12: Swan

46 7 41
                                    

 Maliwanag ang malawak na auditorium, ang mga ilaw ay sumusunog sa mga mata ni Ion. Dito ginanap ang Initiation, tanda niya. Kakaiba ang pakiramdam niya ngayong nakaupo siya kasama ng ibang nakaitim sa isang sulok ng audience seat. Nahahati sa tatlong audience ang auditorium: ang mga nakaitim sa kanluran, ang mga nakaabo sa silangan, ang mga nakaputi sa gitna. At sa hilaga, sa harap, ay ang mataas na stage, kung saan nakaupo ang mga mataas na opisyal ng bawat faction: ang tatlong Commander, at ang ilan pang mga opisyal na hindi kilala ni Ion. Sa uluhan nila, ang higanteng hologram screen kung saan naroon ang mukha ni Commander Uranid Morrinan, ang High Commander ng buong Kapatiran, isang malaki't maputlang mukha sa loob ng virtual.

Hindi pa rin sanay ang mga mata ni Ion sa liwanag ng auditorium. Tila sinusunog ng mga ilaw at ng puting pader ang kaniyang optic cells, at manaka-naka'y may mga sumusulpot na visual glitch sa kaniyang paningin. Kanina'y nag-iba't-iba ang kulay ng audience, ngayo'y sa loob ng isang segundo'y nakakikita siya ng mga lumulutang na parisukat sa ere, nagte-teleport sa iba't-ibang lugar sa kaniyang paningin. Sanay na kaya ang mga mata ng mga miyembro ng Kapatiran sa maliwanag na ilaw?, tanong ni Ion sa kaniyang sarili, lumilingon sa paligid. Nilingon niya ang mga nakaabong miyembro ng Golden Brotherhood sa kabilang sulok, katapat nila, at nakita ang mga baguhang mukha, tulad ng babaeng Vaxelian na may pilak na buhok noong Initiation, na mukhang kinakabahan. Gusto ni Ion ang mukha ng karamihan sa miyembro ng faction na iyon, mainit, palakaibigan. O baka iyon lang ang gusto nilang isipin mo, sabi ng maliit na boses sa kaniyang isip. Inisip niya kung ano kaya ang gampanin ng Golden Brotherhood. Sinabi ng High Commander noong Initiation na ito ang may kinalaman sa mga gawaing panglipunan at cover-up acts. Ano kaya ang cover-up acts na iyon? Gusto niyang tanungin si Kero na kaniyang katabi, ngunit seryoso ang mga mata nitong nakatuon sa harap ng stage, tila di kumukurap. Si Oli naman sa kaniyang kabila'y nakayuko at nanginginig ang mga kamay. Ano kayang ginagawa ng Golden Brotherhood?, tanong ni Ion. Di niya alam ang sagot. Isa pa'y sinabihan sila ni Commander Kai Ando na hindi nila kailangang alamin pa kung anong ginagawa ng ibang faction manapa'y ang dapat nilang pagtuunan ng pansin ay ang kanilang sariling responsibilidad. "Separation of powers," sabi ni Commander Kai. Mahalaga daw iyon upang maging epektibo ang gampanin ng bawat faction, at nananagot lamang ang bawat faction sa Circle. Pinagtakahan ni Ion kung ano ang Circle, ngunit napagpasyahan niyang marahil isa itong mataas na council na namamahala sa tatlong faction. Tumingin siya sa stage kung saan nakaupo, kasama ng tatlong faction commander, ang pitong pigurang ngayon niya lang nakita. Base sa kanilang unipormeng may epaulet sa balikat at magagandang accents, ay naisip ni Ion na marahil ang mga iyon ang kabilang sa Circle.

"Magandang gabi sa 'ting lahat," sabi ng payat at matangkad na lalaking di kilala ni Ion. "Tulad ng alam na ng mga dating miyembro ng Kapatiran, ngunit di alam ng mga bagong miyembro, ako si Viscan, Circle official." Tumingin siya sa anim na pigurang nakaupo sa likod niya, ang ibang miyembro ng Circle. Nagsalita muli siya. "Kami ang namamahala sa tatlong faction: Golden Brotherhood, Black Spider, at White Faction. At sa tuwing matatapos ang isang misyong pangkalahata'y ginaganap ang Assembly, upang pag-usapan hindi lang ang natapos na misyon kundi ang kasalukuyang lagay ng Kapatiran."

Hindi na napigilan ni Ion ang kaniyang sarili. "Akala ko si Commander Uranid ang namumuno sa Kapatiran?," tanong niya kay Kero na seryoso ang mga mata sa stage.

Tiningnan siya ng mga malalamig na mata nito, sa likod ng parihabang mga lente. "Sila ang representatibo ni Uranid Morrinan. Ang kanilang mga pasya at salita'y ang mga salita at pasya ng High Commander. At kung itinatakda ng sitwasyon kung saan hindi makakadalo ang High Commander, o may sakit, ay sila ang binigyan ng kapangyarihang magdesisyon sa Kapatiran," pagpapaliwanag nito sa kaniyang monotonong boses. Tiningnan niya si Ion na tila sinasabing, "ngayon alam mo na." Tumingin ulit ito sa stage, ngayo'y sa higanteng screen, sa mukha ng High Commander, naniningkit ang mga matang matagal nang singkit.

OtherfolkTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon