XXIV - Matalik na magkaibigan

2K 108 20
                                    

CHAPTER - XXIV


Noong gabi ding 'yon ay nagpatawag ng isang munting salo-salo si Timar, isang salo-salo upang ipagpasalamat at matagumpay naming pagbabalik kasama ang mga dinukot na batang Alan. Malalim na ang gabi at inaantok na ako, pero itong munting nayon ng mga Alan? Hindi 'ata tinatablan ng antok.


"Opo inay! Iniligtas po nila kaming tatlo! Ang galing po nila sa labanan, 'yung Orano po ang galing manlansi—palagi niyang nahuhuli 'yung mambabarang at pagkatapos ay bigla namang aatake 'yung matandang baylan! Ang galing!" Bulalas ng isa sa mga nailigtas naming Alan, habang inaasikaso ng kanyang ina ang mga sugat at pasa nito.


"Aba, may ginawa din naman ako ah?" Sambit ko, nakahalukipkip ang mga braso ko at nakataas ang mga kilay. "Hindi ba? Tumulong naman ako ah?" Tanong ko ulit.


"Kinarga mo lang ako e." Sagot naman ng isa sa mga Alang tinulungan namin.


Napasimangot ako ng bahagya at bigla na lang natawa.


"Anong sinisimangot mo d'yan? Wala ka naman talagang ginawa ah? Tumakbo ka lang." Humahagikgik na biro sa akin ni Je'il habang sinasalinan nito ang kawayan niyang baso ng lambanog.


"Sira." Ngumiti ako. Bigla namang sumingit si Tatang.


"Pero ipinagmamalaki kita bata, malaki ang ipinagbago mo—mas lalo ka nang bumilis sa pagtakbo." Saad nito.


Lalo namang napahalakhak si Je'il, muntikan na itong natumba mula sa pagkaka-upo niya.


"Gulo n'yo! Matutulog na nga lang ako." Nakangisi kong singhal, dali-dali akong nagtungo sa duyang inihanda sa amin ng mga Alan at nahiga.


Alam ko namang binibiro lang ako nina Tatang at Je'il, hindi ko lang talaga masakyan ang mga biro nila ngayon. Pagod ako. Pagod na pagod.


Patuloy pa rin ang kasiyahan sa maliit na nayong nasa gitna ng madilim at misteryosong kagubatan ng Buruta, pinapanood ko ang mga Alang nagsasayawan habang pinaiikutan nila ang maliit na sigang ginawa ni Timar, patuloy pa rin ang malagong at paulit-ulit na tunog ng tambol, ang masayang halakhakan at kwentuhan, umaalingasaw pa rin ang mabangong amoy ng mga pagkaing nakahapag sa dahon ng saging, at patuloy pa rin sa pag-inom sina Tatang at Je'il.


Masaya ang lahat dahil sa muling pagbabalik ng mga batang Alan.


Hindi ko mapigilan ang ngumiti habang pinapanood ang mga batang Alan na iniligtas namin sa Natpo, masaya sila ngayong nakikipagtawanan sa lahat kahit na balot ng dahon ang mga sugat na natamo nila sa abusadong si Nakuayen, parang nakalimutan na nila ang lahat ng mga masasamang karanasan nila sa kamay ni Nakuayen.


Tama nga ang sinabi nila, walang ibang makapagbibigay sa'yo ng sobra sobrang kasiyahan kung hindi ang pamilya mo lamang.

Tama...


Naalala ko na naman si Papa...

Arentis II | Tribong Uruha | Completed | Currently EditingWhere stories live. Discover now