LIV - Tatlong Pantas

2.1K 94 17
                                    

CHAPTER - LIV



"Ang ibig mong sabihin, naipakita't naituro na sa'yo ni ama ang tungkol sa estilong Arkis?"


Napalingon ako bigla kay Batluni habang nilalantakan ko ang malaking piraso ng karne na ngayon eh naka-ipit sa pagitan ng bibig ko. Tinanguan ko s'ya at ipinagpatuloy ang pag-nguya.


"Dati pa—" Lumunok ako. "Noong mga unang linggo ko palang sa Uruha." Dagdag ko. Kumagat muli ako sa karneng hawak-hawak ko at nagpatuloy sa pagkain.


"Uruha?" Tanong muli ni Batluni.


Nilingon ko s'ya ulit at mabilis na lumunok. Takte ah, hindi na ako nakakain ng maayos sa kakatanong nitong si Batluni ah—tsk.


Inabot ko ang basong nasa harapan ko at dali-daling sinalinan ito ng tubig, iniinom ko iyon kaagad at ng maubos ko ang tubig na laman noon at dali-dali akong sumagot.


"Ito ah," Simula ko. "Hindi talaga pwedeng ipagsabi ang tungkol sa Tribong pinamumunuan ni Jotaro—ng tatay mo, pero tutal tayo tayo lang naman ang magkakasama dito, ikukwento ko na... Basta ipangako n'yong isisikreto n'yo lang ang tungkol dito ah."


Pinasadahan ko ng tingin sina kuya Gayle, Paolo, Marie, Batluni at Kheena at saka huminga ng malalim. Tumango naman sila na tila ba naiintindihan ang gusto kong sabihin, lumunok ako.


Pagkatapos ay sinimulan ko ng ikwento ang tungkol sa mga nangyari sa akin noong napahiwalay ako sa mga pinsan ko, humigit-kumulang tatlong buwan na ang nakakalipas...


-----------------------------------
Riasotera [Araw ng pagtakas/Nakaraan]
[Third Person's POV]

------------------------------------


"Tumakas na kayo!" Sigaw ni Jotaro matapos niyang ihagis patungo sa bumubulusok na higanteng ugat, ang batang taga-lupang si Kelvin. Bakas man sa mga mata ng batang taga-lupa ang takot at pangamba'y mas kapansin-pansin naman ang katapangang ipinapakita ng mahigpit na pagkakatiklop ng mga kamao nito.


Sandaling pinagmasdan ni Jotaro ang papatakas na mga batang taga-lupa, bago muli nitong ibinaling ang tingin sa dalawang mandirigmang nakatayo sa kanilang harapan. Kalmado pa rin ang mga ito, kahit na naka-amba ang mga sandata nitong mahigpit na hinahawakan ng kanilang mga kamay.


Pinagmasdan silang mabuti ni Jotaro at pagkuwa'y dahan-dahan itong napangiti.


"Oh, paano ba 'yan—" Simula niya. "Aalis na kami ah?" Paalam niya.


Tatalikod na sana si Jotaro ng bigla niyang naramdaman ang biglaang pag-galaw ng mga mandirigmang naka-amba sa kanila.


"Saan ka pupunta Talimao?" Bulong ni Galur mula sa likuran ni Jotaro. Naka-kawit ang dambuhala nitong palakol sa leeg ng Talimao.


Hindi naman nagsalita si Jotaro, sa halip ay bumuntong hininga lamang ito't napailing.

Arentis II | Tribong Uruha | Completed | Currently EditingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon