XIII - Buruta [Paghahanap sa nayon ng mga Alan (1)]

2.2K 122 25
                                    

CHAPTER XIII

I
sang tasa ng mainit na tsokolate ang inialok sa amin ni Lapaz kinaumagahan, malamig ang simoy ng hangin at halata namang napaka-aga akong ginising ni Je'il; madilim pa kasi at buhay na buhay pa ang mga lamparang nakasabit sa mga posteng nakapalibot dito sa loob ng pook-tulugan.

Anong oras na ba? Alas-tres? Hindi ko alam, hindi na rin gumagana ang relos ko dahil ubos na ang baterya, tsaka bakit pa? Eh may suot nga akong mabibigat na pulseras hindi ba?

"Gaano ba kalayo ang Buruta mula dito Lapaz?" Nanginginig na sambit ni Je'il na halos mamaluktot sa lamig habang pinananatili ang pagkahalukipkip ng kanyang mga braso.

"Mga dalawang oras lang ang layo kung lalakarin n'yo, doon na kayo dumaan sa may tarangkahan malapit sa may balon—makikita n'yo naman kaagad iyon, kaysa naman dumaan pa kayo sa tarangkahang pinasukan n'yo kahapon, kakailanganin n'yo pang umikot." Mungkahi naman ni Lapaz habang iniaabot sa akin ang isang piraso ng pandesal.

"Maraming salamat po." Pagpapasalamat ko kay Lapaz ng tanggapin ko ang pandesal na iniaalok niya sa akin.

"Kumain ka ng marami, kakailanganin mo 'yan. Mahaba-haba pa ang lalakarin niyo ni Je'il at siguradong gugutumin ka sa daan, kaya kailangan mong magpakabusog." Sambit ni Lapaz na ng mga oras na ito ay humihigop na rin ng mainit na tsokolate.

"Para namang hindi mo kami pababaunan ng pagkain eh." Nakangising tugon ni Je'il.

Nang mga oras ring 'yon ay kaagad na binuhat ni Lapaz ang isang maliit na sako na nasa ilalim ng lamesang pinagpapatungan namin ng mga tasa ng tsokolate, maliit lamang ang sakong ito pero base sa pagkunot ng kilay at noo nitong si Lapaz—mukhang mabigat ang laman ng sakong 'to.

"Kaunti lang naman 'tong maibibigay ko. Pagpasensyahan n'yo na." Saad ni Lapaz, inipit nito sa kanyang mga labi ang isang sigarilyo at malumanay itong sinindihan.

"Anong laman nito?" Sambit ni Je'il habang tinatapik-tapik ang nasabing sako, na para bang kinakapa at hinuhulaan ang nasa loob nito.

"Katulad pa rin ng dati." Sambit ni Lapaz na marahang ibinuga ang usok na hinithit niya mula sa bagong sinding sigarilyo. Ngumisi naman si Je'il na para bang tuwang-tuwa sa mga narinig.

Ano kayang nasa loob ng sakong 'yon?
Hindi ko ugaling makialam o manuri ng mga bagay bagay lalo na kung wala naman akong kinalaman dito, pero kung ibibigay naman 'to sa amin ni Lapaz para sa paglalakbay namin, eh siguro ayos lang naman kung magtanong ako 'di ba?

"A-anong laman n'yan?" Sinimulan ko ng magtanong.

"Tamales." Sambit ni Lapaz.

Nanlaki ang mga mata ko ng marinig ko ang katagang 'yon. Nilingon ko si Je'il na kaagad naman akong hinarapan.

"Oo na, para sa'yo talaga 'to. Pero titirhan mo ko ah, nagugutom din naman ako." Saad ni Je'il.

Paborito ko kasi talaga ang tamales, lalo na 'yung itlog na pula. Ito 'yung pagkain na kahit malamig na e masarap pa ring kainin. Swerte ko talaga dito kay Je'il hehe.

"Mayroong pitong piling ng saging d'yan sa loob Je'il, alam kong hindi kumpleto ang araw mo kapag hindi ka nakakakain ng saging." Bulalas naman ni Lapaz.

Nang mga oras na 'yon ay marahang tumayo si Je'il at bahagyang nag-unat, nilingon ako nito at nagwika:

"Tayo na." Anyaya nito. Tumayo narin ako habang kagat-kagat ang pandesal sa bibig ko.

