KABANATA 7: "Mundo sa ilalim ng tubig"

32 9 0
                                    



HINDI kumibo ang magkakaibigan matapos magpakilala ng munting nilalang na nagngangalang Caechi. Napaatras silang pito nang lumipad ito papunta sa kanilang harapan. Sa bawat maliliksing pagaspas ng mga pakpak nito ay kusang lumalabas ang pino at aandap-andap na liwanag. Agad rin itong naglalaho na parang bula.

Kung tutuusin, si Caechi ay katulad na katulad ng sirenang nakatagpo nila. Liban lamang sa liit ng katawan nito, mayroong mga pakpak at maiksi ang buhok na abot hanggang balikat.


"Ano, tititigan n'yo lamang ako? Hindi ba kayo magtatanong? Sigurado ako na maraming gumugulo sa isipan ninyo, masyado kayong halata."

"Isa siyang lambana na Morphan," komento ni Yilenna.

Lumapad ang ngiti ni Caechi sa sinabi nito at sinundan ito ng matinis na halakhak. "Nadali mo! Ang galing naman, maalam ka yata sa mundong ito."

Nanlaki ang mga mata ni Yilenna nang lumapit ito sa kaniyang mukha at lumayo ring muli. "H-hindi naman masyado, narinig ko lamang sa mga matatanda sa amin."

"Morphan?" ani Arnika na napakamot sa kaniyang sintido, "Parang narinig ko na ang salitang iyan."

Sumagot naman si Miriana, "Sa mga kuwento ni Tandang Rohna, kung hindi ako nagkakamali."

"A-akala ko mga alamat lamang ang kuwento niya, h-hindi ba?" utal-utal na tanong ni Lakshir. Nagtago ito sa likuran ni Heron nang sulyapan ng lambana.

Napailing na lamang si Arnika saka humalukipkip. "Ngayo'y napatunayan natin na totoo ang lahat. Tingnan n'yo, napadpad tayo sa isang naiibang mundo sa ilalim ng tubig. Kaharap pa natin ang isang nilalang na hindi natin kauri."

"Ang tanong ay kung makalalabas pa ba tayo rito?" Nagkatinginan ang lahat sa binanggit ni Yilenna, kapuwa nag-aalala.

"Kararating n'yo lamang at nais n'yo nang lumisan? Minsan lamang mangyari ang ganitong pagkakataon sa buhay ninyo. Bakit 'di n'yo muna subukang tuklasin ang mga misteryo rito, malay ninyo at masasagot ang inyong mga katanungan."

Napaisip sila sa mga sinabi ni Caechi, maliban kay Heron na napapanatili ang mapanghusgang tingin sa babae. "Paano kami makasisiguro na ligtas kami sa mundong ito? Dapat ka ba naming pagkatiwalaan?"

"Huwag mo sanang masamain ang tanong ng aking kapatid. Naniniguro lamang kami sapagkat wala kaming kaalam-alam sa lupaing ito," dugtong naman ni Hisaya. Batid nito na hindi basta-bastang maniniwala ang nakatatandang kapatid sa nilalang na hindi nila ganoon kakilala.

Patango-tangong ngumiti si Caechi. "Huwag kayong mag-alala sapagkat hindi ko kayo ipapahamak. Ako ang magiging gabay ninyo dito sa Morphea, sasamahan ko kayo sa lahat. Ito ay tungkulin na kailangan kong gampanan bilang isang tagabantay na Morphan."


Saglit na nagkatinginan ang magkakaibigan, tila ba nag-uusap-usap sila gamit lamang ang mga mata at tinatantya ang pasya ng bawat isa. Samantala, panay ang paglalakbay ng paningin ni Alora sa paligid. Hindi lamang pagkamangha ang mababakas sa kaniya kundi may halo itong pananabik kahit pa hindi niya banggitin.

Matagal niya nang ninanais na sumuong sa kailaliman ng tubig upang mahanap ang sinasabing lagusan, na ayon sa kuwento-kuwento ay magdadala sa sino man patungo sa mundong nababalot ng mahika. Mayroong mangilan-ngilang Lanar na hindi gaanong naniniwala. Ang nakararami naman ay patuloy na naghahanap ng kasagutan sa mga misteryong laganap sa kanilang lupain.


"Ayos ka lang, Alora?" wika ni Hisaya na napansin ang kaibigang naaaliw sa kapaligiran kahit pa halos hindi niya kayang ngumiti.

Napakurap siya at bumalik sa wisyo. "H-ha? Oo naman, ayos lamang ako. Anong sabi nila?"

Stepping Into The WaterOnde histórias criam vida. Descubra agora