16

643 25 0
                                    

"I'M GOING to miss you." Wika ni Ric habang ka-Skype niya ito. Ilang araw na silang hindi nagkikita nito dahil kinailangan daw nitong damayan ang kaibigan nitong namatayan. Dahil malayo ito, tawag o text lang ang paraan para makapag-usap silang dalawa. Ngayong araw ay inimbitahan naman siya nito na mag-Skype sila. Kagaya niya ay missed na rin niya na makita ito kaya naman kahit kailangan pa niyang pumunta sa computer shop para makausap ito ginawa niya. Sabik na rin kasi siyang makita ang mukha nito kahit sa computer lang iyon.

I am missing you already. Gusto sanang isagot ni Ericka kay Ric. Pero dahil ayaw naman niyang lumaki ang ulo nito dahil hindi pa naman niya sinasagot ito, itinago na lang niya sa sarili ang nararamdaman.

Patapos na ang isang oras niya sa computer shop kaya naman puro pagpapaalam na sila noon. Mga tatlong araw pa raw ang ilalagi ni Ric sa bahay ng kaibigan para makiramay. Mabigat ang nararamdaman niya habang nagpapaalam ito dahil tila napakatagal pa ng araw. Nakakausap man niya ito araw-araw ay kulang pa rin. Gusto niya ang kagaya ng dati na abot kamay lang niya ito. Na kapag sinabi niya na gusto niyang lumabas, parang kabute lamang ito na lumilitaw sa tabi niya. Hindi kagaya ngayon na tila imposible dahil ayon rito, malayo raw talaga ang bahay ng kaibigan nito.

"And hey... ano palang gusto mong pasalubong?"

Kumunot ang noo ni Ericka. "Pasalubong? Bakit mo naman ako pasasalubungan?"

Nagkibit-balikat ito. "I just want to. Na-realize ko, 'di man lang pala kita nabibigyan ng kahit ano man na regalo."

Natawa si Ericka. "Hindi ko kailangan ng regalo o pasalubong. Ang malaman na maayos lang ang lagay mo diyan, maayos na ako. Isa pa, hindi naman bakasyon ang ipinunta mo diyan para bigyan ako ng pasalubong."

"Tama ka. Bigla ko lang naman naisip. But I will still try to bring you some when I come home."

"Hindi na kailangan---"

"Take care," bago pa makapagprotesta si Ericka ay nawala na si Ric sa screen. Halos kasabay rin noon siyang tinawag nang namamahala sa computer shop at sinabing tapos na ang isang oras na pag-rent niya. Nang nagbabayad siya ay natagpuan niya si Matthew na papasok sa computer shop. Parang hinahanap siya.

"Anong ginagawa mo rito?" kunot noong wika niya sa kaibigan. Malapit nang gumabi ng araw na iyon kaya kakauwi lang ni Matthew sa trabaho.

"Nakasalubong ko si Mang Badong pauwi at sinabi niya na nakita ka raw niya na nagpunta rito. Naisipan ko munang puntahan ka bago umuwi sa bahay." Paliwanag ni Matthew. "Hindi ka mahilig mag-computer. Tama na sa 'yo ang Free Facebook. Anong ginagawa mo rito?" balik nito sa kanya.

"Kinausap ko lang si Ric---"

"Gusto mo talagang i-entertain ang lalaking iyon?" nanlaki ang mga mata ni Matthew.

Hindi na nagulat pa si Ericka sa reaksyon ni Matthew. Madalas kapag lumalabas sila ni Ric ay inihahatid siya nito pauwi sa bahay. Nagkakaabutan ito at si Matthew. Hindi miminsang inamin sa kanya ni Matthew na hindi nito gusto para sa kanya si Ric. Iyon nga lamang kapag tinatanong niya ito kung bakit, tila alinlangan ito palagi sa pagsagot. Payag naman si Nanay Teresita sa ginagawa sa kanya ni Ric. Ang sabi pa nga nito ay ganoon daw dapat ang nanliligaw. Marunong maghatid ng babae kapag inilalabas. Si Matthew lang ang problema niya pero hindi na lang niya ganoong iniintindi iyon. Siya ang nililigawan, siya ang mas nakakaalam kung ano ang tama sa kanya. Siya ang nakakaramdaman. Buhay niya iyon. Gaano man kahalaga sa kanya si Matthew dahil matalik na kaibigan niya ito at halos kapatid na rin, hindi pa rin ito ang dapat na magdesisyon sa kanya.

"Ric is nice."

"Ni hindi mo nga siya ganoong kilala---"

"Kilala ko siya, okay? Sinasagot niya ang mga personal na tanong ko. Isa pa, ang pagkagusto sa isang tao ay hindi lang dahil sa kung ano ito o sino ito. It was always what the heart feels," pagtatanggol niya kay Ric.

Tumiim ang bagang ni Matthew. "Buong buhay ko ay pinoprotektahan kita, Ericka."

"Alam ko. Ipinagpapasalamat ko naman iyon nang malaki, Matthew. Pero alam ko ang sarili ko. Alam ko ang nararamdaman ko para kay Ric. Gusto ko rin siya kaya ine-entertain ko siya."

Namutla ang mukha ni Matthew. "Ericka..."

Naalarma si Ericka sa mga reaksyon ni Matthew. Pero ayaw niyang isipin. Ilang beses niyang itinanggi sa mga kaibigan niya ang tungkol sa pagtatanong ng mga ito tungkol sa kanila ni Matthew. Kapag tinatanong ng mga ito kung baka daw ba kaya hindi nagkaka-girlfriend si Matthew ay dahil sa kanya. Inaantay siya nito. Kontento na ito sa kanya. Hindi rin naman kasi niya gusto si Matthew. Kaya ang mga iginagawi nito sa kanya ngayon ay hindi niya nagustuhan. Naiilang siya. Malaki ang utang na loob niya kay Matthew at sa pamilya nito. Hindi naman niya gustong saktan ito.

Pero bago pa man matapat ni Ericka ang kaibigan, naagaw ng kapitbahay nila na pinagbilinan niya kay Nanay Teresita nang magpaalam siya para pumunta nga sa computer shop na iyon ang atensyon nilang dalawa.

"Ericka! Matthew! Si Nanay Teresita, bigla na lang hinimatay! Dadalhin na naming siya sa ospital!"

International Billionaires 6: Cedric Guidicelli (COMPLETED)Where stories live. Discover now