5

943 26 1
                                    

"PASENSYA na kayo, ha. Ito lang ang nakayanan ko," may bigat sa dibdib na wika ni Ericka habang ibinibigay sa mga bata na naging kaibigan na niya ang dala niyang mga burgers. Noong isang araw ay pinangakuan niya ang mga ito na dadalhan niya ang mga ito ng masarap na pagkain kapag napili siya bilang main model ng commercial shoot na matagal na niyang pinapangarap na mapili at gawin. Malaki ang paghanga sa kanya ng mga bata kaya naman alam niyang matinding umasa rin ang mga ito na mapipili nga siya sa pinapangarap na puwesto. Pero dahil bigo siya, nabigo rin niya ang mga ito.

"Ate Ericka, okay lang ito 'no! At least, tinupad mo ang pangako mo sa amin. Isa pa, masaya na kami na napili ka sa pinapangarap mong role. Mapapanood ka na rin namin ng bongga sa tuwing makakasilip kami sa TV!" masayang wika ng labing tatlong taong gulang na si Almira. Sinegundahan naman ito ng dalawang nakakabatang kapatid nito na sina Leon at Rosielyn. Isang taon na rin niyang kilala ang mga ito at sa tuwing napapadaan siya sa may seaside sa Manila Bay, hindi puwedeng hindi sila magbabatian o magkukuwentuhan. Napalapit na ang mga bata sa kanya simula nang unang araw na mamalimos ito sa kanya.

Ulilang lubos na ang magkakapatid at nabubuhay na lamang ang mga ito sa pamamagitan ng pamamalimos sa sea side iat sa iba pang kalapit na lugar. Ayon sa kuwento ng mga ito ay iniwan raw ang magkakapatid sa isang ampunan pero ginustong tumakas roon dahil pinagmamalupitan ang mga ito ng may-ari. Simula noon, mas ginusto na lang ng magkakapatid na tumira sa lansangan. Mahirap man daw pero ang mahalaga ay magkakasama ang mga ito. Minsan na rin kasing tinangkang paglayuin ang mga magkakapatid nang muntik ng ampunin ang bunso ng mga itong si Rosielyn. Hindi naman gusto ng mga itong malayo sa isa't isa kaya minabuti na lang ng mga itong lumayo at mamuhay ng ganoon.

Mabait ang magkakapatid. Hindi ang mga ito ang klase ng namamalimos na basta na lang lalapit sa 'yo at hihingi ng pera. Madalas ay babatiin ka muna ng mga ito, magtatanong kung may magagawa ba ang mga ito sa 'yo kapalit ng kahit kaunting pera na maibibigay mo sa mga ito. Nagustuhan niya ang ugali ng magkakapatid at dahil sadyang malapit siya sa mga bata, lalo na sa mga kagaya nito, tila naging panata na niya na tulungan ang mga ito kapag pakiramdam niya ay umaangat na siya.

Ngunit hindi kagaya ng mga inaasahan ng mga ito ang nangyari. Sa kabila ng sayang ipinakita sa kanya ng magkakapatid, hindi napigilan ni Ericka na hindi rin ipakita ang lungkot sa kanyang mukha.

"Bigo ako, kids." Masakit na pag-amin niya sa magkakapatid.

Mula sa pagkagat sa mga burger na binili niya ay napatigil ang mga ito. Sandali pang napanganga. "'Wag kang mag-joke, Ate!" wika ni Leon. Nanlalaki ang mga mata nito. "Ang ganda-ganda mo, 'di ka mapipili?"

"Napili naman ako. Pero minor role lang ulit," napabuntong-hininga siya. "Baka nga hindi niyo pa ako makita dahil sa sobrang liit lang ng role na ibinigay sa akin. Hindi pa nagsalita,"

Napapalatak si Rosielyn. Tumingin ito sa Ate nito. "Ate, babalik ulit tayo sa simbahan. Hindi dininig ni Lord prayer natin. Baka kulang pa. Kumpisal rin tayo. Baka kasi nagiging bad na tayo kaya hindi tayo pinakinggan ni Lord."

Bigla-bigla ay namilog ang mga mata ni Ericka. "Ipinagdasal niyo ako?"

"Oo naman, Ate. Ikaw pa! Siyempre, gusto namin ang the best para sa 'yo. Isa ka kasi sa mga the best na tao, eh," nakangiting wika pa ni Leon. "Baka nga kulang pa ang dasal natin, mga kapatid. Sige, mamaya babalik muli tayo."

"Ang bait niyo talaga. Pero baka naman hindi lang dahil kulang kayo sa dasal. Baka lang talaga may kulang sa akin kaya hindi na naman ako napili," malungkot naman na wika ni Ericka pagkatapos.

Dalawampu't limang taon na ngayon si Ericka. Pitong taon na siya sa industriya ng pagmomodelo. Pero pakiramdam niya, hanggang ngayon baguhan pa rin siya. Taon-taon na lang siya nag-aabang kung kailan siya magkakaroon ng big break. Ang akala niya, ngayon na ang taon na iyon. Ang sabi kasi sa hula sa kanya sa taon na ito nang magpahula siya sa Quiapo, ngayong taon na raw siya sa susuwertehin. Pero nangangalahati na ang taon, iyon at bigo pa rin siya.

International Billionaires 6: Cedric Guidicelli (COMPLETED)Where stories live. Discover now