14: Hindi pa Ngayon

29 7 15
                                    

 Hindi naman talaga malakas si Antorium Cinabryne, alam 'yan ni Ana. Kung mayroong taong pinakamahina at pinakanadadala ng kalungkutan sa paningin niya, iyon ang kaniyang ama. Isa siyang depressed na manginginom na napanawan ng pag-asa. Isang miserableng, walang kwentang taong gusto akong hawaan ng pagiging miserable niya. Ngayong nakaupo siya sa malambot na leather couch ng Green City General Hospital sa guest area at katapat ang isang widescreen TV na kanina pa nagpapalabas ng mga commercial, ay napagtanto niyang marahil ang dahilan kung bakit gustong wasakin ng kaniyang ama ang kaniyang mga pangarap na maging sikat na pintor ay dahil gusto nitong maging miserable din siya tulad niya. Napakasama niya. Napakawalang-kwenta niyang ama. Pag nagising siya, papatulugin ko ulit siya. Napansin niyang napakahigpit ng pagkakahawak niya sa silver locket ng litrato ng kaniyang ina, at binitawan niya ito. Huminga siya nang malalim at sinubukang bumalik sa realidad dahil kanina pa niya nais wasakin ang TV screen.

Sa likod ng kaniyang galit sa ama ay naroon ang awa, isang nagtatagong pagkahabag sa walang kwenta at miserableng pagkatao ng kaniyang ama. Sinira siya ng alkoholismo at depresyon, dahilan para hindi na siya makagawa pa ng mga obra. Dahilan para mawala ang spotlight sa kaniya sa pagiging sikat na pintor hindi lang sa Zone 2 kundi marahil sa buong Union. "Most influential socio-political painter," sabi ng mga newspaper at magazine clippings na nakatago sa drawer ni Antorium Cinabryne, na patagong binasa ni Ana noon. Tinatago niya pa rin ang daan-daang magagandang reviews sa drawer niya. Iyon siguro ang palatandaan na kahit sandali lang ay naging sikat siyang pintor. Sabi sa isang newspaper review ay si Antorium Cinabryne ang pinaka-maimpluwensyang pintor dahil sa kaniyang obrang "Convergence," na hanggang ngayo'y naka-display pa rin hindi lang sa mga hallway ng mayayamang tahanan kundi lalo na sa mga corporate offices at mga ahensya ng gobyerno—isang obrang nagbibigay ng inspirasyon at isang paalala na kahit anong pag-aaklas ang gagawin ninuman ay ang Central Government pa rin ang mananaig. Nakasulat naman sa Radiant Festival, ang elite art magazine, ang malalim na analysis ng bawat likha ng kaniyang ama, at sa kongklusyon ay sinabi nitong si Antorium Cinabryne ang "the most visionary painter Union has ever seen, perhaps surpassing his father Dotelion Cinabryne and his forefathers before him." Nakatago rin sa drawer ng kaniyang ama ang napakakapal na photo album ng napakaraming exhibit ng kaniyang mga painting at art installations, at sa ilang litrato ng kaniyang ama doo'y banaag ang tila walang-hanggan nitong kaligayahan dala ng kasikatan at kadakilaan. Pero ang lahat ng mga iyon—ang clippings, magazine reviews, mga litrato—ay nakatago sa drawer, kinain na ng amag at ang mga litrato'y discolored at amoy lumot, isang testimonyang ang kasikatan ay mabilis matapos. Isang araw ay nasa spotlight ka, sa susunod ay wala na. At isa pa, ang lahat ng mga nakatago sa drawer na iyon ay naganap bago makilala ng kaniyang ama ang kaniyang ina, noong binata pa ito at nasa rurok ng kabataan. Wala pa siya, si Aitana Cinabryne. Hindi niya maiwasang isiping siya ang nagdala ng downfall sa career ng kaniyang ama. Paano kaya kung hindi nakilala ni papa si mama? Marahil siya pa rin ang pinakasikat at maimpluwensyang pintor ngayon. Marahil matunog pa rin ang apelyidong Cinabryne. Hindi katulad ngayong ang mga nakasulat sa Radiant Festival magazine tungkol sa kaniyang ama'y batbat ng intriga at hindi magandang komentaryo.

Tila alam ni Palmera ang kaniyang iniisip. "Ma'am Ana, wag po kayo mag-alala, pag nagising si sir Antorium, uh... malay po ninyo bumalik na siya sa pagiging malikhain niya at magpinta ulit. May mga narinig po akong kaso ng ganyan dati, mga alcoholic na pagkatapos lumagapak sa lupa e nagigising sa katotohanan at bumabalik sa dating sila." Pawis na pawis si Palmera, ang kanilang katulong na Hossian, katabi niya sa hospital couch sa guest area.

Alam ni Ana na ang mga sinabi ni Palmera ay walang laman, isang pekeng pag-asa. Alam niyang siya ang magbabalik ng Cinabryne legacy. "Tumahimik ka, Palmera, alam nating hindi na mangyayari 'yan. Alcoholic si papa, mamamatay siyang miserable at alcoholic!" Napagtanto ni Ana na napalakas ang kaniyang boses nang mapansin ang mga taong nasa guest room at mga nurse na dumadaang nakatingin sa kaniya. Nahiya siya sa sarili. Anong nangyayari sa 'kin? Nagiging halimaw ako. Tulad ni Papa.

OtherfolkWhere stories live. Discover now