12

721 29 0
                                    

WALANG schedule si Ericka ng araw na iyon pero kinailangan niyang lumabas. Birthday ngayon ni Matthew at balak niyang maghanda para sa birthday nito. Mamayang hapon ay magkakaroon sila ng salo-salo. Plano niyang bumili ng paluto na isang bilaong palabok at spaghetti. Bibili rin siya ng dalawang lechon na manok. Inabisuhan na niya ang ilang mga kapitbahay nila at itinext ang ilang kilala rin na kaibigan ni Matthew na magpunta. Pero bago ang lahat ng pagbili ng mga handa ng matalik na kaibigan at masasabi na rin na kapatid ni Ericka, pumunta muna siya sa mall upang bumili ng regalo rito.

Balak bilhan ni Ericka si Matthew ng bagong damit at pantalon. Palagi naman nakikita ni Ericka si Matthew pero ito ang unang beses na bibilhan niya ito ng damit. Hindi niya gaanong sigurado kung ano ang size ni Matthew. Iba-iba kasi ang sizes ng pantalon nito. Minsan ay naglalaro sa medium, large at mayroon pa nga na extra large. Twenty nine, thirty o may mga umaabot pa nga ng thirty two sa pantalon. Dumedepende sa brand. Sa tingin ni Ericka ay mahihirapan siya. Wala pa naman siyang taste pagdating sa mga damit, lalo na at lalaki. Pero naisip niyang damit ang iregalo rito dahil hindi masyadong bumibili ng damit si Matthew. Luma na rin ang mga damit nito. Nasa ganoon siyang pag-iisip nang mula sa kanyang likuran niya ay may kumalabit sa kanya.

"Anong---Ric!" kasabay na napatalon ang katawan at puso ni Ericka nang makita ito sa likuran niya. Wala naman itong ginagawang kakaiba roon. Simpleng nakatayo lang ito roon at kinulbit siya pero ang lakas ng dating nito sa kanya. "A-anong ginagawa mo rito?"

"Hindi pa ba halata?" walang ka-emosyon-emosyon na wika nito.

"S-sinusundan mo ako?"

Tumango si Cedric. "Ano bang ginagawa mo rito sa mall?"

Matagal bago nagsalita si Ericka. Mataman na tinignan niya lang ito. Totoo nga ang hinala niya. Sinusundan siya nito. Maraming tanong ang pumasok sa utak niya pero mas marami ang kilig na kanyang naramdaman. Ramdam ni Ericka na mali iyon. Hindi ba dapat ay matakot siya dahil parang kung saan-saan na lang sumusulpot ang lalaking ito? Para itong stalker niya. Ni hindi pa nga niya lubusan itong kilala.

Pero iba ang nararamdaman ni Ericka. Mas nanaig sa kanya ang magandang nangyari kahapon kung saan siya tinulungan nito na walang hinihiling na kahit anong kapalit. Hindi dapat siya matakot sa lalaki. Hinayaan na lang ni Ericka ang malakas na damdamin na lumukob sa kanya.

"Birthday kasi ni Matthew. Balak ko siyang bilhan ng regalo."

"Matthew?" nag-iba ang timplada ng mukha ni Ric sa sinabi niya.

"Ah, siya iyong kaibigan ko na parang kapatid ko na rin. Sa bahay nila ako ngayon tumitira."

Nang magkatrabaho si Ericka, minsan ay nagpahiwatig na siya sa mag-ina na aalis na sa poder ng mga ito. Napamahal na sa kanya ang dalawa pero dahil iniisip niya na napakalaki na ng utang na loob niya sa mga ito, naisip niya na bumukod. Nahihiya na siya sa mga ito. Pero pinigilan siya ng mga ito. Parang pamilya na rin siya ng mga ito. Hindi pumayag si Nanay Teresita at Matthew na umalis siya.

"Sa bahay ka ng isang lalaki tumitira? Sigurado ka ba na kaibigan mo lang ang lalaking ito?"

Napangiti si Ericka sa dalawang dahilan: Una dahil hindi lang si Ric ang unang nagtanong sa kanya ng ganoon. Marami sa mga kakilala niya na kapag nalalaman na magkasama sila ni Matthew sa isang bahay ay nagtatanong kung magkaibigan nga lamang ba sila. Simula pagkabata ay magkasama na sila at sa pisikal na anyo ay hindi naman papatalo si Matthew. Marami ang nagsasabi na guwapo ito at mabait rin naman ito. Halos sabay rin silang lumaki kaya hindi maiiwasan na malapit sila. Dagdag pa sa issue na sa edad ni Matthew ay hindi pa ito kailanman nagkakanobya. Sabi nila, kaya raw ganoon ay inaantay raw siya nito. Pero hindi sa tingin ni Ericka. O ayaw lang siguro niya na isipin. Para sa kanya kasi, kaibigan lang niya si Matthew. Komportable siya rito pero hanggang doon lang iyon. Walang kahit anong paglakas ng tibok ng puso, kuryenteng dumadaloy sa balat o kung ano pang maikakategorya sa pakiramdam ng pagkagusto o pag-ibig.

International Billionaires 6: Cedric Guidicelli (COMPLETED)Where stories live. Discover now