KABANATA 13: "Paghahanap"

15 7 0
                                    



MADILIM pa ang kalangitan nang gumising sina Miriana at ang mga kasamahan niya. Maaga silang nag-almusal at inihahanda ang sarili para sa kanilang paglisan. Lalakbayin nila ang daan palabas ng pangunahing tagpuan ng mga Morphan at tutungo sila sa bahagi ng ilog kung saan una silang napadpad sa Morphea.

Doon ay susubukan nilang hagilapin si Cialti at balak nilang lumusong sa kailaliman ng tubig, magbabakasakali na matagpuan ang lagusan. Kung sa Lanaria ay nagbubukas ito sa pagtatakipsilim, naniniwala sila na kabaligtaran ito sa Morphea.


Nang handa na ang lahat ay nagtipun-tipon sila sa bakuran ng pamilya. "Mag-iingat kayo sa inyong paroroonan, Raccio. Pangalagaan mo sana ang ating mga panauhin mula sa kabilang mundo."

Nakangiting tumango ang ginoo kay Euen. Batid nito na nag-aalala lamang ang kaniyang asawa kaya inabot nito ang kamay ng ginang. "Huwag kang mag-alala, gagawin ko iyan."

Napahawak naman ang ginang sa magkabilang baywang nang harapin ang kanilang anak. "Hufiel, pinapayagan kitang sumama upang matulungan sila kaya huwag kang gagawa ng kalokohan."

Napakamot sa ulo ang binatilyo at bahagyang natawa. "Magpapakabait po ako, ina."

"Na siyang dapat mong panindigan," paalala nito bago lingunin ang mga kabataang Lanar. "Kayo ba ay handa na para sa inyong misyon sa ilog? Wala iyong katiyakan."

Napabuga ng malalim na hininga si Raccio. Anito, "Totoo iyon. Ang batid ko lamang ay minsan lang talaga nagbubukas ang sinasabi nilang lagusan kaya hindi ko rin natitiyak ang ating tagumpay. Bukod roon ay hindi ko pa namamataan ang bagay na iyon."

"Batid namin na walang katiyakan ang lahat," panimula ni Heron saka naglakbay sa kalangitan ang mga mata, "lalo na ang paghahanap natin sa sirenang tagabantay. Ngunit wala kaming pagpipiliin. Susubok pa lang naman tayo. Kapag wala talaga ay lilisan tayo roon upang simulan muli ang paghagilap kay Alora."

"Kung gayon ay dapat lamang na lumisan na tayo bago pa tuluyang mangibabaw ang liwanag sa kalangitan," wika ni Miriana na agad rin nilang sinang-ayunan.


HALOS yakapin ni Miriana ang sarili dahil sa hampas ng malamig-lamig na simoy ng hangin. Patuloy nilang tinatahak ang paliko-likong daanan patungo sa mahiwagang ilog. Unti-unti nang naglalaho ang nakikislapang mga bituin at humihina na rin ang liwanag na dala ng kahali-halinang mga halaman.

Sa nakalipas na mga sandali ay kapuwa sila walang imikan. Kung iyon ay dahil sa pagod, antok o pangamba ay hindi na maunawaan ni Miriana. Hindi siya nag-aalala sa distansya nito sapagkat batid niyang hindi ito sobrang malayo sa kanilang pinanggalingan.

Huminga siya nang malalim saka muling nag-angat ng tingin. Napaawang ang bibig niya nang matagpuan ang paakyat at madamong bahagi kung saan nakakalat ang maliliit at namumukadkad ng dilaw na bulaklak.


Huminto siya at pinasadahan ng tingin ang paligid. Aniya, "Ito na iyon. Dito kita unang namataan, Hufiel."

Nakangiting tumango ang binatilyo. "Siyang tunay. Ano pang hinihintay natin? Tayo nang tumungo sa ilog!" Lumawak ang mga mata ni Miriana nang hablutin nito ang kaniyang kamay. Basta na lamang itong tumakbo habang hila-hila siya.

"Hoy! Saan kayo tutungo?" pahabol na sigaw ni Lakshir subalit hindi na lumingon pa ang dalawa.

"Saan pa ba? Nasa tamang pook tayo," wika naman ni Arnika.


Maya-maya pa ay nag-unahan na rin ang magkakaibigan sa pagtakbo paakyat sa kinaroroonan ng mahiwagang ilog ng Morphea. Maliban lamang kina Heron na napapailing na lamang at Raccio na napapangiti habang sumusunod sa kabataan.

Stepping Into The WaterWhere stories live. Discover now