16: UVE

22 4 17
                                    

 "Ang sarap sa leeg ng Artistic Retention Headpiece," sabi ni Marie Diamond, mahabang buhok ay tila makintab na diyamanteng kumikinang sa ilalim ng pinlights ng museo, hawak ang ARH device na nakakabit na parang isang parasitiko sa kaniyang leeg, nakangiti. Patay-sindi sa mukha ng ARH ang kulay pulang ilaw na sa maraming pagkakatao'y kinatakutan ni Ana.

Tatlong araw na ang nakalilipas mula nang bigyan sila ng ARH. Isang istriktong bagay na palagi itong nakakabit sa campus grounds, kahit sa pagtulog, upang hasain ang talento ng mga estudyante. Minsan itong tinanggal ni Ana sa isang klase, at hindi natuwa ang propesor nilang si Miss Tonsaud. "Ibalik mo 'yan, miss," sabi nitong puno ng yelo ang mga matang natatakpan ng kulay-rosas na prescription lenses. Agad itong kinabit ni Ana at naramdaman niya ang pag-click ng magnet sa kaniyang leeg. "Hindi mo ba alam na isang malaking kasalanan sa isang artist na tanggalin ang device na iyan? Matanong kita, miss, artist ka bang tunay? Kung oo, pwes, dapat mong matutunang ang isang modernong artist ay nangangailangan ng ARH device tulad ng pangangailangan niya sa isang paintbrush at pintura."

Sabi sa kaniya ni Marie Diamond ay nakatulong daw ang ARH sa pagguhit niya ng mga tao. "Hindi ako magaling gumuhit ng istruktura ng tao. Anatomy. Pero simula nang binigyan tayo ng ARH, parang..." Tumingala ito at itinitig ang mga matang kakulay ng ice cube sa puting kisame ng kanilang dorm room, "Parang... ewan ko... pa'no ko ba 'to malalarawan? Parang isang plastic bag ng ideya at mental picture ang biglang itinambak sa isip ko, at naguguhit ko ang mga ito. Parang kunektado ako sa isang data cloud ng talent at idea."

Kunektado. Iyon ang salitang hinahanap ni Ana mula nang binigyan sila ng ARH. Iyon ang salitang kanina niya pa inaapuhap mula nang pumasok sila kanina sa museong sinabi sa kanilang puntahan nila bilang immersion experience. Kunektado, sabi ni Ana sa sarili. Iyon din ang kaniyang pakiramdam mula nang ikinabit niya ang ARH sa port. Parang kumonekta ang kaniyang subconscious sa higanteng imbakan ng data, at sa tuwing guguhit siya ay, click, agad niyang maiguguhit ang nasa isip niya na para siyang nagbabakat ng isang magandang obra.

Pero bakit ako nakararamdam ng takot?, tanong niya sa kaniyang sarili. Bakit sa tuwing makikita niya ang patay-sinding pulang ilaw ng ARH ay nakikita niya ito bilang isang halimaw na naghihintay lamang ng kaniyang biktima? Kung siya ang tatanungi'y hindi siya komportableng nasa leeg ang plastic shell ng device na iyon.

Nagkalat ang mga likhang-sining sa museo na kanilang kinapapalooban—mga kwadrong neo-art sa pader, mga exhibit at iskultura sa sahig o sa dingding o sa kisame, at ilang mga visual spectacle na paulit-ulit na naglu-loop sa napakaraming screen ng hologram. Ang museong ito ay nagtatanghal ng mga neo-art, makabagong sining na ang karaniwang tema ay pagsasanib ng tao at teknolohiya, at gumagamit ng mga medium na di-tradisyunal, tulad ng virtual reality. Isa ang museong iyon sa napakaraming museo sa Polygon Street na ilang kalsada lang mula sa Fine Arts Institute.

Naglakad sina Ana at Marie sa tila walang-hanggang hallway ng museo, sa parte kung saan ang pinlights ay malamlam at ang pader ay puno ng mga digital rendering ng makabagong sining, gumagalaw na parang mga buhay na organismo, pabago-bago sa kanilang hugis, at nag-iiwan ng isang mensaheng malabo pa sa kalangitang nakukumutan ng smog. Napukaw ang atensyon ni Ana sa isang hologram screen. Naka-project dito ang isang diyosa, kawangis ng Highest Mother, sumasayaw nang mabagal sa isang paraang ethereal at puno ng kabanalan, pabago-bago ng kulay—rosas at asul, rosas at asul, rosas at asul, rosas at asul—at unti-unting nagbabago ng hugis. Napanganga si Ana sa kariktan nito, at ninais niya itong hawakan, ligaw sa isang misteryosong mundong puno ng kulay, tila lasing. Iniangat niya ang kamay at inilapit sa makulay na dibdib ng Highest Mother at...

"Hindi mo ba nakikita ang bakod sa bawat exhibit?," sabi ng isang galit na boses. Nagising si Ana sa kaniyang maiksing panaginip, lumingon, at nakita ang nakasimangot na mukha ng isa sa mga museum guide.

"Sorry," sabi ni Ana, nakatingin sa mababang bakod sa exhibit na iyon. Hinila niya si Marie at mabilis na lumabas ng museo, matingkad na sikat ng radioactive yellow ng araw ay sumalubong sa kanila.

"Naramdaman mo ba 'yon?"

"Ang alin?," tugon ni Marie.

"'Yung kakaibang pakiramdam kapag tumititig ka sa mga obra sa loob ng museo." Lumingon muli si Ana sa post-modern facade ng museo, naglalakad pabalik sa kanilang dormitoryo.

Ngumiti si Marie na parang isang inosenteng bata si Ana. "Hindi ka nakikinig sa lecture sa Art Theory, Aitana. Di ba sabi ni Professor Darwin, ultimate visual experience ang tawag sa ganoong pakiramdam o karanasan?"

Siguro nga hindi siya nakikinig ng lektura. Siguro'y abala siya sa pag-iisip ng mga bagay na tumatakip sa mga mahalagang bagay na dapat niyang pagtuunan ng pansin. Focus, Ana. Focus. Nainis siya sa sarili.

Nagpatuloy sa paliwanag si Marie, mahahabang binti'y malalaki ang hakbang sa matigas na kongkreto, nadadaanan ang napakaraming moderno, post-modern, at klasikal na mga arkitektura sa Polygon Street, at ang mga higanteng billboard na nagpapalabas ng mga walang-hanggang stream ng advertisements at governmental programs—Orange Delight commercial sa isa, mukha ni President Taranium Hartford pagkatapos, nagsasabing "Magandang hapon, Union."

"Isang katunayang napakaganda ng isang likhang-sining kapag nakararanas ka ng UVE o ultimate visual experience," paliwanag ni Marie. "Bagamat hindi pamilyar ang isang likhang-sining o di mo pa nakikita sa tanang buhay mo, mapupukaw nito ang atensyon mo at hihilahin ka papasok sa mundo nito, parang isang suriyalistikong panaginip. At 'yon, Ana, ang pruweba na ang isang sining ay napakaganda. Iyon ang hinahangad ng institute para sa ating mga estudyante, ang magkaroon ng mga likhang-sining na hihila sa mga tao papasok sa mundo nito, aakit sa mga tao, sabihin na nating..." Huminto si Marie sa paglalakad, sa tapat ng isang billboard na naglalabas ng isang Croco-Venus ad, nag-iisip ng salita. "be-brainwash sa makakakita nito."

"Brainwash?"

Nagpatuloy sa paglalakad si Marie, ang mahahabang binti'y nababalot ng knee-high socks na may asul na stripes. "Hindi naman brainwash mismo. Sabihin na nating magpapakalimot sa isang tao ng sarili niyang pangalan," sabi nito nakangiti. "Ganoon ang gusto kong magawang likhang-sining." Huminto muli ito, sa tapat ng isang museong may klasikong arkitektura, nakatingin sa kaniyang relo. "Nasaan na ba si Tamyka? Sabi niya kikitain niya tayo dito para sabay-sabay na tayong bumalik sa dorm."

Ang Polygon Street ay isang mataas na kalsada palusong sa mas mabababang kalsada sa Nexus District, at tanaw ni Ana ang kalipunan ng mga taong nagkakagulo sa tapat ng isang parisukat na gusali sa malayo. Mala-langgam ang laki ng mga tao, nagsisigawan, hawak ang mga karatulang di niya mabasa ang nakasulat.

"Tingnan mo." Tinuro niya ang mga tao sa malayo.

Pumalatak si Marie. "Halos araw-araw na lang yata ang demonstrasyon sa tapat ng Ministry of Money. Halika na, baka madamay pa tayo sa gulo." Hinila niya si Ana at naglakad papasok sa matataas na metal na gate ng Fine Arts Institute.

##

Dalawang araw ang nakalipas nang sabihin ng isang board member ng institute na si Miss Gwendolyn Jade, isang Vaxelian na babaeng may nakapusod na buhok na platinum at nakasuot palagi ng office skirt at office blouse na palaging magkapareha ng kulay—neon pink nung nakaraang araw, radioactive orange kahapon, cyanide blue ngayon—ang isang balitang nagpatili sa kalipunan ng mga estudyante ng Fine Arts Institute sa kanilang kinauupuan sa auditorium.

Umaalingawngaw ang boses ni Miss Jade sa makukulay na chrome wall ng auditorium habang ina-announce ang balita: "Isang collaboration sa pagitan ng I-Sky Entertainment at Fine Arts Institute ang magaganap, isang audio-visual art project na gagamitin sa gagawing humanitarian aid sa Zone 5. Sa susunod na linggo'y pupunta dito ang mga idol group na hawak ng I-Sky Entertainment para mag-shoot sa mga art installations na gagawin ninyo." Makinang na metal ang ngiti ni Gwendolyn Jade, tila platinum sa ilalim ng makulay na ilaw ng auditorium, tila sikat ng araw na nag-infect sa mga estudyante para sila'y ngumiti rin. "Kaya mayroon kayong ilang araw para gumawa ng art installations. Ito na ang panahon para makagawa ng mga obrang magdudulot ng UVE."

Ang tanging marinig ni Ana ay ang tilian ng mga fanboy at fangirl ng mga idol groups ng I-Sky Entertainment. Tumingin siya sa paligid. Kita niya ang mga pulang matang patay-sindi sa leeg ng mga tao. Tila parasitikong sumisipsip ng buhay.

OtherfolkWhere stories live. Discover now