10.2: Fan

39 5 33
                                    


 Naunang lumabas ng itim na sasakyan si Joctan, sinundan ni Bryan, at nilang lahat na trainees. Nagsasalita mag-isa si Joctan, ang kaniyang lilang buhok ay tila kulay rosas sa ilalim ng maliwanag na araw. Nakahawak ang mahahabang daliri nito sa bandang tenga nito, may kinakausap. Alam ni Ion na kausap nito ang Commander sa micro communication device na nakakabit sa tenga nito. Si Joctan ang inatasang mamahala sa kanilang mga trainees sa misyong ito, habang ang Commander ay nasa headquarters, nakikinig at nanonood sa kanilang gagawin. Hindi alam ni Ion kung bakit hindi si Bryan ang inatasang mamahala sa misyon, samantalang ito ang second commander ng faction.

"Okay, guys, maging masaya tayo sa concert," sabi ni Joctan sa peke nitong ngiti.

Pinilit ngumiti ni Ion at magmukhang sabik. Hindi makakatulong sa kanila kung may makakahalata sa kanilang lihim na motibo sa concert na ito. Tulad nga ng sinabi ni Commander Kai sa kanilang orientation, "Maraming undercover government force ang ide-deploy sa concert, tulad ng ginagawa ng Central Government sa malalaking concert sa Union. Alam ng gobyernong may mga undercover agents tulad natin, na kontra sa kanilang mga ginagawa, pero hanggang ngayo'y hindi pa rin nila alam ang kahit anong bagay tungkol sa Black Spider o sa Kapatiran. Isa tayong lihim. Manatili tayong lihim."

Kaya heto sila, naghihiyawan at nagkukwentuhan na parang magbabarkada, naglalakad sa pekeng damuhan ng arena grounds, nakasuot ng undercover shirts na si Bryan mismo ang nagpagawa: rainbow-colored shirts na may nakasulat na B34ST BOYS sa harap, at sa likod ay ang salitang BAT4LL3ON, silver at kumikinang. BAT4LL3ON ang pangalan ng fanbase ng pinakasikat na idol boyband. Ang tanging naiiba sa kanila'y si Bryan, nakasuot ng peach-colored sweatshirt na may rose print at higanteng mukha ni Kuki sa harap, isang miyembro ng grupo na may buhok na kulay pink at maamong mukha. Ilang beses nang narinig ni Ion na si Kuki ang paboritong miyembro ni Bryan, at sinabing ito ang dahilan kung bakit kulay rosas ang kaniyang buhok. Hindi alam ni Ion kung seryoso si Bryan o nagpapaka-ironic.

Ang hangin sa paligid ng Rainbow Arena ay amoy kaligayahan, animo'y makulay. Ang buong lugar ay nilulukuban ng kakaibang radiant atmosphere ng radioactive na kaligayahan na mukhang artipisyal. Maririnig ang masiglang electronic music sa lahat ng parte ng arena grounds, at sa sidewalk ay nagkalat ang mga tindahan ng makukulay na B34ST BOYS merchandise. Katabi nito ang mga hile-hilerang fast food chain at consumerist brands. Whacko Burger. Aloe Cola. Sa ibabaw nga ng bubong ng isang tindaha'y isang higanteng billboard na nagsasabing Sponsored by Orange Delight. Amoy konsyumerismo ang hangin, amoy plastik, amoy neon, amoy manufactured food. At sa paligid nila, ang daan-daang—hindi, libu-libong—mga taong may nakaplaster na ngiti sa kanilang mga labi, abot-tenga, di-magkamayaw, nagwawala sa concert na ilang oras na lang ay magsisimula na. Karamihan sa kanila'y mga babaeng nasa edad 12 hanggang 20. Sa unahan, ang Rainbow Arena ay isang templo ng radioactive colors, naiilawan ng banal na araw sa itaas at ng bahagharing kulay ng spotlights.

Habang naglalakad ay napatingin si Ion sa napakaraming grupo sa paligid, masaya, ngunit napukaw ang atensyon niya sa iilang mga matatangkad na kalalakihang may malalaking katawan, casual ang kasuotan. Hiwa-hiwalay ang kanilang kinaroroonan (sa tabi ng naghihiyawang grupo ng kababaihan, sa tabi ng lalaking fan na bumibili ng merchandise, ngumunguya ng Whacko Burger sa patio ng naturang fast food, sa ilalim ng artificial tree, nakasandal sa isang higanteng billboard), ngunit di maiwasang mapansin ni Ion na pare-pareho sila ng ekspresyon. Malamig ang kanilang ekspresyon, patingin-tingin sa paligid, tila nagmamasid. Kahit magkakahiwalay sila at animo'y di magkakakilala, alam ni Ion na magkakakilala sila. Undercover government force, naisip ni Ion. Binalaan sila ng Commander na maging mapagmasid sa mga matatangkad na lalaking may malalamig na tingin at kakaibang kilos. "Dineploy sila para pigilan ang sinumang pipigil sa plano ng gobyerno. Lagi silang nandiyan, nagmamasid," sabi ng Commander sa orientation. Tumingin ang isang lalaki kay Ion, malalamig na titig na tila bumabaon sa kaniyang noo. Alam kaya niya?, di niya maiwasang isipin. Sinubukan niyang magmukhang normal at ngumiti, at sundan ang grupo tungo sa arena.

OtherfolkWhere stories live. Discover now