Kabanata 26

5 1 1
                                    

Inaya ko si Seok na gumawa ng tao gamit nag niyebe at hindi naman ito humindi. Sinamahan ako nito dahilan para maagaw namin ang atensiyon ng mga dumadaan at maski ng mga mamamayan na nasa mga bahay nila. Parang kagaya rin noong kasama ko si Gin-hoo. Marahil ay bago sa mga tao na makita ang mga prinsipe na gumagawa ng mga bagay na iyon.

Matapos maglaro ay bumalik ako sa kusina para humingi ng makakain pero sumama naman din sa akin si Seok na hinayaan ko na lang din. Pagdating namin ay tiyempong gumagawa ng mochi ang mga tagaluto kaya nanood naman kami ni Seok habang kumakain ng tinapay.

Madali itong maging kaibigan at masaya rin itong maging kaibigan. Masaya itong kasama at ika'y sasabayan niya talaga sa mga gusto mong gawin. Hindi ka rin malulungkot kapag siya ang kasama mo dahil palagi talaga itong nakangiti ng matamis sa iyo. Ang ganda pa naman ng kaniyang mga ngiti. Kumikinang talaga ang mga mata niya kapag masaya siya.

May dalawang lalaki na pumapalo sa masa habang may isa naman na mabilis na nagbabaliktad at naghahalo ng masa.

"Nakakapagod din pala ang proseso ng paggawa ng pagkain na ito." Saad ni Seok habang masusing tinitingnan ang kulay-rosas na mochi na kakatapos lang na paikotin sa harina. May mga nagawa na at ang ilan ay hawak na namin ni Seok.

"Ang gandang tingnan." Sabi ko habang nakatingin sa kulay berde na mochi na hawak ko.

"At mas masarap kainin."

Nilingon ko ito at napasinghap na lamang nang makitang may bawas na ang kaniya at may nginunuya na siya. "Akala ko ba sabay nating kakainin?" Tanong ko habang hindi makapaniwalang nakatingin sa kaniya.

"Pasensiya na, Sin. Paborito ko ito." Dahilan nito at isinubo ang natitirang nasa kamay niya saka kumuha ng panibago.

Agad ko namang kinain ang akin at napalabi na lamang habang pinaningkitan ito ng mata. Tinawanan lang naman ako nito at nagpatuloy sa pagkain.

Malambot ito at masarap. May palaman din ito sa loob na iba-iba rin pero mayroon din namang walang palaman.

"Anong palaman ng iyo, Seok?" Tanong ko sa katabi.

"Crema. Ano yung sa iyo?" Nilingon ako nito at tiningnan ang palaman ng akin.

"Tsokolate." Masayang sagot ko at isinubo iyon saka kumuha ng panibago.

Matapos na gumawa ang mga tagapagluto ay inutusan namin ang mga ito na magpahinga. Inaya ko rin ang mga ito na sabayan kaming kumain pero hindi sila pumayag dahil hindi raw sila puwede na sumabay sa amin at isa pa ay nakakain na raw sila ng tinapay bago pa kami dumating dahil binigyan sila ni Kudan kanina mula sa mga dala ni Seok para sa akin.

"Puwede ba akong magdala nito mamaya?" Tanong ni Seok na patuloy pa rin na kumakain kagaya ko.

"Oo naman. Maraming ginawa ang mga tagaluto kaya puwede kang magdala."

"Talaga?" Masayang tanong nito at kumislap lalo ang mga mata.

"Oo. Bibigyan niyo naman ang prinsipe ng mga Lee, hindi ba?" Tanong ko sa mga tagaluto.

"Kung bibigyan niyo ang mahal na prinsipe ay ayos lang sa amin. Masaya kaming nagustuhan niyo ang aming ginawa." Nakangiting saad ng isa sa mga lalaking gumawa ng mochi.

"Subukan mo ito, Sin." May itinunghay si Seok na puting klase kaya tinanggap ko naman iyon at kinain. "Anong lasa?"

"Lasang tsokolate rin ang palaman nito pero may parang malamig na epekto sa bibig kapag kinain." Saad ko habang nakatingin sa palaman na kulay berde na binabalot ang tsokolate na nasa loob ng puting mochi. "Anong klaseng palaman ito?"

SINESTRO Where stories live. Discover now