6: Liquid Rainbow

56 6 14
                                    


	Isang panibagong araw, sabi ni Ion nang pumasok ang mga daliri ng sikat ng araw sa mga awang ng nakasarang bintana ng kaniyang kwarto

Deze afbeelding leeft onze inhoudsrichtlijnen niet na. Verwijder de afbeelding of upload een andere om verder te gaan met publiceren.

Isang panibagong araw, sabi ni Ion nang pumasok ang mga daliri ng sikat ng araw sa mga awang ng nakasarang bintana ng kaniyang kwarto. Tumayo siya at binuksan ang blinds. Pinuno ng maliwanag na umaga ang kaniyang kwarto, isang monokromatikong mundong nagkaroon ng kulay sa pagdapo ng umaga. Tanaw ang sala-salabat na government housing at buhol-buhol na mga tindahan at lumang establisimyento sa labas, tila tulog sa ganitong oras. Sa langit ay isang walang-hanggang asul. Himala, isip niya. Walang smog.

Tila kasing-liwanag ng umaga ang kaniyang isip. Hindi panaginip ang nangyari kagabi, naisip niya habang inaalala ang mundo sa ilalim ng mundo. Ang kaniyang propesor at ang pigurang naka-hoodie, ang puting pader ng malawak na kwarto, ang mukha ng lider ng organisasyon sa hologram screen.

Kapatiran.

Ngayong iniisip niya iyon ay tila isa itong mahabang panaginip. Ang mga nalaman niya'y tila kauri ng mga bagay na mababasa sa cyberspace, sa blog ng Antifilter Association. Science fiction, pero ngayo'y hindi na science fiction. Otherfolk. Ang salitang iyon ay nakabitin sa kaniyang dila, tila nais niyang sambitin, isigaw. Otherfolk. Isa siyang Otherfolk. Ang mga nangyari at narinig niya kagabi sa ilalim ng mundo ay tila ngayon pa lang bumabaon sa kaniyang isip.

Nakaupo sa sofa si kuya Onio nang lumabas siya ng kwarto. Nakatulala ito sa screen ng Happy Window, nanonood ng commercial.

"The government loves you," sabi ng isang state-sponsored advertisement, isang nakangiting babae ay nakaupo sa harap ng camera. "Kung hindi dahil sa tulong ng Central Government ay wala kaming kakainin." kayumanggi ang balat ng babae sa screen. Isang Hossian. "Dahil sa Central Government, nagkaroon ako ng trabaho sa Waste, kami ng asawa ko. At ngayon, masaya naming kinakain ang Blackrice na murang-mura!" Naisip ni Ion na parang robot ang babae sa screen, isang robot na sinasabi ang mga bagay na naka-program sa kaniya. "The government loves you," panghuli ng boses ng isang lalaki, bago lumipat sa panibagong commercial ang screen.

"Kuya Onio, hindi ka pumasok ngayon?," tanong niya sa kuyang diretsong nakaupo sa sofa, sa itsura'y akala mo dumadalo ng isang simba. Ngumiti ito nang lingunin si Ion. Makintab sa ilalim ng ilaw ang keloid nitong peklat sa ilalim ng mata, tila isang mahaba at matabang bulate. Tuwing umaga, bago siya pumasok sa Campus, ay nakasanayan na niyang wala ang kuya paggising niya. Maaga itong pumupunta sa isang landfill sa timog ng Zone 5 para magtrabaho, araw-araw. Pagbabasura ang trabaho nito. Himala yatang hindi ito pumasok ngayon.

"Binilin ni mama na bantayan ka," sabi nito, may matamis na ngiti sa labi. Mula kahapon sa simba'y hindi pa umuuwi ang kanilang ina, isang karaniwang bagay. May ginagawa itong trabaho sa FOOF.

"Bantayan? Para saan? Papasok ako sa Campus," tugon ni Ion habang naghahanap ng almusal sa lumang mesa sa kusina ilang talampakan ang layo sa sala. Blackrice, isip niya habang nakatingin sa mangkok na may takip.

OtherfolkWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu