Nagising si Hyde mula sa kanyang panaginip nang makaramdam ng sakit sa kanyang ulo. Nagmulat siya ng mata saka dinama ang ulo na tumama sa salamin ng kotse na sinasakyan nila. Mukhang nauntog pa siya sa bintana ng kotse dala ng sobrang emosyon mula sa kanyang panaginip.

"Anong nangyari?" Tanong niya sa mga kasama. Lahat nakatingin sa kanya maliban sa kanilang driver. Kung tingnan siya ng mga ito ay parang may ginawa siyang kakaiba. "Ano?" Ulit niya.

"Sorry." Ani Judy.

"Bakit ka nagso-sorry?" Naguguluhan niyang tanong.

"Tinulak ka lang naman kasi niya kaya ka nauntog at nagising." Singit ni Lisa.

"Bakit?"

"Sorry talaga, Hyde. Tinulak kita kasi parang binabangungot ka. Umuungol ka na parang may nangyayari sa 'yong masama sa panaginip mo." Paliwanag nito.

Natahimik siya. Hindi siya nagpaliwanag sa mga ito. "Okay lang." Aniya saka inilayo ang paningin. Bumaling siya sa labas. Lihim siyang napabuntung-hininga. Bangungot? Bangungot nga bang matatawag ang panaginip niya? Siguro. Pero hindi naman niya pwedeng ikonsidera na bangungot iyon. Ibang senaryo ngunit may pagkakatulad sa panaginip niya kahapon. Ilang beses na siyang nanaginip ng ganoon. Ilang beses na hindi niya mabilang. What he dreamt about was the thing happened to him between the two important person in his life. Dalawang tao na dahilan ng hindi niya pagmo-move on mula sa nakaraan. Dalawang tao na kailangan niyang nakita para mabigyan ng katapusan ang nakaraan at makahingi ng kapatawaran. Ngunit ang panaginip niya ngayon ay tila nagbibigay sa kanya ng kakaibang emosyon kahit na kinokonsidera niya na may pagkabangungot iyon. Noon pa man -- nang malayo siya sa mga ito -- ay alam na niya kung sino ang tinitibok ng puso niya at sa panaginip na iyon ay tila mas naging konkreto iyon pero hindi niya pwedeng balewalain ang katotohanan na may nasaktan siya sa mga nangyari.

"Ano ba ang panaginip mo?" Usisa ni Lisa. Nasa pagitan nilang dalawa si Judy na wala pa ring imik. Iniisip pa yata ang ginawa nitong pagtulak sa kanya na dahilan ng pagkakauntog niya.

"Masamang panaginip." Tipid niyang sagot. Pero nagbigay sa akin ng kapanatagan. Dugtong niya sa isipan.

"Ano ba 'yon?"

"'Wag na nating pag-usapan," paiwas niyang sagot.

"Ikaw ang bahala."

Hindi na nangulit pa si Lisa na ikinahinga niya nang maluwang. Ipinikit niya ang mata at sumandal sa upuan. Matagal pa bago sila makarating sa resort kaya matutulog na muna ulit siya.

Ilang oras ang dumaan nakarating na rin sa kanilang destinasyon ang sasakyan nila Hyde. Isa siya sa mga naunang bumaba at agad na nagtungo sa kwartong nakalaan para sa kanya. Nagpalit muna siya ng damit bago dumulog sa mga kasamahan para kumain ng pananghalian sa restaurant ng resort. Gustuhin man niyang matulog muna ay hindi niya ginawa. Kakain muna siya para magkalaman ang kanyang sikmura. Habang patungo sa kinaroroonan ng mga kasamahan napansin niya ang paghinto ng isang sasakyan sa parking lot ng resort. Nawala lang ang pansin niya doon ng kalabitin siya ni Drake.

"Nandito ka lang pala kanina pa kita hinahanap."

"Bakit naman?" Tanong niya rito.

"Para sabay na tayong dalawa papunta sa mga kasamahan natin." Anito. "Sayang nga lang at hindi tayo nagkasabay papunta rito sa resort," dugtong nito.

"Pasensya ka at nasira ang sasakyan ng kaibigan mo," sabi niya.

Napabuntung-hininga na lamang ito. "Pasensya na talaga ako," pagsang-ayon nito.

Dapat talaga ay kay Drake siya sasabay papunta sa resort ngunit hindi na iyon nangyari dahil nasira ang hiniram nitong sasakyan sa kaibigan nito. Sobra nga itong nanghihinayang kagabi ng tawagan siya. Ang mas nagpalala pa hindi rin nasunod ang kagustuhan nito na magkatabi sila sa service van nila dahil sa isang sasakyan ito sumakay dahil wala ng espasyo sa sinakyan niya.

String from the Heart Book TwoWhere stories live. Discover now