Napahinto naman si Chris at tiningnan ng malamig si Eugena.

"Kumain ka na ba, Hon?" tanong ni Eugena sa tono na malambing.

Pagtango lang ang isinagot ni Chris sa asawa. Mahigit dalawang taon na silang kasal ngunit hindi pa rin maganda ang pakikitungo niya rito. Aminado si Chris na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makausad mula sa nakaraan.

"Oo nga pala, nagawa ko na iyong report mo. Check mo na lang kung may mali," pagpapa-alam ni Eugena.

Tumango-tango na lamang si Chris.

Napangiti si Eugena. Hindi maitatanggi sa kanya na masaya pa rin siya sa kabila nang hindi magandang pakikitungo sa kanya ni Chris. Simula nang ikasal sila, mas lalong nagbago ang pakikitungo ni Chris sa kanya pero wala na siyang pakiealam dahil ang mapasakanya ito ay sobra-sobra na para sa kanya.

"Aakyat na ako," malamig na pagpapaalam ni Chris kay Eugena.

Ngumiti lalo si Eugena saka tumango-tango. Bahagya pang nagulat si Chris nang halikan siya ni Eugena sa labi bago siya bigyan ng daraanan paakyat.

Mabagal na napailing-iling na lamang si Chris pagkalagpas niya kay Eugena. Humugot rin siya ng malalim na hininga para mapakalma ang loob na nagsisimula na namang kumulo dahil sa asawa.

Itinuring ni Chris na impyerno ang kinasasadlakan niya ngayon ngunit wala naman siyang magawa para makalabas rito. Kung si Eugena ay masaya na kasal silang dalawa, kabaligtaran naman ang nararamdaman ni Chris.

Iniisip na lamang ni Chris na para sa kumpanya kaya siya nagtitiis ng ganito. Sa pagiging mag-asawa nila ni Eugena, mas lalong lumakas ang mga kumpanya ng magulang nila na maituturing niyang kabutihang dulot ng impyernong sinuong niya.

Muling huminto si Chris. Nasa itaas na baitang na siya. Naisip niya si Carie, ang babaeng mahal pa rin niya hanggang ngayon. Hindi niya maikakaila na miss na niya ito. Gusto na rin niyang makita ang anak nilang dalawa.

Nakasunod naman ang tingin ni Eugena sa asawa na muli nang naglakad.

"Hinding-hindi kita susukuan Chris. Darating din ang araw na mamahalin mo rin ako ng higit pa sa nararamdaman mo para sa kanya," madiin na salita niya sa hangin.

Nang mawala na si Chris sa paningin ni Eugena ay saka na siya tuluyang bumaba ng hagdan.

---

"Ayan! Perfection!" natutuwang sambit ni Shone ng matapos nitong ayusin ang buhok ni Carie.

Napangiti naman si Carie habang nakatingin sa sariling repleksyon sa salamin na nasa harapan nila.

"Ano? Nagustuhan mo ba ang ayos ko sayo?" nangingiting tanong ni Shone kay Carie.

Marahang tumango-tango si Carie. Nagustuhan niya ang ayos sa kanya ni Shone.

"Ang ganda! Baklang Pilipino ka nga talaga," pagbibiro niya. Ang galing naman kasi ni Shone pagdating sa pag-aayos ng buhok at pagme-make up. Baklang-bakla sa kilos si Shone kapag kasama si Carie pero lalaking-lalaki pumorma at manamit.

"Sira ka talagang babae ka! Gusto mo bang mag-away tayo dito sa loob ng condo mo?" mataray na tanong nito.

Natawa na lamang si Carie sa sinabi ni Shone. Naalala niya 'yung unang beses na nagtagpo ang landas nilang dalawa dito sa US. Nag-away sila sa isang salon noon dahil sinabihan niya itong pangit kahit may itsura naman si Shone. Akala nga niya ay hindi siya nito maiintindihan pero biglang naging leon ang bakla at inaway at inokray-okray siya. Doon niya nalaman na kapwa Pilipino pala niya ito. Habang nag-aaway nga sila, pinagtitinginan sila ng ibang mga customer at staff ng salon na mga American kasi hindi sila maintindihan. Tagalog ba naman sila magbangayan.

The Playgirl's Tale (Romance, Drama) - FINजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें