KABANATA 24: "Harapan ng mga pinuno"

21 8 0
                                    



NANG sumapit ang gabi ay tumahimik nang muli ang mga bahay-bahay sa Morphea. Kaniya-kaniya na sa pag-uwi sa kani-kanilang tahanan ang mga Morphan upang magpahinga. Nangingibabaw ang taglay na ningning ng mga halaman sa kapaligiran. Tumatanglaw rin sa kadiliman ang mga nagkikislapang alitaptap at paru-paro.

Sa kabila ng nakabibighaning bagay na nababalot ng mahika, sadyang karaniwan lamang ito sa mundo ng kakaibang uri ng mga nilalang. Kaaya-aya mang pagmasdan, hindi pa rin makatotohanan.

Tinutupok ng naglalagablab na apoy ang mga tuyong kahoy na inipon ng mga kabataang Lanar sa bakuran ng pamilya ni Alora. Kaniya-kaniya sila sa pag-upo sa paligid nito. Damang-dama ang init nitong hatid kaya't naiibsan ang lamig na sumasakop sa kanila. Kasabay ng lumiliyab na apoy ay ang pinong-pino na mga bagang nagliliparan. Nagiging kahawig na ito ng mga alitaptap.

Katabi ni Alora ang kaniyang ama at ina. Malapit-lapit lang din sa kanila sina Raccio at Scieryn na nakikipag-usap sa mga magulang ng dalagita. Samantala, napagigitnaan naman nina Arnika at Hisaya si Lakshir, na halatang nakararamdam na ng antok subalit nananatiling gising dahil sa pag-uusap ng mga katabi nito.

Sina Ranquer at Heron naman ay kapuwa walang kibo na nagmamasid lamang umaalab na apoy. Hindi nakatiis si Heron kaya't bumuntonghininga na lamang ito.


"Mabuti at naisipan mo ito, Riyas?"

Natigilan si Ranquer. Anito, "Tinatawag mo pa rin ako sa pangalang iyan."

"Oo nga pala, pasensya na, Ranquer."

Umiling na lamang ito. "Wala iyon. Hindi ako ang nakaisip nito. Si Alora, nagpaalam siya sa amin at humingi rin ng tulong sa akin para sa tagpong ito. Gawain raw kasi ito ng mga tagabantay roon sa Lanaria."

Sinulyapan ni Heron ang kinaroroonan nina Alora at ng mga kasamahan nila. Muli niyang binalingan si Ranquer. "Totoo iyon, ang sinabi ng kapatid mo. Bahagi na ng tradisyon namin ang ganito, lalo na sa tuwing may nagdiriwang ng kaarawan."

"Ganoon pala. Sayang at wala na akong maalala sa mga ganiyang bagay, matagal-tagal na rin kasi."

Muling nangibabaw ang katahimikan sa pagitan ng dalawang binatilyo hanggang sa muli itong binasag ni Heron. Aniya, "Sigurado ka ba na ligtas ang pamumuhay n'yo rito? Magiging maayos lang naman siguro si Alora kapag umalis kami? Nag-aalala ako, parang kapatid na rin ang turing namin ni Hisaya sa kaniya."

"Wala kang dapat ipag-alala tungkol sa bagay na iyan dahil kami mismo ang patunay. Pinangangalagaan ang mundong ito ng mga tagabantay, kahit pa ni Cialti. Magiging ganap ding Morphan si Alora at makapagsisimula siya ng bagong buhay rito, sa tulong ng buong pamilya namin. Hindi namin siya pababayaan, kaibigan."

Napangiti si Heron nang marinig ang huling salita nito at muling napatitig sa sumasayaw na apoy. "Aasahan ko iyan, kaibigan."


KINABUKASAN ay nagpaalam na ang mga panauhin ng pamilya ni Alora. Maaga silang lumisan upang tahakin muli ang gubat na lungga ni Scieryn. Mula rito ay matiyaga nilang nilakbay ang mahiwagang pook na sinasabing pinagtataguan ni Erscious. Pagdating sa mismong pook ay agad silang sumilip sa nakatagong tanawin.


"Ang payapa pala ng tahanan ng pinunong tagabantay. Ni hindi mo akalaing mayroong makapangyarihang nilalang dito," komento ni Alora.

Bahagyang tumango si Scieryn habang pinagmamasdan ang tahimik na pook. "Siyang tunay, ngunit huwag kayong pakampante sapagkat palabas lamang iyan. Sa unang tingin ay nakabibighani, habang tumatagal ay makararamdam ka ng kakaiba. Nakapangingilabot ang tunay na Erscious."


Nagkatinginan ang magkakaibigang mga Lanar, bakas ang magkahalong pangamba at pananabik sa kanilang mga mata. Muntik nang mapaigtad si Alora nang dumapo sa kaniyang balikat ang isang malamig-lamig na palad. Nang lingunin niya ito ay gumaan ang kaniyang pakiramdam.

Stepping Into The WaterWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu