Kabanata 24

9 1 0
                                    

Nakabalik na kami ngayon sa loob ng kuwarto pero kumakain pa rin ako ng mansanas. Umalis na si Seok kanina pero iniwan niya ang isang basket ng mansanas. Bigay niya sa akin.

Si Gin-hoo naman ngayon ang nagtatampo sa akin dahil sa pagtanggap ko ng mga mansanas.

"Gusto mo ba na kumain, Ging?" Tunghay ko rito ng mansanas pero umiling lamang ito at nagpatuloy sa kaniyang binabasa.

Tapos na kaming dalawa na kumain ng umagahan. Dinalhan na lamang kami rito ng punong tagapagbantay ng makakain dahil ayaw umalis ni Gin-hoo dahil nga nagtatampo ito sa akin.

"Ibabalik ko na lamang itong mga mansanas sa prinsipe ng mga Lee. Mukhang ayaw mo na kainin ko ang mga ito." Malungkot na saad ko at ibinaba ang hawak na mansanas pero nanatiling nakatitig pa rin doon. Binagalan ko ang pagnguya sa mansanas na nasa bibig ko para malasahan talaga ito. Pero ilang sandali lamang ay nalunok ko na rin ang laman ng bibig ko. Napasulyap ako kay Ging pero nasa libro pa rin ang kaniyang paningin. Hindi talaga ako nito pinapansin. Ibinalik ko ulit ang aking paningin sa mga mansanas at hindi naiwasan na mapatitig at matakam. "Kukuha lamang ako ng dalawa pagkatapos ay puwede mo ng ibalik kay Seok ang natitira." Hindi ko talaga matiis! Kumuha ko ng dalawa at niyakap ang mga iyon at napatitig sa mga mansanas na natira sa basket. Gusto ko lahat na kunin pero tiyak na mas lalo lang magagalit sa akin si Ging.

"Kung gusto mong kainin ang lahat ng iyan ay hindi kita pipigilan. Kainin mo lahat ng gusto mo." Malamig na sabi nito.

Tuluyan na akong lumapit sa kaniya at kinuha ang libro na hawak niya at ipinaharap ang mukha niya sa akin. Walang na akong mabasang emosiyon sa mukha niya. "Galit ka ba sa akin, Ging?" Tanong ko rito pero kinuha lamang nito ang kamay ko at dinampot ang libro at nagpatuloy sa pagbabasa. "Ging?"

"Hindi ako galit."

"Kung ganoon ay nagtatampo ka?"

Hindi ito sumagot. Hindi ako nito nilingon. Nanatili lang itong nagbabasa.

"Ging? Sagutin mo ako para malaman ko ang problema." Pakiusap ko rito.

"Walang problema."

"Gin-hoo."

"Kumain ka na riyan." Saad nito at nanatiling nasa libro ang paningin.

May kung anong nasaktan sa akin. Bigla na lamang akong nawalan ng gana sa mga mansanas na hawak ko. Tumayo ako at ibinalik ang mga mansanas sa basket. "Punong tagapagbantay." Tawag ko sa isang tao na maya-maya lamang ay dumating din.

"Ano iyon ginoo?" Tanong nito matapos na tumango.

"Ibalik mo lahat ng iyan sa prinsipe ng mga Lee."

"P-Po? Pero gusto ng ginoo ang mansanas na ito, hindi ba? Gusto niyo itong kainin, hindi po ba? Bakit gusto niyo na itong isauli?"

"Nawalan na ako ng gana. Pakibalik na lamang po ng mga iyan sa prinsipe ng mga Lee." Saad ko habang nakatitig sa mga mansanas.

Sana pala hindi ko na lamang tinanggap ang mga mansanas na iyon.

"S-Sigurado po kayo, ginoo?" Naniniguradong tanong nito.

"Sigurado ako."

"Kung ganoon ay ibabalik ko na ang mga--"

"Huwag mong galawin ang mga iyan. Ilagay mo lamang diyan at kakainin iyan ng anak ng buwan." Biglang nagsalita si Ging dahilan para pareho kaming mapatingin ng punong tagapagbantay sa kaniya.

"P-Po? Sigurado po kayo?"

"Sigurado ako. Puwede ka ng lumabas ngayon, punong tagapagbantay." Saad ng mahal na prinsipe dahilan para magpaalam naman kaagad ito at umalis. "Kumain ka na." Sabi ng prinsipe na nasa libro pa rin ang paningin.

SINESTRO Where stories live. Discover now