live. Discover now