Gamit ang kanyang nguso ay itinuro sa akin ni Je'il ang sakong ipinatong ni Lapaz sa lamesa. "Buhatin mo. Ako na ang magdadala ng mga gamit natin." Saad nito.

Hindi naman ako umangal, kahit na maliit lang naman talaga 'yung bitbit ni Je'il. Yung bag lang naman na ibinigay sa'min ni Jotaro 'yung dala-dala ko at 'yun 'yung dala-dala ni Je'il ngayon. Wala akong dapat ireklamo kung itong sako lang naman ang bibitbitin ko—tamales lang naman ang laman nito.

"Oo ba—huh?" Nagulat na lamang ako ng sinubukan ko ng bitbitin ang sako.

Hindi ko inasahang napakabigat nito. Tamales at saging lang ba talaga ang laman nito? Bakit ganito 'to kabigat?

"'Wag mong bubuksan 'yan." Utos ni Je'il nang mahuli ako nito na sinusubukang kalasin ang lubid at buksan ang sako.

"Bakit? Ang bigat nito—sigurado ka bang tamales 'to?" Reklamo ko. Nilingon ko si Lapaz na marahan namang iniwasan ang mga tingin ko.

"Sinabihan ako ng pinuno na bigyan ka pa rin ng kaunting pagsasanay habang hinahanap natin ang nayon ng mga Alan sa Buruta, 'wag ka na lang mareklamo." Bulalas ni Je'il na pagkatapos naman ay dali-daling lumabas nitong munting pook-tulugan.

Nilingon ko ulit si Lapaz, pero katulad ng kanina ay iniwasan na naman niyang muli ang mga mata ko; na para bang umiiwas ito sa mga tanong ko.

Badtrip. Akala ko pa naman time-out na ako sa mga pagsasanay.

Bumuntong hininga na lamang ako at dahan-dahang inalalayan ang sarili ko habang pinipilit kong hinahin ang napakabigat na sako palabas nitong pook-tulugan para sundan si Je'il. Takte—napakabigat talaga, nawala 'yung ginaw eh—pinag-pawisan ako ng matindi!

"Ipatong mo sa likod mo. Mababawasan ng kaunti ang bigat n'yan." Dinig kong bulong ni Lapaz na hindi man lang humarap sa akin at nanatili pa ring nakatanaw sa bintana.

Parang katulad no'ng sa mga karagador ng bigas? Sa liit ng katawan kong 'to pinagbubuhat n'yo ko? Dose-anyos lang ako oy! Hindi naman kaya makuba ako sa ginagawa n'yo sa'kin?

Pero ano pa nga bang magagawa ko? Sus.

"Arrgh!" Daing ko habang unti-unti kong binubuhat ang sako para ipatong sa likuran ko. Nagawa ko naman—medyo gumaan nga ng kaunti at kahit papaano naman eh naigagalaw ko naman ng bahagya ang mga braso at paa ko—'yun lang; pakiramdam ko mababali ang likod ko.

Sinimulan ko ng maglakad papalapit sa pinto, nagulat na lang ako ng biglang tumayo si Lapaz mula sa silyang inuupuan niya at siyang nagbukas ng pinto para sa akin. Tinitigan ko s'ya ng masama—loko ka ah, kung kelan hirap na hirap ako—tsaka ka ngayon tumutulong?

"'Ganyan na ganyan din ang ginagawa nina Jotaro at Je'il sa mga bagong mandirigma ng tribo. Hindi kailangang kalimutan ang pagsasanay—kahit na naging mandirigma ka na ng Uruha." Bulong ni Lapaz. Hindi naman ako sumagot at nagpatuloy sa paglalakad palabas nitong pook-tulugan.

Letse kayo, maiintindihan ko pa kung sa inyo pinagawa 'to eh—ang lalaki na ng katawan n'yo eh! Eh ako? Tignan n'yo nga!? Patpatin na nga ako pinagbuhat n'yo pa. Sarap n'yong kurutin gamit nailcutter.

Nakatayo sa labas ng pook-tulugan si Je'il at kasalukuyang lumalamon ng saging, gaya ng ginawa ko kay Lapaz ay hindi ako nagsalita, bagkus ay tinignan ko lamang s'ya ng masama na may kasamang pag-iling.

Mukhang hindi naman natinag si Je'il na bigla naman akong nginisian.

"Bilisan mo ah." Saad nito. "Malayo pa pala mula rito ang Buruta, dalawang oras pa—sa bagal mo, malamang hapon na tayo makakarating." Humagikgik ito.

"Loko 'to ah." Nagsisimula na akong mapikon. "Ikaw kaya magbitbit?"

"May reklamo ka?" Sagot ni Je'il. Biglang nag-iba ang timpla ng mukha nito. Naging seryoso.

Napalunok na lang ako, kilala ko ang ganoong titig ni Je'il; siguradong dadagdagan pa n'ya ang paghihirap ko kapag umangal pa ako.

"Wala, wala. Tayo na." Singhal ko. Letse talaga.

"Wala naman pala eh. Haha!" Muling nanumbalik ang nakakalokong ngisi ni Je'il.

Nakakainis na talaga! Nakuuu pagbalik natin ng templo chachaniin ko 'yang balahibo mo sa katawan tsaka ko ilulublob 'yang buntot mo sa kumukulong tubig, unggoy ka!

At nagpatuloy na kami sa paglalakad, hindi naman nagtagal at nakita namin 'yung balon at tama nga si Lapaz; malapit sa balon ay kaagad naming nakita ang isang taranghakan—medyo luma na nag itsura nito: yari sa kahoy at napapalibutan ng lumot at sapot, pero nakabukas naman kaya nagpatuloy pa rin kami sa paglalakad.

At sa huli, nakalabas kami ng Kirok ng walang kahirap-hirap—ay si Je'il lang pala, na hanggang ngayon eh lumalamon pa rin ng saging.

"Ang tagal!" Sigaw nito habang kinakawayan ako.

"Ang sama nito, tulungan mo kaya ako?" Reklamo ko. Malamig pa rin naman ang simoy ng hangin pero tagatak na ako ng pawis.

"'Wag kana... Gamitin mo kaya 'yang abilidad mo para makakilos ka ng mabilis? Tsk... Tsk... Tsk..." Sambit ni Je'il. Pailing-iling itong nagpatuloy sa paglalakad

Oo nga naman, bakit ko ba hindi naisip 'yon? Tsk, mas inuuna ko kasi 'tong init ng ulo e. Letse naman kasi talaga, agang aga eh.

Sinimulan ko ng ilipat ang pwersang nanalaytay sa katawan ko, mula sa dibdib ko ay marahan ko itong ikinalat sa magkabilang braso at hita ko—naramdaman ko ang dahan-dahang pag-gaan ng sakong nasa likod ko, hindi ko alam kung gumaan ba 'yung sako o ako 'yung bumigat dahil sa ginawa kong pagpapakalat ng kapangyarihan ko, pero bakit ba?

Importante magaan na ang pakiramdam ko kahit bitbit bitbit ko pa sa likod ko 'tong sako.

"Kita mo na? Sabi sa'yo eh." Saad ni Je'il.
"Oo na! Loko-loko ka—dapat kanina mo pa sinabi eh." Natatawa kong sambit. Ganito ako kapag nawawala na 'yung galit ko, natatawa ako. Naiisip ko kasing napakababaw naman pala ng pagka-inis ko kanina.

"Nagtanong ka ba?" Hagikgik ni Je'il. "Oh, tara. Tumalon tayo... Para mas mapabilis." Dagdag niya na bigla namang tumalon mula sa lupa patungo sa itaas ng isang puno at tahimik na nilapagan ang isang sanga. Nilingon ako nito.

"Ano pang tinatayo tayo mo d'yan?" Tanong ni Je'il.

Ako ba talaga pinagtitripan nito? Loko 'to ah, kanina pinaglakad ako bitbit 'tong sako, tapos ngayon patatalunin n'ya ako? Sira ulo 'to.

"Ano?" Sambit ko, nakataas ang kilay ko at mariing nakakunot ang noo. Natawa si Je'il.

"Bahala ka d'yan. Gusto ko lang matapos na 'tong misyon ng maaga, para makauwi na tayo ng templo kaagad." Saad ni Je'il na bigla namang tumalon upang lumipat mula sa sangang kinatatayuan n'ya patungo sa sanga ng katabing puno.

Anak ng—at talagang iiwan ako nito? Naman!

Bumuntong hininga na lamang ako at bahagyang ibinaba ang mga tuhod ko para maghanda sa isang pagtalon, kailangan kong magconcentrate—mabigat 'tong dala ko.

At sa isang padyak ng aking mga binti ay mabilis kong binuhat ang katawan ko para makatalon—kasi bitin. Hindi man lang ako nakaabot sa kalahati nitong puno.

Bumagsak muli ako sa lupa.

"HAHAHA! 'Wag mong madaliin Kelvin! Unti-unti kang tumalon patungo dito sa sanga. Mabigat 'yang dala mo. HAHAHA!" Halakhak ni Je'il ng makita akong pumlakda sa lupa.

Tch. Buti alam mo. Bakit 'di mo nalang kaya ako tulungan?

Ano ba kasing laman nitong sako?

"Dalian mo na d'yan. Malapit ng magliwanag." Saad ni Je'il.

Nakakainis, puro utos—'di naman tumutulong.

Sinubukan ko ang sinabi sa akin ni Je'il, na imbes na pilitin kong tumalon patungo sa sanga eh magpatalon-talon muna ako sa puno ng paulit-ulit para makarating sa sangang kitatayuan n'ya; gagamitin ko nalang 'yung katawan ng mga puno para pagtuunan habang tumatalon pataas—tama—tutal dikit-dikit naman 'yung mga puno dito.

Paulit-ulit kong ginawa ang iminungkahi ni Je'il. Bakit ko ba kasi kailangang tumalon? Kung kailan naman makakapag-lakad na ako ng maayos, tsaka naman nagyaya 'tong si Je'il na magpaka-unggoy. Pambihira talaga.

Pero matapos ang anim na milyon at walumput pitong dekada—biro lang. Matapos ang ilang minutong paghalik ng mukha ko sa lupa dahil na rin sa paulit-ulit kong pinipilit na abutin ang sangang kitatayuan ni Je'il, eh sa wakas!

Narating ko na rin ang rurok ng tagumapy! Biro lang ulit.

Narating ko na ang sangang kinatatayuan ni Je'il.

"Mas madali ka nang makapaglipat-lipat sa mga sanga mula rito, dikit-dikit lang naman ang mga puno." Saad ni Je'il.

"Teka—" Hingal kabayo na akong nagsasalita. Wala naman akong hika, baka ngayon meron na. "Pahinga mu—" Saad ko ulit.

Kaso bago pa man ako makapagsalita eh nakalayo na ng ilang metro sa akin si Je'il. Naman oh! Walang taympers?

Nagkibit-balikat na lang ako, sumunod. Tama nga naman si Je'il mas madali ng tumalon at magpalipat-lipat sa mga sanga dito sa itaas.

Sinundan ko na si Je'il, mabagal man ang mga kilos ko pero nakakasabay pa naman ako. Hindi naman kasi ako pwedeng magpabagal-bagal.

Tsk. Pagod na ako.

May liwanag na ng huminto kami ni Je'il—sa wakas.

"Nandito na tayo." Bulong ni Je'il na napansin kong diretsong nakatingin sa isang maliit na kwebang napapalibutan ng mga lumot at baging.

Maliit na 'yung kweba, pero mula dito sa taas ay makikita ang isang napakakapal na kakahuyang napapalibutan ng hamog; parang 'yung kweba lang 'yung tanging pasukan para makapasok ka ng kakahuyan na 'to.

"Ito na ba?" Tanong ko.

"Oo, ito na ang kakahuyan ng Buruta." Pabulong na sagot ni Je'il.

Napalunok ako, pinagmasdan kong muli ang paligid: tahimik, at tila ba napakabigat ng pakiramdam ko dito sa lugar na 'to. Nasa pasukan pa lang kami n'yan ah—hindi ko kayang i-explain eh, basta mabigat sa pakiramdam.  Parang may kung anong nagsasabi sa akin na huwag na akong tumuloy dahil mapanganib ang kakahuyan na 'to.

Pero wala naman akong magagawa. Misyon ito na ibinigay sa akin ng Pinuno. Tsaka, kung hindi kami magpapatuloy—hindi namin makikita ang nayon ng mga Alen na nandito lang sa loob ng kakahuyan ng Buruta, hindi ko makukuha ang baluti na tanging susi ko para makapasok ako ng Riasotera.

Riasotera—ang lugar kung saan pinaniniwalaan kong nandoon sina Kuya Gayle at Paolo.

Tsk... Hindi pwedeng umatras.

Nandito na rin lang naman kami, malayo layo na rin ang nilakbay namin.

Pero kung ako ang tatanungin, base sa bigat ng pakiramdam ko dito sa kagubatang 'to?

Ayokong tumuloy.

                                                                                ***

Arentis II | Tribong Uruha | Completed | Currently EditingOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz