9: Initiate

34 6 37
                                    


23:45 pa, sabi ni Ion sa kaniyang sarili, nakaupo sa malamig na bench na bato sa parke katabi ng tatlong-palapag na gusaling kaniyang hinanap pagkatapos ng klase.

21:37, sabi ng digital clock post sa di-kalayuan. Ang parkeng kaniyang kinaroroonan ay maliit, may mga bench, at mga nagsasayawang matatangkad na palm trees sa gilid. Mangilan-ngilang mga tao ang nakatambay tulad niya, tila naghihintay din ng oras, at inisip ni Ion kung mga Otherfolk din kaya silang naghihintay ng 23:45.

Kanina paglabas niya ng Campus ay sinimulan niyang hanapin ang logo sa papel na ibinigay sa kaniya ni Bryan: isang pink na bilog, sa loob ay dalawang cyan palm trees na magkadikit, hugis V. Nakita niya na iyon dati, ngunit di siya sigurado kung saan, hanggang sa matulala siya sa tapat ng higanteng electronic billboard sa tapat ng Palm Mall, ang maliwanag nitong ilaw ay bumubura sa paligid, nagpapaliwanag sa kaniyang mukha. B34ST BOYS UNION TOUR, sabi ng ad, sa ibabaw ng mga letra'y naroon ang pitong miyembro ng idol boyband na kinahuhumalingan ng mundo. Luminga-linga siya. Palm tree logo... Palm tree logo... Muling tumutok ang kaniyang atensyon sa billboard, iba na ang ad. Isang higanteng pink na bilog ang naroon, sa gitna'y cyan palm trees na hugis V. Sabi ko na nga ba nakita ko na 'to, sabi ni Ion, masaya, pero... walang pangalan ang ad na iyon, tanging logo, at kinailangan niyang lumapit sa isang Vaxelian office worker na nakaupo sa kahoy na bench sa sidewalk, kaniyang mukha'y naliliwanagan ng blue light mula sa digital window. Noong una'y tiningnan lang siya nito mula ulo pababa, nang tanungin niya ito, ngunit sinagot din siya nito, iritable sa pagkakaistorbo sa kaniya. "Virtual Plaza 'yan, kahilera ng Palm Mall." Nakatutok ito sa digital window habang tinuturo ang direksyon. Sinundan ni Ion ang direksyong itinuro ng Vaxelian; umakyat siya sa covered overpass upang makarating sa kabila, ang air machine sa loob ay malamig, at malakas ang tunog ng bagong pop single ng pop superstar na si Marian X, na napalitan ng Wildflower ng B34ST BOYS. Napatingin si Ion sa fiberglass na salamin, pababa sa buhay na highway ng sasakyan, busina, at neon. Nakabibighani ito... Ilang minuto pa'y natunton niya ang Virtual Plaza, kahilera ng Palm Mall, sa madilim na parte ng makitid na avenue. Sa unang tingin ni Ion ay para itong cyberspace shop, ngunit kita niya sa billboard nito sa tabi ang Check-ins, virtual travel & more! Papasok na siya sa salaming pinto nang harangin siya ng isa sa dalawang bouncer, isang higanteng mama na may makapal na leeg. Hiningan siya nito ng membership card. Nagtaka si Ion, ngunit nang maalala ang baryang binigay ni Bryan ay ito ang kinuha niya. Nang ipakita niya ang baryang may tatsulok ay nanlaki ang mga mata ng bouncer at binulong sa kaniyang, "23:45," habang tinuturo ang parke sa tabi ng gusali.

Kaya naroon siya sa kaniyang malamig na bench, naghihintay ng oras... Tantiya niya'y lagpas isang oras na siyang naghihintay. Tumingin siya sa itaas—ang kalangita'y isang gradient ng pink at dark violet.

Mas mainam na 'to, isip ni Ion. Maghihintay ako kahit gaano katagal. Ito ang susi. Pakiramdam niya'y bibigyan siya ng isang sandata, isang sandatang makapagbibigay ng pagbabago hindi lang sa buhay niya kundi sa buhay ng lahat ng tao sa Union.

Naalala niya ang inasal ni Professor Vendriad ngayong hapon. Wala itong pinagbago; mapang-asar ang ngisi nito, at mas lalo pa nga siyang ipinapahiya sa klase. Ginawa na naman siya nitong example sa isang paksa tungkol sa cultural factors na nakaaapekto sa pagsunod ng mga citizen sa Central Government. "It is a known fact that more than half of Hossians are anti-government," sabi nito sa karaniwan nitong ngisi, nakangisi kay Ion, pinaalala na naman ang Hossian Rebellion. "'Wag natin silang tularan," sabi nito, nakaturo sa kaniya. Pero hindi siya dito nabahala. Alam niyang isa itong palabas, isang facade. Isang sapok din ang natanggap niya kay Uliel habang naglalakad siya sa hallway, ngunit di siya nito nabagabag. May oras ka rin, naisip niya.

Kumalam ang sikmura niya. Nagpasalamat siyang may tira pa siyang Blackrice na baon niya kanina sa Campus. Kinuha niya ang maliit na plastic na baunan at kumain ng staple food ng mga Hossian. Isa iyong super food, pinrosesong tira-tirang pagkain na nakatambak sa mga basurahan sa Zone 5. Ang bawat butil nito'y may lasa at nutritional value base sa kung anong pagkain ito dati. Ngumunguya, natikman ni Ion ang mga bakas ng roast turkey, Whacko burger, berry cheesecake, potato pie, liver paste... Mura lang ang Blackrice, isang generic term at brand na pagmamay-ari ni Avarus Maniil, ang governor ng Zone 5. Mayaman daw ito, ayon sa naririnig niya, at may malaking mansion sa capital ng Zone 5. At isa sa mga umaabuso sa kapangyarihan, dagdag ni Ion sa isip. Ito kasi ang nagmamay-ari sa Blackrice, isang business monopoly na patuloy ang paglago dahil ito lang ang kayang bilhin ng mga mahihirap na Hossian. Sa murang halaga, nutrisyon, abot-kaya!, naalala ni Ion ang tagline ng produkto.

OtherfolkDär berättelser lever. Upptäck nu