KABANATA 23: "Pagharap sa katotohanan"

19 8 0
                                    



MABILIS na lumipas ang nalalabing araw para sa mga kabataang Lanar na nais makauwi sa kanilang pinanggalingan. Sa loob ng maikling panahon ay marami nang naganap sa kanilang buhay, mabuti man o masama.

Kinabigla ni Miriana ang katotohanan sa likod ng pagkatao ni Yilenna at ng pamilya nito. Tulad ng dalagita, nananalaytay sa kaniyang kaibigan ang dugong Morphan at iyon ay sa kadahilanang mula rin sa Morphea ang ama ni Tandang Rohna.

Ang buong katotohanang ito ay inilihim ng matanda at ng ina nito sa mahabang panahon. Ang mas ikinagulat ni Miriana ay nang malamang isa sa makapangyarihang tagabantay ang amang hindi nakagisnan ng matanda. Ni hindi nito batid ang tunay na wangis ni Erscious subalit nagawa na nitong makausap si Cialti sa makailang beses.

Nadaragdagan ang kaalaman ni Rohna tungkol sa Morphea at mga Morphan nang dahil sa sirenang tapat sa pinunong tagabantay.

Halos hindi makapaniwala si Yilenna matapos marinig ang lahat nang sinabi ni Shearra. Nakasanayan ng dalagita ang pagkukuwento ni Rohna patungkol sa nakaraang mga kaganapan sa Lanaria. Iyon ang dahilan kung bakit malawak rin ang naging kaalaman nito tungkol sa kanilang isla. Subalit hindi nabanggit ng matanda ang pagiging lahing Morphan nila.

Ito na marahil ang pinakamalaking lihim nila at hindi ito inaasahan ng bata. Kung sino ang pinakanakaiintindi sa kaniya ngayon, iyon ay walang iba kundi si Miriana.


"Maari ba kitang samahan, Lenna?" bungad niya nang matagpuan ito sa gilid ng bukal, tulala, malayo ang tingin at tila blanko ang mga mata.


Umupo siya, ilang hibla lamang ang pagitan nila. Wala silang imikan, kapuwa nakatitig sa kawalan. Gumagalaw ang nakatikom na mga labi ni Miriana, tila ba nais kumawala ng mga salitang nasa isip niya lamang. Ni hindi niya alam kung ano ang dapat na mamutawi sa kaniyang bibig.


Muntik na siyang umigtad nang magsalita ang nakababatang kaibigan, "Anong naramdaman mo, Ate Mir, noong nalaman mo ang tungkol sa iyong ina?"

"Ano nga ba?" aniya sabay kunot ng noo. Napahawak siya sa kaniyang baba saka bumuntong hininga. "Sabihin na nating magkahalong gulat, pangamba, pagtatampo at galak na rin. Kaya hindi ko lubusang maipaliwanag eh. Ikaw ba?"

"Parehas lang pala tayo, hindi ko akalaing may inililihim pala sa amin si Lola Rohna. Ang batid ko lamang ay isang manlalakbay ang kaniyang ama noon, kung saan-saang isla ito nakararating hanggang sa dumating ang panahon na hindi na ito muling nasilayan pa sa Lanaria. Kaya ang alam ko ay nasawi na ito sa laot. Hindi pala iyon totoo?"

"Ako nga, ang buong akala ko rin ay bigla na lamang lumisan si ina at iniwan kami ni ama nang walang dahilan. Inaamin ko, nakaramdam ako ng galit noon ngunit mas nangibabaw ang aking pangungulila."

Tipid na tango ang itinugon ni Yilenna saka yumapos sa sariling mga binti at ipinatong ang baba sa mga tuhod. "Ang mga nakatatanda sa ating pamilya, nagsinungaling sila sa atin. Hindi ko rin naman sila masisisi dahil batid na natin ngayon na mabigat ang dahilan."

"Tama ka, ang dami palang lihim sa ating kapaligiran na pilit ibinaon sa limot ngunit ngayon ay naglalabasan na. Ang bigat sa pakiramdam pero kagustuhan din naman natin ito. Hindi ba't palagi tayong naghahanap ng mga kasagutan patungkol sa mga kababalaghan sa ating isla? Heto na nga, inihahain na sa atin ang sagot."

Umayos ng upo ang dalagita nang may matanto. "Oo nga ano? Masyado kasi tayong mausisa, ito tuloy ang napala natin," wika nito sabay kibit. Sinundan ito ng mahinang tawa nilang dalawa. 

Tiningnan niya si Yilenna at napatanong, "Nagsisisi ka ba?"

Mabilis itong nakailing at tipid na ngumiti. "Hindi naman, may maganda rin namang naidulot kahit papano."


Stepping Into The WaterWhere stories live. Discover now