7: Pagdiriwang

30 6 18
                                    

 Sumulpot ang mga static sa DFI (Digital Funeral Image) ni Catatonio Magpantay, mga linyang gumagalaw at tumataas-baba sa screen, tulad ng static lines na sumusulpot sa isang TV na walang signal. Ang screen ay nakaset-up sa Hall, isang malawak at maalikabok na kwarto sa likod ng Simbahan, kung saan inilalagak ang mga namayapa, upang alalahanin at ipagdiwang ang mga ito. Ang katawan ni kuya Onio ay nasa loob ng isang aluminum na ataul, isang cryogenic coffin na mistulang refrigerator ng katawan, upang di mabulok, tulad ng isang produkto sa grocery. Sa loob ng ataul ay naroon ang camera, nakatutok sa mukha ng namayapa upang i-project ang DFI nito sa isang screen; isang real-time portrait ng namayapa.

Hindi alam ni Ion kung bakit kailangan pa ang DFI, samantalang pwede namang maglagay ng bintana sa ataul upang makita ang mukha ng patay. Kung minsa'y di niya maintindihan ang lohika ng modernong teknolohiya.

Isang araw pa lang ang lumipas, at sariwa pa rin kay Ion ang nakalutang na mga paa, ang pagtulo ng bahaghari sa linoleum. Plok... plok... plok..., tunog ng pagtulo ng likido sa linoleum, at tila sa sandaling iyon ay walang ibang narinig si Ion kundi ang tunog nito.

Maalikabok ang Hall, isang kwartong may mataas na kisame, at mga pader na bato. Maalingawngaw ang masasayang usapan ng mga dumalo—pinag-uusapan ang buhay ng namayapa, ipinagdiriwang ito—mga naging kaklase ni Onio, mga katrabaho, iilang kaanak na di kilala ni Ion... at syempre ang kaniyang mga brothers at sisters, nakaupo nang tuwid sa kani-kanilang plastik na silya, animo'y nakikinig sa sermon ni Father. Lahat ng dumalo'y nakasuot ng dilaw, isang maligayang kulay...

Nakapatong ang ataul sa platform sa harap, kung saan din naroon ang screen. Ilang araw pa ang lilipas bago ito kunin ng mga MES officials, upang dalhin sa Lavender Tower sa Zone 2, isang higanteng toreng pinaglalagakan ng lahat ng namatay sa buong Union, upang doo'y mahimlay nang payapa kasama ng mahabaging mga diyos. Hindi pa nakakapunta si Ion sa Lavender Tower, pero ayon sa mga imahe sa cyberspace ay tila isa itong mataas na haliging tumutusok sa kalangitan, ang mga palapag nito'y tila walang-hanggan; isang condominium ng mga patay. MES o Ministry of Eternal Sleep ang responsable sa bagay na ito, isang sangay ng gobyernong namamahala sa paglalagak ng mga patay, mula punerarya hanggang huling hantungan sa Lavender Tower.

Hanggang sa huli'y nakangiti pa rin ang kuya Onio, isang matamis at tila inosenteng ngiti sa mga labi. Hindi inosente, naisip ni Ion. Marami siyang alam. Napakarami. Ang mukha nito'y napakakinis, babad sa kemikal at kung anong substance na bumura sa gaspang ng mukha at peklat nito. Para itong manika. Sa pagtitig niya sa mga nakapikit na mata nito'y nakaramdam siya ng mahinang kurot sa puso, magkahalong awa at panghihinayang. Kung pinilit ko sana siyang sumama sa 'kin. Kung pinilit ko sana... Buhay pa sana ang kapatid ngayon; sana'y pareho silang miyembro ngayon ng Kapatiran, mga sundalong Otherfolk na may gagampanang malaking bagay sa isang digmaan. Pero hindi, tapos na ang lahat. At wala siyang ibang sinisisi kundi ang sarili. Dilaan mo, narinig niya ang tinig ni Onio sa kaniyang isip, umaalingawngaw, puno ng lungkot.

Tila naramdaman ni sister Mynorra ang kaniyang kalungkutan kaya umupo ito sa silya katabi niya. Maamo ang mga mata nito, at may mga labing nakaplaster ang ngiti. "Ngiti, brother Catalion, nasa piling na ng mga diyos si brother Catatonio." Pumikit ito, ngumiti, at huminga nang malalim. "Sa loob ng isip ko nakikita ko siya, sa Higher Realm, hubad, at sumususo sa mga malulusog na suso ng Highest Mother, tinatanggap ang holy milk, hinahaplos ng Highest Father ang likod, tulad ng isang sanggol, payapa, masaya, sa piling ng ibang mga taong narating na ang estadong godlike." Dumilat ito, nakatingin sa kaniya. "Wala nang mas gaganda pa sa imaheng iyon."

Sa pagkakataong ito'y lumapit ang iba niyang brothers at sisters, nakangiti. Hinaplos ni sister Pulencia ang kaniyang magulong buhok, tulad ng isang nanay sa isang anak. "Totoo ang sinabi ni sister Mynorra." Nakangiti rin ito. "Masaya rin si brother Catatonio. Mas masaya pa kaysa sa 'tin."

OtherfolkWhere stories live. Discover now