"Alam mo 'te, pwede kang mag-extra sa Club." Biglang suhestiyon ni Charity.

Kumunot naman ang noo ni Brae dahil sa pagsambit nito sa salitang extra.

Nakuha naman agad ni Charity kung ano ang pinapatungkulan ng ekspresyon ng mukha ni Brae, kaya't mabilis niya itong sinagot, "Loka! Hindi ekstrang kagaya nang ginagawa ng mga entertainer noh. Extra... As in extra sa club bilang singer."

Sandaling napaisip si Brae sa sinabing iyon ni Charity, ngunit alam niya na kaakibat no'n ay haharap siya sa mga customer doon. Kaya naman mabilis niya itong tinanggihan.

"H'wag na Cha, mahirap 'yon."

"Gaga! Akala ko ba gusto mong makaipon ng pera, nang mas mabilis?" Pagtatanong pa ni Charity.

"Oo nga kaya lang..."

Hindi na natapos ni Brae ang kanyang sasabihin nang biglang magsalitang muli ang kanyang kaibigan, "Oh 'yon naman pala eh, h'wag ka mag-alala sasabihin ko mamaya kay Mamang Dyosa na mag-eextra ka." Masiglang sambit nito saka ipinalakpak ang kanyang mga kamay na animo'y sabik na sa mangyayari mamaya.

Nagkibit-balikat na lamang si Brae saka nagpatuloy sa kanyang ginagawa.

Kinagabihan, maagang dumating sina Brae at Charity sa Heaven's Club. Sinabi na rin ng dalagang si Charity ang tungkol sa talento ni Brae at natuwa naman si Mamang Dyosa sa balitang iyon.

"Tamang-tama, mamaya pwede ka nang mag-umpisa sa pagkanta," Nakangiting sambit nito sa dalaga. "Ako na'ng bahalang magsabi kay Manager, hindi kasi siya pupunta rito ngayong gabi."

"Maraming Salamat po Mamang." Nahihiyang sambit ni Brae rito.

"Wala 'yon Maiden, basta galingan mo mamaya ha?" Maarteng saad nito saka hinawakan ang kamay ng dalaga. "Kapag nagustuhan ka ng mga customer, tiyak na bibigyan ka nila ng tip."

"Ay nako Mamang, ako na'ng nagsasabi sa'yo, magaling 'yang manok ko." Nakangising bungad ni Charity sa dalawa.

"Very good." Sagot naman ni Mamang Dyosa.

Nag-umpisa nang magsipasukan ang mga parokyano sa Club at unti-unti na ring napupuno ang mga bakanteng silya sa harap ng entablado. Kabadong pinagmamasdan lang ni Brae ang mga tao habang nakasilip sa backstage. Hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin upang mapahupa ang bilis ng pagkabog ng kanyang dibdib. Sanay naman siyang humarap sa mga tao, ngunit sa pagkakataong ito ay ibang entablado na ang kanyang pagkakantahan. At hindi lang basta entablado, dahil karamihan sa mga manonood sa kanya'y puro kalalakihan.

Nasa ganoong sitwasyin si Brae nang biglang may nagsalita sa kanyang likuran, "Maiden, ready ka na ba?" Bungad sa kanya ni Mamang Dyosa.

"O-opo." Nauutal naman niyang sagot, habang nakatingin pa rin sa mga parokyano sa harap ng entablado.

"Ayos ka lang ba? You look tense..." Biglang saad ni Mamang Dyosa, dahil sa kaba na bumabalot ngayon sa aura ng dalaga.

"O-okay lang po ako Mamang." Sagot naman ni Brae nang tuluyan niyang harapin ito.

"Sige, pupunta na ako sa harap. Ilang minuto na lang magsisimula na ang number mo." Tapik balikat na saad ni Mamang Dyosa saka tinungo ang nakatoka sa sound system, para ipaalam na magsisimula na ang pagtatanghal ni Brae. Ilang minuto lang ang lumipas ay nagsimula nang mamatay ang mga ilaw sa buong paligid.


Naked Heart ✔️ (Published under PSICOM)Where stories live. Discover now