8: Manipulasyon

38 7 31
                                    

 Nakatayo si Ion, naghihintay. Puno ng basura ang platform ng Metro Station 5A—nagkalat ang mga plastik, lata ng inumin, mga balat ng candy. Isa iyon sa mga katangiang ayaw niya sa mga Hossian; kawalan ng disiplina. Kahit saan sa Zone 5 ay di mawawala ang mga nagkalat na basura, at di niya lubos maisip kung may pag-asa pa bang matutong magtapon ang mga kalahi niya sa tamang tapunan ng basura. Di na 'ko nagtataka kung bakit basura ang tingin sa 'min ng Union, isip niya. Makintab ang sahig ng platform sa ilalim ng liwanag ng umaga. Pansin niyang hindi na gaano dumadalas ang smog nitong nagdaang mga araw.

Karamihan sa paligid niya'y mga kababayan niyang Hossian, patungo sa kani-kanilang mga destinasyon palabas ng Zone 5: mga stay-out na katulong na nangangamuhan sa mayayamang opisina't tahanan, mga mag-aaral na tulad niyang papasok sa eskwela, at ang isa o dalawang Hossian na maayos ang damit, naka-office uniform. Nakaramdam ng inggit at pag-asa si Ion. Balang araw magiging ganoon din ako. Pag nakatapos ako ng pag-aaral. Aahon ako. May dahilan kung bakit siya nag-aaral, at kahit alam niyang manipis ang tiyansa ng mga Hossian para magkaroon ng white-collar jobs, alam niyang magandang sandata ang edukasyon. Sa makapal na Hossian ay ang mangilan-ngilang mga Vaxelian, Florian, Sekian, na halatang di masaya sa disorder at kalat ng Station 5A. Sa mga istasyon kasi sa ibang zone ay maayos ang platform, may order, at marunong sumunod ang mga tao sa pila. Sadyang di na talaga maaalis ang pagiging magulo't kawalan ng disiplina ng mga Hossian, isip ni Ion.

Umugong ang tiles na tinutungtungan ni Ion. Paparating na ang tren. Ilang segundo pa'y sumulpot ito sa harapan ng platform, kasabay ang isang nakangingilong tunog ng bakal sa bakal habang humihinto ito. Bumukas ang mga pinto ng tren at lumabas ang mga Hossian na galing sa ibang zone, ang ila'y night-shift na janitor sa mga kumpanya sa Zone 1. Kasabay ng paglabas ng mga katawa'y pagpasok ng mas maraming katawan sa masikip na bagon.

7:35, sabi ng digital clock sa taas ng automatic door ng bagon. Baka ma-late ako, pangamba ni Ion. Iyon ang dahilan kung bakit siya sumakay ng Metro. Tinanghali siya ng gising dahil 3:00 na siya umuwi galing sa funeral ng kaniyang kuya. Siya lang ang bukod-tanging umuwi; ang kaniyang ina at ang kaniyang mga kapatid at ang mga dumalo'y nanatili, magdamag upang alalahanin ang namayapa. Karaniwang omnibus ang sinasakyan ni Ion, ngunit ngayong late siya'y sa Metro siya sumakay. Mabilis ito, kahit na ilang beses nang naranasan ni Ion ang pagtirik nito sa gitna ng riles, dahilan para lumabas ang mga pasahero't maglakad sa riles tungo sa susunod na istasyon. Ngayo'y makikipagsapalaran muli siya. 'Wag kang tumirik, 'wag kang tumirik, sabi niya dito, paulit-ulit, isang dasal.

'Wag kang tumirik.

Umugong ang tren, nag-vibrate ang sahig, napuno ng static lines ang digital clock, habang si Ion ay nakatayo't naiipit sa dalawang matangkad na Hossian construction worker na may maasim na amoy at bawang na hininga, habang ang karamihan ng pasahero'y may kani-kaniyang mundo, tutok sa mga digital window, smartphones. Naliliwanagan ng malamlam na ilaw ang kanilang mga mukha. Para silang mga robot, isip ni Ion. Mga robot na alipin ng teknolohiya. May mangilan-ngilang nakasuot ng VR headset, nakasaksak sa kanilang port, nananaginip nang gising, naglalakbay sa virtual.

Sa buong biyahe ng Metro train ay ganoon ang pusisyon ni Ion, at ngawit ang kaniyang mga binti paglabas niya ng tren, tungo sa makintab at malinis na Station 1C sa Zone 1. Lubos ang pasalamat niya't di tumirik ang tren. 7:50, nakasulat sa isang higanteng billboard ng Whacko Burger sa bukana ng escalator pababa. May sampung minuto pa siyang nalalabi para sa unang subject.

Sumakay siya sa napakahabang escalator na iyon, mga higanteng electro-billboard advertisement ay nakapaskil kahit saan, nagbibigay ng malamlam na ilaw dahilan upang ang buong Station 1C ay maging tila isang lugar ng sumasayaw na neon at kulay, sa pagpapalit-palit ng advertisements—isang infinite commercial stream. Whacko Burger. Aloe Cola. Phoenix Phone. Ferraro Ltd. Fenclyne Corp. Double B Construction. BlackRed Electronics. Croco-Venus. Lady Beau Cosmetics. Body Shop. Body Shop. Body Shop.

OtherfolkTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang