27th Mail

2.1K 62 2
                                    

Lumipas ang mga araw, wala ako sa sarili ko dahil sa mga nangyari. Dumating ang Sabado, tanghali na pero nakahiga pa rin ako sa kama ko.

"Aya?"

Narinig ko ang boses ni mama pagkatapos marinig ang tatlong katok sa pinto. Hindi ko ito nilingon pero sumagot ako. "Po?"

"May naghahanap sa'yo..." sabi niya.

"Pakisabi na lang po tulog ako..." sabi ko.

"Boss mo daw,"

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ni mama. Napaupo ako ng ayos at nilingon siya. "B-boss ko? A-ano daw ginagawa niya dito?"

Nagkibit-balikat si mama. "Kailangan ka lang daw niyang makausap,"

Huminga ako ng malalim at napilitang tumayo. "Pakisabi ho, bababa na ako," sabi ko.

Tumango si mama at lumabas ng kwarto ko. Nag-ayos ako ng sarili ko. Ano ba kasing ginagawa ng Adam na 'yan dito sa pamamahay ko?

Ilang sandali ang lumipas, nakapag-ayos na ako kaya bumaba na ako. Agad kong nakita sa sala si Adam na nakaupo mag-isa sa mahabang sofa namin. Si mama at papa ay nasa pangdalawahang sofa at si Jonas naman ay nasa kabilang sofa na nakaharap kina mama.

Naglikha ng ingay ang mga yapak ko pababa kaya napatingin silang lahat sa hagdanan. "Ma, Pa, ako na po dito," sabi ko.

Nagkatinginan sila mama, papa at Jonas bago umalis at hayaan kaming dalawa ni Adam sa sala. Pumunta silang tatlo sa may kusina at alam ko ang binabalak nila.

Balak nilang makinig sa usapan namin!

"Ano pong ginagawa niyo dito, Sir?" tanong ko. Kailangan kong maging pormal dahil alam kong nakikinig sila mama sa may kusina.

"Aya—"

Pinutol ko ang sasabihin niya dahil alam ko na naman ang gusto niyang ipaalam sakin. "Ano po 'yun, Sir?" tanong ko at umupo sa pangdalawahang sofa.

Nanlaki ang mga mata ni Adam. Ilang segundo ang lumipas, naintindihan niya rin naman ang gusto kong sabihin. "Aya, gusto sana kitang ayain kumain sa labas..." sabi niya.

Ako naman ang nanlaki ang mga mata. Seryoso ba siya? "A-ano po?"

"Aya, 'yung una nating kain sa labas ay pang-magkaibigan lang na lunch..." sabi niya. "Ang gusto ko ngayon, mag-date tayo..."

Mas lalong nanlaki ang mga mata ko. Ano ba 'tong mga sinasabi ni Adam?

Magsasalita pa sana ako kaya lang ay natigilan ako dahil tumingin si Adam sa may kusina namin at ngumiti. Lumingon ako at nakita sila mama na nagtago pa. Napapikit muna ako bago lumingon ulit kay Adam.

"So, payag ka ba?" tanong niya.

"Sige na, pumayag ka na, Julianna..." boses iyon ni mama.

"Iuuwi mo ng maaga ang Aya naming, huh?" boses naman ni papa.

"Yieee! Si ate Aya! Lumalab-layp na!" boses naman ni Jonas.

Huminga ako ng malalim at pakiramdam ko'y ang lahat ng dugo na dumadaloy sa katawan ko ay umakyat at naipon lahat sa mukha ko, partikular na sa may bahaging magkabilang pisngi.

"Okay sa pamilya mo," sabi ni Adam, nananatili ang ngiti sa mukha. "Sayo, okay lang din ba?"

Tumango ako. "Kailan ba 'yan at anong oras?"

Mas lalong lumapad ang ngiti ni Adam. "Mamayang gabi. Susunduin kita..." sabi niya.

***

"Aya, nandito na ang boss mo!" sabi ni mama sa baba.

Kinuha ko ang maliit na purse ko at bumaba na. Hindi naman ako palaayos kaya hindi na ako nag-abalang mag-ayos pa. Simpleng bestida lang ang suot ko na tinernuhan ko ng make-up na hindi gaanong makapal at nakakaagaw ng pansin.

Nakangisi si Adam sakin habang bumababa ako. Lumapit siya sa may dulo ng hagdan at inalalayan ako.

Ngumiti ako sa pinakita niyang pagiging isang gentleman. "Thank you," sabi ko.

"You're beautiful," sabi niya.

Naglakad kami palabas ng bahay, hinatid pa kami nina mama at papa. "Ako na pong bahala sa unica hija ninyo..." sabi ni Adam.

Ngumiti sila mama at papa sa sinabing 'yon ni Adam. Napailing ako at nasabi sa sarili ko na bentang-benta sa mga magulang ko si Adam...

Pinagbuksan ako ni Adam ng pintuan ng kotse niya at sumakay na ako. Umikot naman si Adam sa harapan ng kotse niya para makasakay sa loob. "You ready?" tanong niya. Tumango ako ng nakangiti.

***

Medyo traffic kaya napatagal ang byahe namin ni Adam papunta sa restaurant kung saan kami kakain ng dinner.

"Napansin kong parang wala ka sa sarili mo nung mga nakaraang araw," biglang nagsalita si Adam sa kalagitnaan ng traffic.

Nilingon ko siya at hinintay ang susunod pang sasabihin. Tumingin siya sakin dahil nakatigil ang lahat ng sasakyan. "Bakit?" tanong niya.

Huminga ako ng malalim. "Stressed..." sabi ko.

Tumawa siya. Binalik niya ang tingin sa daan nang umandar ang lahat ng sasakyan, pinaandar niya rin iyong kanya. Pero natigil ulit kami sa pag-andar at do'n lang ulit siya nagsalita.

"Stressed kasi ako ang boss mo at marami akong pinapagawa sa opisina?" tanong niya.

Umiling ako. "Nope," sabi ko. "Stressed kasi may mga bagay akong nakikita na hindi naman dapat nakikita ng isang tao..."

Ngumiti si Adam at binalik ang tingin sa daan nang umusad ng kaunti ang traffic. "Like what?"

Inalis ko sa kanya ang tingin ko. Tumingin ako sa daan at laking gulat ng makitang may nakasilip sa may back seat ng kotse na nasa harapan lang ng kotse ni Adam.

Nahalata siguro ni Adam ang pagkagulat ko ko kaya agad siyang nagtanong. "Aya? Bakit? Anong nangyayari sa'yo?"

Tiningnan ko si Adam pero binalik rin agad ang tingin do'n sa kotse kung saan may nakita akong nakasilip. Nanlaki ang mga mata ko nang mawala ito bigla.

Napalunok ako. "W-wala..."

nw10W

Death MailTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon