VIII - Piging

2.3K 128 18
                                    

CHAPTER VIII

Nang gabing 'yon ay nagpaunlak ng isang maliit na piging ang pinuno naming si Jotaro, despidida ko raw dahil bukas ay aalis na naman ako ng templo para sa isang misyon. Pero alam ko namang hindi iyon ang dahilan kung bakit mayroong munting salo-salo sa templo. Maraming beses na naman akong umalis ng templo para magsagawa ng isang misyon—maraming beses na, kaya imposibleng ang pag-alis ko bukas ang dahilan ng salo-salong ito. 


Kumpleto lang talaga kaming lahat ngayon sa templo. Kaya nagpaunlak ng munting salo-salo ang pinuno.
Kumpleto kaming labing-lima. Sa loob ng tatlong buwan kong pamamalagi dito sa Uruha, isang beses ko lang nakitang kumpleto ang buong tribo.

"Oy! Nandito na pala ang bida ng gabi! HAHA!" Sambit ni A'ron (A-ron) habang itinataas ang hawak-hawak niyang basong kawayan na may lamang mabulang serbesa.

"Basbasan ka sana ng may likha, at patnubayan ka sa iyong paglalakbay bukas, bata." Bulong naman ng matandang si Pau (Pa-u).

"Haha! Siguraduhin mong hindi ka uuwing madungis at puro pasa! HAHA!" Sambit naman ng lasing na si Tatom na pagkatapos ay biglang sinabayan ang bulol na si Torio sa pagkanta.

Napangiti na lamang ako, at pailing-iling na naglakad patungo sa upuang nasa tabi ng mahabang lamesa dito sa bulwagan ng pinuno naming si Jotaro, kakagaling ko lang sa paliligo mula sa batalan—hawak-hawak ko pa nga ang twalyang kanina ko pa kinukuskos sa makapal at  tumatagaktak kong kulot na buhok.

Naupo ako sa tabi ni A'ron. Si A'ron ay dating mandirigma ng bayan ng Lakandula na pwersahang itinakwil ng kanyang mga kababayan dahil sa isang pangyayaring hindi naman niya inaasahan, ang sabi—nagkamali raw ito sa isa niyang misyon at pinatawan ng kaparusahang kamatayan, subalit hindi naman ito naisagawa dahil mabilis na nakatakas si A'ron; nakita na lang daw siya nina Je'il at Jotaro sa pampang malapit dito sa Tanlimook at simula noon ay naging miyembro na s'ya ng Uruha.

Si A'ron ay isang taong oso. Hindi literal na mukhang oso ah? Mukha pa rin siyang tao, yun nga lang palagi n'yang suot ang balabal niyang galing sa balat ng  puting oso—'yung kay A'ron nga mukhang kapa eh, tapos 'yung ulo ng oso ang nagsilbing hood. Malaki ang katawan nitong si A'ron, dalawang beses ang laki kaysa sa katawan ni Jotaro, matangkad din s'ya—s'ya ang pinakamalaking miyembro ng tribo. Malagong ang boses na sadya ko namang kinatakutan noong una ko s'yang beses na makita.

Subalit ganoon man, mabait itong si A'ron. Mapagkakamalan mo lang talaga siyang masungit at nakakatakot dahil palagi siyang tahimik, pero kapag nakausap mo na s'ya eh siguradong mabilis na mawawala at mapapalitan ng pagkapanatag ang takot na 'yon.

"Handa ka na ba para sa bukas?" Bulong sa akin ni A'ron, namumula na ang balat nito at amoy na amoy ko mula sa kanya ang alingasaw ng iniinom niyang serbesa.

"Syempre, kailan pa ba ako hindi naging handa?" Pagmamayabang ko. Kumuha ako ng basong kawayan na nakalapag sa lamesa at kumuha ng inuming gawa sa pandan at asukal—hindi ako pwedeng uminom ng serbesa, ipinagbawal ni Jotaro.

Natawa na lamang si A'ron at mabilis akong tinapik ng malakas sa likod na naging dahilan ng biglaan kong pagkasamid at pag-ubo. Nakita naman ito ng lahat kaya bigla silang nagtawanan.

"Mukhang ang bilis ng pag-babago mo bata ah? Noong una kang dumating dito sa templo halos tubuan ka ng ugat sa pagka-pirme mo sa isang sulok, tahimik ka pa! Panahon nga naman..." Humahagikgik na sambit naman ni Pau.

Ang matandang si Pau ay isang engkantadong galing sa isla ng Murnet. Isang isla malapit sa kaharian ng Riasotera, sa kanya ako nagtatanong ng tungkol sa Riasotera at kung anong mga bagay ang makikita ko roon kung sakaling puntahan ko na ang kahariang iyon. Halos anim-na-raang taong na itong si Pau subalit kung titignan mo 'to ay parang nasa trenta anyos lamang ang itsura: puti ang balat, matangos ang ilong malamlam na kulay berde ang mata at may patusok na mga tenga, mahaba ang kulot nitong buhok na namumula sa tuwing nasisinagan ng araw, oh 'di ba? Sinong maniniwalang six hundred years old na 'tong matandang 'to?

Arentis II | Tribong Uruha | Completed | Currently EditingDonde viven las historias. Descúbrelo ahora