KABANATA 1: "Isang hapon sa Lanaria"

133 10 0
                                    



BANAYAD ang mga along humahampas sa dalampasigan na mayroong mapuputi at napakapinong buhanging tila kumikinang sa ganda. Malapit nang lumubog ang araw sa Kanluran, na masasaksihan ng sino mang nakatayo sa bahaging ito ng misteryosong isla ng Lanaria.

Mag-isang naglalakad sa dalampasigan si Miriana, sinusundan siya ng sariling mga yapak na bumakas sa mga buhangin. Nakagawian niya na ito sa tuwing siya ay naiinip o walang ibang magawa. Kagagaling niya lamang sa sentro kung saan madalas nagtatagpo ang mga tulad niyang Lanar o mga mamamayan ng islang kanilang nakagisnan.

Bahagyang nililipad ng hangin ang kaniyang makapal, kulot at maiksing buhok na lumalagpas lamang nang kaunti sa kaniyang balikat. Sintingkad ito ng tsokolate, hindi tulad ng mga mata niyang mapusyaw.

Masigla ang bahaging ito ng isla sapagkat dito madalas nagkikita-kita ang mga mangingisda. Nakahanay sa tabing-dagat ang mga bangkang ginagamit sa paglalayag. May iba na kararating lamang, pumapalaot naman ang iba sa kanila. Madalas din itong dayuhin ng mga kabataan, ang iba'y kaedad o mas bata kay Miriana.

Labing-apat na taong gulang pa lamang ang dalagita, ulila sa ina mula noong siya'y pitong taong gulang pa lamang. Si Arsenus, ang kaniyang butihing ama na isang magsasaka, ang siyang umaruga sa kaniya sa nakalipas na mga taon. Labis na hinahangaan ni Miriana ang mag-isang pagtaguyod nito sa kanilang pamumuhay kasabay ng pagpapalaki sa kaniya.

Nang muling tumama ang hanging may katamtamang init at lamig ay huminto sa paglalakad ang dalagita sabay halukipkip. Pinasadahan niya ng tingin ang dagat na may malinis at napakalinaw na tubig, lumiliwanag ito sa ganda. Bawat hampas ng alon ay tila musika sa kaniyang pandinig, samyo nito'y nakapagpapagaan ng kaniyang kalooban.

Maya-maya lamang ay namamataan niya na ang isang bangkang papalapit, sakay ng ilang tao na pamilyar sa kaniya. Hindi siya nagkakamali sapagkat ito ay mga kakilala't kaibigan niya mula sa Hilagang bahagi ng Lanaria. Iyon ang pook kung saan namumugad ang ibang mangingisda, maging ang ilan sa mga itinuturing na tagabantay ng buong isla.

Ang samahan ng mga tagabantay ay pinamumunuan ng lalakeng may edad na at nagngangalang Anduwe. Tungkulin nila na pangalagaan hindi lamang ang mga Lanar kundi maging ang buong lupain ng Lanaria, na siyang natatanging yaman nila.

Unang bumaba ang matangkad na binatilyong may magandang pangangatawan at kayumanggi ang balat. Si Heron, na nasa labinpitong taong gulang pa lamang, ay kaibigan ni Miriana mula sa Hilagang Lanaria. Kasunod nitong bumaba ang isang dalagita na mas maliit lamang nang kaunti dito at medyo kahawig nito ng wangis, mas maputi lamang ang balat. Si Hisaya ay malapit ding kaibigan ni Miriana, mas matanda ito ng isang taon sa kaniya.

Ang dalawa ay mga anak ng babaeng tagabantay na si Lirya at ng magsasaka't mangingisda na si Seneo. Madalas na tumutulong sa paghahanap-buhay ng mga magulang nila ang magkapatid, lalo na ang lalake.

Abala sila sa pagbaba ng mga karga at pagsasaayos ng mga kagamitan nang unti-unting lumapit si Miriana. Sa paglingon ni Hisaya sa kaniyang gawi ay dahan-dahang gumuhit ang ngiti sa mga labi nito.


"Magandang hapon sa iyo, Miriana," bungad sa kaniya ng dalagita.

Bahagyang tumango si Miriana saka tumugon, "Magandang hapon din sa 'yo, Ate Hisaya. Sa iyo rin, Kuya Heron."

Tipid na ngumiti ang binatilyo at sumulyap sa bawat gilid ng dalagita. "Mag-isa ka yata ngayon?" anito habang inililigpit sa isang tabi ang lambat.

Maging si Hisaya ay palingon-lingon sa paligid. "Hindi ko nga namamataan ang mga kaibigan mo."

"Magkasama kami ng pinsan ko kanina, doon sa sentro. Nalibang siya roon kaya iniwan ko muna upang makapaglakad-lakad ako," tugon niya at nang mabaling ang tingin sa lalakeng may edad na ay binati niya rin ito, "Magandang hapon po, Mang Seneo."

Stepping Into The WaterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon