Huminga ako ng malalim. "Nasaan na ba ang mama mo?" tanong ko.

Siya naman ang nag-iwas ng tingin sakin. "Nasa asylum siya. Nawalan siya ng bait simula nang mamatay ang Ate ko,"

Nanlaki ang mga mata ko. "P-patay na ang kapatid mo?"

Tumango siya. "Oo, nagpakamatay siya... Walang nakakaalam kung bakit..." pagkasabi n'ya ay bumalik ang tingin niya sakin.

"Sorry," malungkot kong sabi. Sandaling nabalot ng katahimikan ang paligid naming dalawa. Huminga ulit ng malalim at nagsalita. "Anak rin ni President Veloso ang Ate mo?" tanong ko.

Umiling siya. "Hindi," sagot niya. "Anak siya ng mama ko sa ibang lalaki..."

"Sa ibang lalaki?"

Tumango siya. "Medyo hindi kasi maganda ang imahe ng mama ko no'n..."

Inimpit ko ang labi ko. "Sorry kung pinilit pa kitang ikuwento sakin ang totoo mong buhay... Hayaan mo, hindi ko naman ipagsasabi..."

"Ipagsabi mo man o hindi, okay na sakin," sabi niya. "Kasi nasabi ko naman lahat ng gusto kong ipaalam sa taong gusto kong malaman ang totoong buhay ko..."

Napalunok ako sa sinabi niyang 'yon. Hindi ko mapigilang bigyan ng iba pang kahulugan ang sinabi niya. Napatigil kami sa paglalakad. Biglang nanlaki ang mga mata niya na nakatingin sa likuran ko.

"Tamang-tama!" hiyaw niya.

Lumingon ako at nakita ang isang bench. Inalalayan ako ni Adam palapit do'n saka pinaupo. "Maupo ka na muna d'yan, kukuhanin ko 'yong kotse... Masyado ng gabi..." sabi niya.

"Teka lang," pagpigil ko sa kanya. Nilibot ko ang tingin ko sa buong paligid. Madilim at wala masyadong tao kaya nagdadalawang isip akong magpaiwan. "Sama na lang kaya ako? Para derecho alis na tayo..."

Ngumiti si Adam. "Malayo ang pinag-park-an natin dito, remember?" sabi niya.

Huminga ako ng malalim at naisip na tama ang sinabi niya. "S-sige, hihintayin na lang kita dito..." sabi ko.

"Sige," sabi niya at naglakad na palayo sakin.

Huminga ako ulit ng malalim. Inalis ang tingin kay Adam na naglalakad palayo para kuhanin ang kotse at inisip ang mga nalaman ko mula sa kanya.

Hindi ko alam pero ang pakiramdam ko sa mga kinuwento ni Adam ay duda... Bakit ako nagdududa? May dahilan ba para pagdudahan ko ang nakaraan niya?

Napaangat ako ng tingin ng may bigla akong makita na parang dumaan sa harapan ko. Nagpabalik-balik ang tingin ko sa kaliwa at kanan ko para silipin kung may dumaan nga ba pero nabigo ako dahil wala naman akong nakita.

Tumingin ako ng deretso at laking gulat ng may makitang babae na nakatayo sa kalsada, di kalayuan sa kinauupuan ko. Kumunot ang noo ko at dahan-dahang napatayo.

Maliliit na hakbang ang ginawa ko palapit doon sa babae pero napatigil ako nang may dumaang truck. Napahawak ako sa dibdib ko sa pag-aakalang nasagasaan ito.

Tumakbo ako palapit sa kalsada at agad na tiningnan kung nasaan ang babae pero wala akong nakitang katawan o bangkay ng isang babae.

Nanlaki ang mga mata ko nang may maramdaman akong parang nakatayo sa likuran ko. Bumilis ang paghinga ko nang unti-unti kong maramdaman na may kamay na bumabalot sa leeg ko.

"Ngayong alam mo na ang istorya, alamin mo naman ang dahilan kung bakit nangyayari ang lahat ng 'to..." bumulong sa tainga ko ang isang boses.

Mas lalong nanlaki ang mga mata ko dahil sa isang ulo na unti-unting nagpapakita sa may harapan ko. Literal na tumigil ang paghinga ko nang makita ng lubos ang mukha nito.

"Aya!"

Hindi na ako nakagalaw, ni hindi ko na nalingon pa ang tumawag sakin dahil nagdilim na ang paningin ko.

***

Nagising ako nasa loob ako ng isang kotse. Nakita ko si Adam na nagda-drive at napalingon sa gawi ko pero binalik rin naman ang tingin sa daan. Umayos ako ng upo at napahawak sa noo ko dahil sa pagkirot nito.

"Anong nangyari?" tanong ko.

"Bigla ka na lang hinimatay nung iwan kita sa park..." sagot niya.

"S-saan tayo pupunta?"

"Sa bahay niyo..." sabi niya. Tumango ako at huminga ng malalim.

Bakit wala na akong maalalang nangyari pagkatapos naming maglakad sa park?

Ilang sandali ang nakalipas, nakarating rin kami sa bahay ko. Pinark niya ang sasakyan sa tapat ng bahay namin. "Salamat, Adam, sa dinner..." sabi ko, nakangiti.

Ngumiti si Adam nang sabihin ko 'yon. "It's always been my pleasure..." sabi niya.

Bababa na sana ako ng kotse niya nang bigla niyang hawakan ang kamay ko. Nagulat ako sa ginawa niya dahilan para mapatingin ako rito at mapalunok.

Babawiin ko sana ang kamay ko kaya lang ay hinigpitan niya ang hawak rito. "A-adam..."

"Aya, mahal kita..." sabi niya na nakapagpabilog sa mga mata ko.

n

Death MailWhere stories live. Discover now