KABANATA 14: "Paghihiwa-hiwalay"

17 8 0
                                    



"ALORA!"


Napalingon silang lahat sa pintuan dahil sa sigaw ni Hisaya na dali-daling lumabas at tumakbo patungo kay Alora. Mangiyak-ngiyak ito na yumapos sa matalik na kaibigan. Napangiti na lamang si Alora na yumakap pabalik. Maging ang ibang mga nasa loob ay naglabasan upang makita ang nagaganap.


"Nandito na ako, kaibigan," anas nito.

Nang maghiwalay sila ng yakap ay hinawakan ito ni Hisaya sa magkabilang balikat. "Saan ka ba nagpunta? Anong nangyari sa iyo? Batid mo ba kung gaano kami nag-alala sa paglaho mo? Ilang araw rin kaming naglibot upang hanapin ka."

Napalunok si Alora at mamasa-masa na rin ang mga mata. "P-pasensya ka na, Hisaya. Ninais ko lang naman na mag-ikot-ikot sa pook na ito subalit napalayo ako, naligaw. Kung hindi dahil sa kaniya, hindi na ako makababalik."

Saglit na sunulyapan ni Hisaya ang lalake at nginitian, marahan lamang itong tumango. Muli niyang tiningnan ang kaibigan. "Nauunawaan ko ngunit sa susunod, magpaalam ka naman sana. Akala ng lahat ay napano ka na. Iba ang lugar na ito sa ating nakagisnan, kaibigan."

"Alam ko," anito saka isa-isang tiningnan ang mga kaibigan, "muli ay humihingi ako ng paumanhin sa inyong lahat."

Ngumiti si Hisaya saka muling niyakap si Alora. Nabaling ang atensyon nila kay Euen nang magsalita ito, "Ngayong panatag na tayo sa pagbabalik ni Alora, halina kayong lahat sa loob at dito na ipagpatuloy ang inyong pag-uusap."

"Opo, ina."

"Susunod na po kami," tugon naman ni Miriana.

"Sige na, magsipasok na kayo at gumagabi na rin," maawtoridad na wika ni Heron.


Bago tumalikod ay pinasadahan nito ng tingin ang misteryosong Morphan na sinasabing tumulong kay Alora. Saglit din itong nakipagsukatan ng tingin sa binatilyo. Sa buong hitsura nito ay malalamang nasa humigit-kumulang labinpintong taong gulang ang lalake tulad ni Heron. Hindi manhid si Miriana upang 'di mabatid ang tensyon sa pagitan ng dalawa. Sa pagkakakilala niya kay Heron, hindi ito basta-bastang nagtitiwala sa ibang nilalang, lalo na sa hindi nila kauri.


Naputol ang tensyon nang yayain sila ni Yilenna, "Pumasok na tayo, mga ate at kuya?"

"Tara na nga, nagugutom na ako," dugtong pa ni Arnika na nag-uunat ng mga kamay.


Sinundan ng tingin ni Miriana ang dalawa na nagpaunahan sa pagpasok sa pintuan. Nagkatinginan na lamang sila ni Hufiel sabay kibit at tipid na ngumiti sa isa't isa. Sa paglingon nila kay Alora ay tumango lamang ito saka naglakad patungo sa pintuan, kasunod ng nagngangalang Ranquer, na bahagya pang ngumiti sa kanila. Nagtayuan ang balahibo ni Miriana, tila ba kinikilabutan siya sa misteryosong Morphan.


Lumapit sa kaniya si Hufiel sabay bulong, "Mukha siyang kahina-hinala ano?"

"Tila nabasa mo ang iniisip ko," anas niya rito.

"Hindi sa ganoon, talagang nahihiwagaan din ako sa kaniya. Sa palagay ko ay hindi siya tagarito sa sentro. Maaaring sa ibang panig siya ng Morphea nagmumula."

Sumang-ayon siya rito, "Siguro nga. Tayo na sa loob, nais kong marinig ang mga sasabihin pa ni Alora." 


SA loob ng tahanan ng pamilyang kumupkop sa mga kabataang Lanar ay muling inulan ng mga katanungan si Alora. Hindi rin ito nag-atubiling sumagot, sa tulong na rin ng binatilyong si Ranquer. Tugma ang hinala ng iba. Ipinaliwanag ni Alora ang kagustuhang suyurin ang Morphea, dala-dala ang pag-asa na makatagpong muli ang pamilyang nawalay sa kaniya sa mahabang panahon.

Stepping Into The WaterWhere stories live. Discover now