XXXIX - Minukawa

1.7K 110 24
                                    

CHAPTER - XXXIX



Naging tahimik ang lahat ng bigkasin ni Tatang ang pangalan ng misteryosong lalaking umatake sa amin, marahan kong iginala ang aking paningin sa mga kasamahan ko, kay Marie, kuya Gayle, Paolo at Je'il. Pare-pareho lamang kami ng naging reaksyon...


Parepareho lang kami ng naramdaman...


Takot.


"Kung gayon ay--?" Mahina kong bulalas, habang dahan-dahan kong ibinabalik ang paningin ko kay Tatang na kaagad namang tumango.


"Tama." Bumuntong hininga ito. "Narito na tayo sa pugad ng halimaw." Dagdag nito.


Lalong lumaki ang mga mata ko. Marahan akong huminga ng malalim, gusto kong magsalita pero walang boses ang lumalabas sa aking bibig. Nagsimula ng umakyat ang takot sa buo kong pagkatao; naalala ko na naman ang kwento ni Tatang at Jotaro tungkol sa halimaw na muntik ng sumira sa buong Arentis, naalala ko na naman kung gaano kalakas ang kapangyarihang taglay ni Minukawa.


Inakala kong matatalo ko s'ya, dahil hawak ko ang tanging bagay na kinatatakutan niya: ang baluting suot-suot ko. Ang sabi ni Tatang at Jotaro, itong baluting ito lamang raw ang tanging pinangingilagan ng halimaw na si Minukawa, isang napakagandang rason kaya naman kaagad akong pumayag na sumama sa misyon na 'to.


Kaya lang, hindi ko talaga maintindihan kung bakit sagad sa buto ang takot ko at hindi ko kayang pigilan ang panginginig ng mga tuhod ko. Bumibilis at lumalakas ang bawat kabog ng aking dibdib at tila ba masusuka na ako sa kaba.


Natatakot ako.


"Hehe..."


Mabilis kaming napalingon sa direksyon kung saan malakas na tumilapon si Minukawa, kitang-kita namin ang malaking uka sa pader na dala ng malakas na pagkakahampas ni Minukawa dito, matapos siyang tumilapon mula sa sorpresang pag-atake ni Jotaro.


Daglian kong hinawakan ang sandata kong espadang kahoy at ganoon na rin naman ang ginawa ng lahat, mariin kaming nakatingin sa direksyon ni Minukawa; kung saan napansin naming ang ilang mga kaluskos.


Tumayo na muli si Minukawa at ngayon ay pinapagpagan ang madumi na niyang puting pantalon.


"Hindi ko inaasahan ang atake mong 'yon Talimao." Nakangising saad ni Minukawa habang marahan nitong iniuunat ang kanyang mga braso at leeg. Dahan-dahan niyang itinuon ang kanyang paningin sa amin at sinimulan ng maglakad.


Lalo kong hinigpitan ang pagkakahawak ko sa espadang kahoy, habang ang ilan nama'y pumuwesto na sa kanilang mga kinatatayuan. Nag-hahanda na kaming lahat para sa isang pag-atake.


"Pero, hindi na bale..." Ngumisi muli si Minukawa sa amin. "Dahil hindi na mauulit 'yon, dahil dito na ninyo matatamasa..." Inilahad niya sa aming direksyon ang nakabukas niyang palad.

Arentis II | Tribong Uruha | Completed | Currently EditingDonde viven las historias. Descúbrelo ahora