XLVII - Traydor

2.1K 100 22
                                    

CHAPTER - XLVII



[Flashback/Filler]

[Third Person's POV]

——————————————-


Sa isang munting baryo na kung tawagin ay San Simon, kung saan ang buong nayon ay napapalibutan ng napakaganda at luntiang tanawin; ay nakatira ang isang mag-ina. Simple lamang ang pamumuhay ng mag-inang ito; si Josefa—ang ina, ay kadalasang makikitang gising na bago pa man tumilaok ang mga manok at naghahanda na upang kumayod sa maghapon. Paglalako ng kakanin ang tanging hanap-buhay ni Josefa at tunay namang kakarampot lamang ang nakukuha niyang kita sa maghapong pagtitinda, subalit magkaganoon man ay nagagawa pa rin nitong pagkasyahin ang kakaunting salapi na ginagamit niyang pambili ng kanilang makakain ng kanyang sampung taong gulang na anak na lalaki.


Iisa lamang ang anak ni Josefa, at hindi rin maipagkakailang madalas na kinukwestyon ng karamihan ang pagkakaroon niya ng anak sa pagkadalaga—at ang hindi niya pagkakaroon ng asawa. Oo, mag-isa lamang na itinataguyod ni Josefa ang kanyang musmos, at oo: lumaking walang kinagisnang ama ang sampung taong gulang na ni Josefa.


Tahimik at hindi palakaibigan ang anak ni Josefa, taliwas sa ugali niyang palaging nakangiting binabati ang lahat ng mga tao sa buong San Simon, kahit na alam niyang madalas ay tampulan siya ng tukso at panghuhusga ng mga taong walang ibang ginawa kung hindi ang mangutya at manghusga ng buhay ng iba. Alam ng mag-ina ang tungkol dito at hindi na iyon para pansinin pa ni Josefa.


Subalit hindi naman ito kayang tanggapin ng kanyang anak.


"Nasaan po ba ang ama ko?"

Tuwing Gabi, habang matiwasay na nagpapahinga si Josefa mula sa maghapon niyang paglalako ng kakanin ay hindi maiiwasang tanungin siya ng kanyang anak. At katulad rin ng nakaugalian, isa lang din ang paulit-ulit na isinasagot ni Josefa sa kanya:


"Matulog ka na anak, magluluto pa tayo ng kakanin mamayang madaling araw."


At gaya ng madalas na mangyari, mauuwi sa sagutan ng mag-ina ang kanina'y matiwasay nilang pag-uusap...


"Bakit ba parang ayaw n'yong pag-usapan ang tungkol sa tatay ko? Ano po bang nangyari? May itinatago po ba kayo? May hindi po ba ako dapat malaman?" Tanong ng anak ni Josefa.


Naiintindihan naman ni Josefa ang nais ng kanyang kaisa-isang anak, subalit may mga dahilan rin si Josefa para iwasan ang mga katanungang ito. Para bang iniiwasan na niyang sagutin ang mga tanong na ito, na tila ba pilit niya itong kinakalimutan.


Pero ano nga ba ang dahilan ni Josefa? Ano nga ba ang dahilan n'ya at pilit nilang iniiwasan ang tanong na ito na patungkol sa ama ng kanyang musmos?


"Palagi na lang ganito!" Pagmamaktol ng anak ni Josefa na padabog namang isinara ang pinto ng kanilang munting barung-barong. Lumabas ito gaya ng madalas niyang ginagawa.


Nangingilid man ang luhang pilit na pinipigilan ni Josefa sa pagtulo, ay nanatili itong nakapirmi sa kanyang tumba-tumba at hinayaan ang kanyang nagmamaktol na anak sa paglabas.

Arentis II | Tribong Uruha | Completed | Currently EditingWhere stories live. Discover now