18

609 32 3
                                    

"ANO BA ERICKA, gusto mo bang magkaroon ng pera o ano?" sinigawan na si Ericka nang direktor ng commercial ad na sinu-shoot nila ngayong araw.

Napayuko si Ericka. Nahihiya na siya. Pang-anim na take na nila iyon at pang-anim na rin niyang pagkakamali. Isang maliit na commercial lang naman iyon na ipapalabas lang sa isang establishment. Pero dahil maliit lang ang offer na pera at hindi pa maganda ang role na gagawin, matagal na pending na daw ang commercial na iyon sa ad agency. But Ericka was desperate. Kailangang-kailangan niya ng pera ngayon kaya tinanggap niya ang offer na iyon kahit na ba maliit na pera lamang ang makukuha niya sa paggawa noon. Kahit na ba marami siyang isasakripisyo habang ginagawa iyon, pinilit ni Ericka na tatagan na lamang ang sarili. Kailangang-kailangan niya ng pera sa ngayon.

"Parang pinapatunayan mo lang nang husto sa amin na hindi ka nga magaling na modelo. Wala kang future maging artista. Pinapamukha mo sa amin na deserve mo ang naging bashers mo sa unang major role mo sa isang commercial. Tama nga lang siguro na hanggang sa paggawa ka lang ng minor roles at hindi sumisikat dahil hindi ka naman talaga magaling!"

Kinagat ni Ericka ang ibabang labi upang pigilan ang mga luha na nagbabadya sa pagpatak. Napakasama ng nararamdaman niya. Napakalupit ng mundo. Napakalupit ng direktor. Napakalupit ng buhay. Pero pinilit ni Ericka na tanggapin ang lahat. Pagkatapos ng lahat ng mga nangyari sa mga nakaraang araw, gusto na nga niyang maniwala na hanggang pang-minor roles na lamang siya ng mga advertisements. Hindi na siya sisikat kagaya nang matagal niyang inaasam.

"Pagbubutihan ko na po sa susunod na take, Sir. Pangako."

"Narinig ko na rin 'yan kanina pero ang dami na nating take, nanginginig ka pa rin. Hindi ka komportable."

"H-hindi niyo po ako masisisi kung bakit hindi ako komportable dahil malaswa ang commercial na ito. Kaya nga po walang tumatanggap 'di ba? Maliit na nga ang bayad ay---"

Pinutol ng direktor ang pagsagot niya rio. "Pero tinanggap mo. Pumirma ka rin ng kontrata. Wala ka ng kawala pa. Hindi ka na rin dapat magreklamo dahil pumayag ka." Iiling-iling na sabi nito. Sumigaw ito ng break pagkatapos sa mga crew na nakahinga naman nang maluwag. Kanina pa gustong mag-break ng mga ito dahil halos kalahating araw na sila nagsu-shoot. Ayaw kasing magpa-break ng direktor habang hindi niya naayos ang eksena. Pero ngayon ay mukhang napuno na talaga ito.

Nagbreak rin si Ericka. Kailangan niya iyon. Pagkatapos ng lahat, kanina pa siya kating-kati na mag-break rin. Kinuha niya ang kanyang cell phone. Napansin niya na marami ng missed calls sa kanya si Ric. Sandaling lumakas ang tibok ng puso ni Ericka nang makita ang mga iyon. Lalo na ang text message nito na nagsasabing nasa Maynila na raw ito. Gusto na raw nitong magkita sila. Napapikit si Ericka. Gusto na rin niyang makita ito pero sa tingin niya ay hindi ngayon ang tamang panahon. Hindi niya gustong malaman ni Ric ang ginagawa niya ngayon at ang lagay niya. Kahit nga kay Matthew ay hindi niya sinasabi iyon.

Inignora muna ni Ericka ang mga text at tawag ni Ric. Mas inuna niya ang priority. Tinawagan niya si Matthew at tinanong kung ano ang lagay ni Nanay Teresita.

"Ganoon pa rin siya. Hindi pa rin nagigising. Hindi pa rin masabi ng Doctor kung hanggang kailan siya magkakaganito. Natatakot na ako, Ericka."

Nanghina si Ericka pero pinilit niyang tatagan ang loob. Tatlong araw na ang nakalilipas simula nang dalhin nila si Nanay Teresita sa ospital sa bigla na lang pagkahimatay nito. Ang sabi ng mga Doctor ay nagkaroon ito ng biglaang atake sa puso at sa tindi noon, na-comatose ito. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagigising. Kagaya ni Matthew ay takot na takot rin siya. Isama pa na nagsisimula na silang kulitin ng ospital tungkol sa pagbabayad ng bill. Hindi sila mayaman, halos wala silang ipon na dalawa at kahit downpayment lang naman ang hinihingi sa kanila ng ospital ay mahirap pa rin na buuin ang ganoong halaga. Hindi na puwedeng mag-loan si Matthew sa kompanya na pinapasukan nito at kahit pinahiram naman sila ng ilang malalapit na kapitbahay ay kulang pa rin iyon. Napakalaki ng babayaran dahil nasa ICU si Nanay Teresita. Isama pa ang mga gamot na ibinibigay dito araw-araw.

International Billionaires 6: Cedric Guidicelli (COMPLETED)Where stories live. Discover now