11: Pollinator

39 6 21
                                    

 Tumatakbo si Ion

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

 Tumatakbo si Ion. Inaatake siya ng government force agents, matatangkad na lalaking may mapuputlang balat, mga matang natatakpan ng shades, at nakaitim. Nakatapat ang kanilang mga virtual gun sa kaniyang katawan, daliri sa gatilyo. Walang ibang marinig si Ion kundi ang putok ng baril. Mahapdi ang bawat pagtama ng virtual bullets sa kaniyang katawan, parang apoy na tumutunaw nang malalim sa kaniyang laman. Nakita niyang maliliit na butas ang lumalaki sa kaniyang dibdib kung saan tumagos ang mga bala. Palaki nang palaki ang mga butas na ito, ang kawala'y kumakain sa kaniyang dibdib. Napahawak siya dito. Napakasakit. Tumatagas mula sa mga ito ang kulay pula niyang buhay. Nagdurugo siya.

Hindi dapat ako dumugo, naisip niya. Sa mundo ng virtual, hindi nagdurugo ang isang cybernaut. Napupugnaw lang. Bakit ako nagdurugo?

Parang bibigay na ang mga tuhod niya. Hindi na niya maramdaman ang virtual road sa kaniyang paanan. Ang radioactive sky ng rosas at kahel sa itaas ay tila bumabagsak, patungo sa kaniya. Pero kailangan niyang tumakbo. Kung hindi siya tatakbo'y katapusan na niya. At katapusan na rin ng Black Spider. Pati ng buong Kapatiran. Hindi ako papayag...

Sa Cyberspace, ang avatar ni Ion ay isang pigurang natatakpan ng hood ang ulo, may dilaw na buhok, maputing balat, at asul na mata, malayo sa kaniyang totoong pisikal na anyo. Ngunit nang makita niya ang buhok niyang humarang sa kaniyang mata'y hindi dilaw ang mga hibla nito, kundi pula. Kulay pula, umaagos at bumabaha, tulad ng pagtagas ng pulang likido sa kaniyang mga butas.

Hindi. Hindi ako madi-delete. Hindi maaari. Hindi dapat dumugo ang isang cybernaut sa Cyberspace...

Bumaha ang kulay pula sa kaniyang paningin, likido, hanggang sa ang makita na lang niya'y kulay pula. Hindi malaman ni Ion kung tumatakbo pa ba siya. Gumagalaw ang mga binti niya, ngunit tila wala nang tinatakbuhan ang mga ito. Para siyang nakalutang. Naramdaman niya ang kawalan ng paligid; narinig niya ang unti-unting pagkawala ng tunog ng putok mula sa mga baril. Kulay pula ang tangi niyang nakikita—solidong kulay pulang walang porma. Ngunit sa solidong pulang iyon ay nabuo ang isang porma, isang kahindik-hindik na mukhang ni sa pinaka-nakakikilabot niyang bangungot ay di niya makikita. Sumigaw siya.

Nakita niya ang kulay puting kisame at apat na bilog ng ilaw, sumusunog sa kaniyang mga mata. Ang hangi'y amoy room temperature. Naramdaman niya ang pigura sa gilid niya.

"Cyber sickness, wala nang iba," sabi ng matangkad na aleng nakasuot ng all-white uniform, isang clipboard sa isang kamay.

Napatingin si Ion sa ale, mabigat ang paghinga at napagtantong butil-butil ang pawis sa mukha. Nalasahan niya rin ang kalawanging lasa ng dugo sa kaniyang bibig na tumutulo sa kaniyang ilong. Pinunasan niya ito ng dull green na hospital gown na kaniyang suot. "Kailan ba ito matatapos?"

Kalmado ang mga mata ng ale, at sa kaniyang pagsasalita'y maririnig ang kalinga ng isang ina. Kilala siya ni Ion. Si Minerva Glock, isang nurse sa Kapatiran. Ito rin ang nag-opera sa kaniya nang lagyan siya ng port sa leeg. Lumapit si Minerva sa isang metal na mesa sa gilid at nang humarap kay Ion ay ibinigay ang ilang gamot na ilang araw na niyang iniinom. "Inumin mo ito," naalala niyang sabi nito noong araw na dalhin siya dito sa sick ward ng Headquarters. "Makakatulong ito sa pag-stabilize ng heartbeat mo at pagtigil sa pagdurugo."

OtherfolkWhere stories live. Discover now